Matapos maghapunan ay humanda na ang dalawa para sa pupuntahan nila. Walang ideya si Rome kung anong lugar ba ang kanilang tutunguhin. Kinuha na lamang niya ang kanyang vanity kit sa bag at saka nagsipilyo. Si Veronica naman ay umakyat sa kanyang kwarto upang doon magpalit ng damit. Si Rome naman ay hindi na nagbihis dahil kakapalit lang niya ng suot niya bago pumunta sa bahay ni Veronica. Matapos magsipilyo at maghilamos ay tahimik lang na anupo si Rome sa sofa habang hinihintay bumaba ang dalaga.
"Okay kana?" tanong ni Veronica nang bumababa ito sa hagdanan. Matimtiman lang na nakatingin si Rome sa kanya. Nakasuot noon si Veronica ng tight pants at nakalong sleeves na panlalaki. Kinuha rin nito ang sumbrerong nakasabit sa pako at isinukat ito sa ulo habang nakaharap sa salamin. Tibong-tibo ang dating ni Veronica sa kanyang get up pero kita pa rin sa kanya ang maganda ang maamong mukha.
"Tara," sabay kuha ni Veronica sa kanyang shoulder bag kung saan niya palaging inilalagay ang kanyang libro. Ibinulsa naman ni Rome ang kanyang pocket watch na hindi gumagana at saka sila lumabas ng bahay.
Habang nakasakay ang dalawa sa taxi, napansin ni Rome na pamilyar ang daan na binabagtas nila. May konting ideya siya kung saan sila pupunta subali't pinili na lang niyang manahimik at hintayin ang kasunod na mangyayari.
Hindi siya nagkamali, sa university na pinapasukan nila sila patungo dahil huminto ang taxi sa second gate ng paaralan. Walang masyadong dumaraan na tao sa lugar na iyon kumpara sa gate 1 na malapit sa daan patungo sa mga boarding house ng estudyante. Tahimik pa rin ang dalawa at hindi nangahas na magtanong si Rome.
Pagkatapos magbayad sa tsuper, lumakad na si Veronica patungo sa entrance ng gate 2. Kasunod naman niyang naglalakad sa gawing likuran si Rome. Nang sapitin nila ang guard house, ipinakita ni Veronica ang kanyang school ID. Sumensyas lang ang guard na i-tap ang school ID ni Veronica sa isang gawi ng guard house na may automated scanner. Tumunog ito at muling sumenyas ang guard para makapasok ang dalawa. Nanatiling tahimik si Rome pero ang ipinagtataka niya, hindi siya nagtatap ng ID kapag pumapasok sa school. Hindi iyon nabanggit sa orientation at hindi naman iniuutos ng guard na gawin 'yun. Nagtaka rin ang lalaki dahil hindi siya sinita ng guard kahit wala siyang ID na itatap gaya ni Veronica.
Nagpatuloy sila sa paglalakad sa campus. Puro kuliglig lamang ang maririnig sa paligid at napakalamlam ng mga ilaw sa daan. Narating nila ang building ng School of Arts kung saan pumapasok si Rome. Maliwanag na ang ilaw roon kaya't hindi na creepy, di gaya sa labas. Pumasok ang dalawa sa elevator at pareho pa ring walang nagsasalita. Nakakaramdam na ng awkwardness si Rome. Muling kinuha ni Veronica ang kanyang school ID at itinap sag awing ibaba kung saan pinipindot ang open and close ng elevator door. Tumunog ang scanner at lumabas sa led screen ng elevator na patungo sila sa floor na D26. Walang natatandaang D26 si Rome at sa pagkakaalam niya, tatlo lamang ang floor ng School of Arts.
Parang hinuhugot pababa ang bituka ni Rome nang magsimulang gumalaw ang elevator. May motion sickness si Rome kaya mahina ang kanyang balanse at sikmura sa mga ganoong klaseng lugar.
"Ding!" tunog na likha ng pagdating nila sa D26. Bumukas ang pintuan. Nanlaki ang mga mata at butas ng ilong ni Rome dahil sa kanyang nakita. Hinugot niya sa kanyang bulsa ang pocket watch upang tiyakin na hindi siya nananaginip. Nang mapagtanto na gising talaga siya ay saka siya nagtanong kay Veronica.
"Welcome to Lucid Dreamers Academy," wika ni Veronica nang putulin niya ang pagtatanong ni Rome. Naglakad na rin ang dalawa papasok sa isang malawak na lugar na aakalain mong nasa loob ka ng isang malaking spaceship. May mga computer na nakahanay at mga estudyante ang nag ooperate noon. Sa gawing kaliwa ni Rome ay nakita niya ang isang malawak na animo'y basketball court. Nagpatuloy sila sa paglalakad at palinga linga pa rin si Rome sa paligid. Mga nakauniporme ang karamihan sa mga estudyante roon at sa tantiya ni Rome, hindi niya nakikita ang karamihan sa kanila sa campus.
