Chapter 29

19 1 0
                                    

Biglang napabalikwas si Rome sa kanyang hinihigaan. Basang-basa ng pawis ang kanyang likuran at tumagos na ito halos sa kanyang bed sheet. Humihingal siya sa pagbangon. Nag-aapoy siya sa lagnat at sobrang sakit ng kanyang ulo. Madilim ang paligid at hindi niya mawata kung nasaan siya. Basta ang natatandaan lang niya ay nasa sariling higaan siya dahil alam niya ang pakiramdam ng nababalot ng kanyang sariling kumot.

Umupo muna si Rome sa gilid ng kanyang kama at patuloy na iniinda ang pagkirot ng kanyang ulo. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang tinarangkaso gayong hindi naman siya palaging nagpapagod. Hindi rin siya nagpapaulan at nagpapahamog sa gabi.

Hindi pa rin maintindihan ni Rome ang nangyayari nang biglang umuga ang buong paligid. Biglang bumilis ang tibok ng kanyang dibdib at lalong bumulutong ang malalamig na pawis sa kanyang mukha. Isang liwanag ang humawi sa karimlan ng buong silid. Nanlaki ang mga mata ng binata nang makita kung ano ang nasa liwanag na iyon. Isang higanteng dice na nagpapagulong-gulong patungo sa kinauupuan niya na lalong nakapagpayanig ng paligid.

Wala nang ibang naisip si Rome kundi kumaripas ng takbo papalayo sa higanteng dice na patuloy pa rin sa paggulong na wari baga'y hinahabol siya. Takot na takot si Rome pero wala siyang magawa kundi tumakbo na lamang.

Papalawak nang papalawak ang sinasakop ng liwanag ngunit bahagya pa rin na makikita ang paligid. Hindi huminto si Rome sa pagtakbo kahit ramdam na niyang nanunuyo na ang kanyang lalamunan.

Isang liwanag ang pumunit sa kadilimang tinatahak ng binata. "Ano naman ito?" aniya sa kanyang isipan habang patuloy pa rin sa pagtakbo. Unti-unti nang namumulikat ang kanyang mga binti dahil para bang anlambot ng kanyang tinatapakan. Walang anu-ano'y isang malaking holen naman ang bumulaga sa harapan ni Rome. Hindi pa man niya natatakasan ang isang higanteng dice na gumugulong sa likuran niya ay isang higanteng holen naman ang handang pisain sya oras na magulungan siya nito.

Hindi na nakayanan pa ni Rome ang pagod sa pagtakbo. Hingal na hingal siya at tuyong-tuyo na ang kanyang lalamunan. Ilang sandali na lamang at mamamatay na siya oras na madaganan siya ng dalawang higanteng laruan na hindi niya maintindihan kung bakit ganoon kalaki. Humawak na lamang si Rome sa magkabilang hita niya habang hinahabol pa rin ang hininga. Maya-maya pa'y nagbanggaan ang dalawang higanteng laruan sa kinatatayuan ni Rome. Napayuko na lamang siya sa nangyari subalit wala siyang naramdamang kahit anong sakit. Sumambulat ang mga piraso ng dalawang laruan na tila ba mga bulak na ihinagis sa alapaap. Nagliwanag ang buong paligid.

"Anong nangyayari?" bulong ni Rome sa kanyang sarili habang inilinga ang paningin. Nasa isang disyerto siya. Pawang bundok ng buhangin ang nakikita niya sa buong paligid. Uhaw na uhaw na siya. Akala niya tapos na ang kanyang paghihirap subalit umpisa pa lamang pala iyon ng mas matinding kalbaryo na sa tanang buhay niya ay hindi pa niya naranasan.

Walang direksyon ang paglalakad ni Rome. Hindi na niya maintindihan ang kanyang nararamdaman. Nilalamig siya ngunit nagbabaga naman ang init ng kanyang katawan dahil sa trangkaso. Bumibitak na ang kanyang mga labi dahil sa panunuyo noon. Patuloy pa rin siya sa paglakad.

"Tu..big.." datha na ang tinig na lumabas sa bibig ng binata na noon ay hapong-hapo na sa paglalakad sa ilang. Tumingala siya sa langit. Walang kahit anong ulap na maaaring kumanlong man lang sa kanya. Tirik na tirik ang araw na unti-unting sumusunog sa kanyang balat. Ilang sandali pa ay bumulagta si Rome sa tuyo at pinong buhanginan. Uhaw na uhaw.

Nanlalabo na ang paningin ni Rome nang may maramdaman siyang kung anong papalapit sa kanya. Tao iyon base sa bahagyang yabag na naririnig niya. "Anong ginagawa mo?" tinig iyon ng isang babae na nakatindig sa kanyang ulunan. Hindi ito matingala ni Rome dahil nanghihina na siya. Ang kailangan na lang niya sa ngayon ay tubig.

"Bumangon ka diyan, remember your training," sambit ng misteryosong babae na nakatayo pa rin sa ulunan ni Rome. "T..raining?" hindi maintindihan ng binata ang ibig sabihin ng babae. Ilang sandali na lang at mawawalan na ng ulirat si Rome nang bigla niyang maalala na tumalon siya kasama ang mga kaibigan niya sa bangin sa isang pagsusulit sa panaginip.

"Nananaginip lang ako!"

"Gaaaaah!" sigaw ni Rome ng bumalikwas siya sa higaan.

"Tubig! Tubig!" Nagmamadaling humanap ng tubig si Mitch. Tinamaan ng paningin ni Rome ang isang water bottle na nasa mesa malapit sa higaan niya kaya't pahangos siya at halos nadarapang sinugod iyon. Nanginginig pa ang mga kamay niya nang pihitin ang tahip noon at dali-daling tinugga ang tubig na laman. Siya rin namang paglapit ni Mitch at inabot ang isang basong tubig. Hinablot din iyon ni Rome at dali-daling ininom.

"Easy lang, pre. Ligtas kana." ani Mitch. Si Jasper naman ay tahimik lang na nakaupo sa gilid ng kanyang higaan samantalang si Veronica ay natutulog pa rin.

"Papatayin nyo ba kami, Prof?" tanong ni Rome habang humihingal pa rin.

Lumapit ang guro sa kanya, "hindi ganoon kadali maging Dream Hunter, Rome. Kaya kinakailangan naming masiguro na kaya ninyong maka-survive sa isang hostile na panaginip."

"I could have died, Sir!"

"Yet, here you are," tugon ng propesor.

Tinapik ni Jay ang binata sa balikat at sinabihang magpahinga na muna ito dahil marami pang hindi natatapos sa pagsusulit. Iginala ni Rome ang paningin niya at halos mabibilang pa lang sa daliri ang mga examinee na gumising na at halos lahat ay balisa.

The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon