Pagkatapos na pagkatapos ng dalawang magkasunod na klase, kaagad nagtungo si Rome sa library upang kausapin si Vica. Halos hindi na siya nakatulog ng maayos kagabi dahil nangangamba siya na baka maulit ang nangyari sa panaginip niya. Inisip kasi ni Rome na pinaglaruan siya ni Veronica sa kanyang panaginip kung kaya't ayaw niyang itong maulit. Dulot nito ay nagkaroon ng mga malalaking eyebag sa magkabilang mata ni Rome dahil sa pagpupuyat.
"Kuya!" bati ni Veronica nang bumungad si Rome sa pintuan ng Thesis section ng aklatan. Nanlaki pa ang mga mata ng babae nang mapansin na haggart ang lalaki at halatang walang tulog. Kumuha si Veronica ng tubig sa dispenser, pinuno ang isang babasaging baso at iniabot sa lalake. "Bakit naman para kang may hinahabol na flight, Kuya?"
Lumagok muna ng ilang beses si Rome sa baso bago pa ito nakaimik, "Kailangan kong malaman kaagad ang mga sagot," maikling tugon niya. Tinunggang lahat ni Rome ang laman ng baso saka ito ibinaba sa mesa. "Hindi ako nakatulog kagabi dahil sa nangyari at kailangan ko ng paliwanag mula sa'yo."
Isang pingot sa tenga ang natanggap ni Rome dahil sa kanyang sinabi. Sumingkit ang bilugang mata ng lalake dahil sa sakit ng pagkapilipit ni Veronica sa kanyang tenga.
"Aray! Anong problema mo?!"
Napatingin ang mga estudyanteng tahimik na nagbabasa malapit sa kanilang pwesto kaya't medyo nahimasmasan si Rome at napatahimik bigla. Inilapit na lang ni Rome ang kanyang ulo kay Veronica at inis na inis pa rin na bumulong, "Bakit mo ginawa 'yon?"
"Gusto ko lang," painsultong tugon ni Veronica sabay kuting-ting ng ilang mga papel at mga libro. Halos mayukot na ang mukha ni Rome sa pagsimangot dahil sa tinuran ng babae. Hindi siya papayag na ganoon ang turing sa kanya lalo pa at maraming estudyante ang nakakita sa ginawa sa kanya ng babae.
Inis na inis na talaga si Rome at gusto na niyang umalis na lang sa aklatan pero kailangan talagang masagot ang tanong na bumabagabag sa kanyang isipan. Ni hindi niya lubusang kilala si Veronica at kailangan din niyang malaman ang tunay na pagkatao nito. Sino ba talaga siya? bakit siya nakakapasok sa kanyang panaginip? Ilan lang iyan sa mga tanong na namumuo sa isip ng lalaki.
"Oh," wika ni Veronica nang iabot niya ang isang maliit na lalagyan. Silindriko itong lalagyan ng mga kapsula o tableta. Nakasimangot namang tinanggap ni Rome ang lalagyan.
"Ano ito?" tanong ni Rome.
"Inumin mo 'yan bago ka matulog. One capsule a night lang ha," bilin ni Veronica.
Nakasimangot na binuksan ni Rome ang takip ng lalagyan at nakita niya na may laman itong mga pulang kapsula. Ibinalik niya rin ito sa pagkakatakip at ipinatong sa mesa.
"Aanhin ko naman ito?" tanong niya.
"Kung ayaw mong maulit ang nangyari sa 'yo sa café kahapon, inumin mo 'yan gabi-gabi," wika ng babae.
Hindi maintindihan ni Rome kung bakit kailangan niyang inumin ang gamot na iyon. Bakit ba siya maniniwala sa babaeng kahapon lamang niya nakilala. Pangalan nga lang ang alam ni Rome sa kanya at hindi ang pagkatao niya kaya't sa likod ng isip ni Rome ay hindi niya iinumin ang gamot na ito. Isa pa, hindi naman doctor si Vica para utusan siyang inumin ang gamot.
"Pasensya na kung napingot kita kanina, kuya," nakangiti na ngayon si Veronica. Napakamot na lang sa ulo si Rome dahil hindi niya maintindihan ang ugali ng babaeng ito.
"Saka na lang tayo mag-date ulit kapag naubos mo na 'yang mga capsule na 'yan," pabirong turan ni Veronica.
Tila binuhusan ng malamig na tubig sa ulo ang lalaki sa mga nangyayari. Naisip niya na nauna pang mang-alok ng date si Veronica kaysa sa kanya. Tango lang ang itinugon ni Rome dahil alam naman niya sa sarili niya na gusto rin niya makaharap sa date ang babaeng ito.
"Saka na natin pag-usapan ang tungkol sa panaginip mo. Hindi ito ang tamang lugar at oras para doon."
Sumang-ayon naman si Rome at nagpaalam na paalis ng aklatan. Bago pa siya tuluyang makalayo ay muling ibinilin ng dalaga na gabi-gabi iinumin ang gamot na ibinigay niya sa kanya. Tipid na tango lamang ang naisagot ni Rome. Hindi na siya makaimik dahil na rin sa pagod at napapako rin kasi ang tingin niya sa maganda ngunit palabang mukha ni Veronica kaya hindi na rin siya makapagsalita.
Kahit papaano ay napanatag ang loob ni Rome at natapos niya ng maayos ang mga sumunod na klase niya maghapon. Nang umuwi siya sa bahay ay dere-deretso na siya sa kwarto upang humiga. Hindi niya alintana ang gutom. Kailagan niyang bumawi sa puyat kagabi kaya't paghiga niya sa kama ay tuloy-tuloy ang kanyang pagpikit hanggang sa makatulog na siya.
BINABASA MO ANG
The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)
FantasyROME discovers that he is a lucid dreamer. Like many others, he thought he could harness all the powers and abilities in the dream world without limitation and consequences. Little did he know that lucid dreamers are usually prey to mardrums, monstr...