Pumasok ang dalawa sa isang kwarto na may automated door na bumubukas kapag nilalapitan ng tao. Hangang-hanga si Rome sa kanyang nakikita. Ni sa tanang buhay niya ay hindi niya inaakalang may nag eexist na ganoong klaseng establishment. Sa room na pinasok nila, may mga monitor na malalaki at at maiilaw. Mga adult na ang nag ooperate nito kumpara sa dinaanan nilang bahagi kanina. Sa mga monitor ay nakita ni Rome na naka-flash sa screen ang tila ba ultrasound o ct scan ng isang katawan ng tao. Maraming mga numero na nagbi-blink at may linya na gumagalaw. Simbolo ng panukat ng tibok ng puso ng mga pasyente sa ospital. Nilapitan ni Rome ang isang monitor at nakita niyang may pangalan iyon ng lalaki at may nakalagay na "Stable" sa gawing ibaba.
"Veronica," bati ng isang pamilyar na boses. Pagharap ni Rome ay nagulat siya sa kanyang nakita. Ang professor niya sa Psychology. Nakaformal wear at may hawak na kape sa kaliwang kamay.
"Prof. Jay!" sambit ni Rome.
"Mr. Hernandez," tugon ng guro, "natapos mo na ba ang homeworks mo?"
Gulong-gulo ang isip ni Rome. Bakit naroon si Prof. Jay? Anong kinalaman niya sa lugar na ito na tinawag na Lucid Dreamers Academy ni Veronica?
"Huy!" ani Veronica kay Rome.
Nagulat naman si Rome at dali-daling tumugon, "Ah, yes Sir! Tapos na po."
"Alam kong maraming tanong na namumuo diyan sa utak mo na nangangailangan ng dagliang kasagutan. Pero sinasabi ko sa'yo, hindi makabubuti ang pagmamadali sa paghanap ng mga sagot," pahayag ng propesor.
"This is Lucid Dreamers Academy, ang lugar kung saan hinahasa at nagpapakadalubhasa ang mga Lucid Dreamer na katulad mo, Mr. Hernandez."
Lumakad silang tatlo kahanay ng isang malawak na bintana na abot hanggang sahig. Pawang salamin ito na makapal at hindi basta-basta mababasag. Tumambad kay Rome ang maraming hanay ng mga higaan na parang capsule. Maraming nakahiga roon na kabataan at mayroon ring mga matanda. May mga monitor bawat higaan at nakadetalye sa monitor na iyon ang kagaya ng nakita ni Rome kanina. Marami ring mga nakaputi na parang nurse na gumagala sa mga hanay ng tulog na kabataan upang siguruhin na stable ang kanilang kalagayan. Hindi talaga makapaniwala si Rome na mas marami sa inaakala niya ang mga lucid dreamer na tulad niya. Hindi rin siya makapaniwala na may ganitong klaseng academy para sa mga kagaya nila ni Veronica.
"You're one of our prospects Mr. Hernandez kaya ka narito ngayon," ani propesor, "and let me introduce to you again to your Dream Guardian, Veronica," sabay lahat ng palad sa dalaga.
"Dream Guardian?" tanong ni Rome.
"Correct. Matagal ka nang binabantayan ni Vica sa panaginip mo simula ng magpakita ka ng sign of Lucidity. Hindi mo iyon naaalala dahil hindi pa ganoon kalinaw para sayo ang mga detalye ng panaginip mo. Hindi mo lang alam, maraming beses kanang iniligtas ni Veronica sa kamay ng mga Mardrum at Shadow Beast," paliwanag ni Prof. Jay.
Napatingin lang si Rome kay Veronica at tinugon naman siya nito ng tipid na ngiti.
"Anong gagawin ko rito, Sir?" tanong ng binata.
"Sa ngayon, mag observe ka lang muna. Next week, we will start the screening of prospects kabilang ka. Hindi habang buhay normal dreamer ka lang. Dapat ninyong matutunan kung paano lumaban sa mga Mardrum oras na may ma-engkwentro kayo."
"Paano kung ayaw ko Prof?" tanong ni Rome.
Humigop ng kape ang guro saka umimik, "Well, ikaw ang bahala. Hindi naman ito sapilitan, Mr. Hernandez. Basta walang sisihan kapag hindi ka na nagising dahil sa bangungot mo."
Napaisip si Rome. Tama si Prof. Naipaliwanag na ni Veronica sa kanya na target ng mga Mardrum ang mga Lucid Dreamer dahil sa taglay nilang Radiance. Paano na lang kung muli siyang maka-encounter ng ganoong klaseng nilalang?
Tinapik ni Veronica si Rome sa balikat, "Wag kang mag alala, may isang linggo ka pa naman para magdesisyon."
"Maiwan ko muna kayo, may kailangan pa akong gawin," paalam ni Prof. Jay.
Nanatiling nakatayo sina Rome at Veronica sa pwesto at matamang tinitigan ni Rome ang hanay ng mga natutulog na Lucid Dreamers sa ibaba. Sa ngayon ay magulo pa ang kanyang isip at hindi alam kung ano ang dapat gawin. Malaking desisyon ang kailangan niyang pag isipan at hindi siya dapat magpadalos-dalos.
BINABASA MO ANG
The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)
FantasyROME discovers that he is a lucid dreamer. Like many others, he thought he could harness all the powers and abilities in the dream world without limitation and consequences. Little did he know that lucid dreamers are usually prey to mardrums, monstr...