Chapter 2

121 11 8
                                    

Mahigpit ang kapit ni Rome sa bakal na hawakan nang magsimulang umandar ang sinasakyan niyang tren. Naninibago si Rome sa paligid dahil kakaunti lamang ang pasaherong nakasakay taliwas sa mga napapanuod niya sa balita na palaging puno at wari ba'y sardinas sa loob ng tren. Mabibilang lang ngayon sa daliri kung ilan ang laman ng nakasakay ng car 11 kung saan naroroon din si Rome.

Umandar na ang tren. Mabilis at tila walang magiging aberya sa paglalakbay. Maya-maya pa ay pumasok na ang tren sa isang madilim na tunnel. Tumindig bigla ang mga balahibo ni Rome habang patuloy na bumabagtas sa dilim ang tren na sinasakyan niya. Naisip bigla ni Rome na tila ba may mali sa mga nangyayari pero hindi niya maunawaan kung ano iyon.

Nasilaw pa si Rome nang makalabas na sa tunnel ang tren. Nagitla pa siya nang makitang may katabi na siya sa kinauupuan. Ni hindi niya ito naramdamang umupo at imposibleng tumabi iyon sa kanya noong nasa tunnel pa lang ang tren. Tiningnan ng bahagya ni Rome ang lalaking katabi niya. Kalbo ito, maputla at nakasuot ng hoodie na kulay itim. Kitang-kita ni Rome ang pamamakbak ng labi nito na wari mo'y tuyong-tuyo na at hindi na maitago ang bitak.

"Hindi ka ba nagtataka kung bakit tila kakaiba ang nangyayari?"

Nagulat lalo si Rome dahil inimikan siya ng misteryosong lalaki kahit hindi naman niya ito kilala. Kinakabahan man ay hindi na lamang siya tumugon at nagkunwaring hindi narinig ang tanong ng lalaki.

"Tumingin ka sa labas," utos ng lalaki kay Rome.

Hindi na nakatiis si Rome kaya't umimik na rin siya dahil ayaw niya na kulitin pa siya ng baliw na lalaking katabi niya ngayon.

"Bakit naman ako titingin sa labas?" tanong ni Rome.

Hindi na umimik ang weirdong lalaki. Dahil curious na rin si Rome ay sumilip na lamang siya sa bintana ng tren gaya ng sabi ng lalaking katabi niya. Namilog ang mga mata ni Rome sa kanyang nakita. Mga gusaling matatayog at mga sasakyang nagliliparan!

"Oh shit! Nananaginip ba ako?"

"Exactly," alam na alam ng misteryosong lalaki ang mga nangyayari batay sa tono ng kanyang sagot kay Rome.

Parang tatakasan ng kaluluwa si Rome nang lumingon siya sa katabi dahil kitang-kita niya ang biglang pagbabagong-anyo ng lalaki. Tinanggal nito ang kanyang hood at tumambad kay Rome ang nakakatakot na itsura nito. Naging puro itim ang mata ng lalaki at ngumiti ito nang halos abot-tenga ang magkabilang-dulo ng labi. Lalo ring nangibabaw ang kaputlaan ng kulay nang lalaki at makikita sa awra nito na gutom ito at kailangang kumain.

Napasandal na lang si Rome sa bintana ng tren nang sakalin siya ng nilalang na ngayon ay lalong pumapangit ang itsura. Ang itim na mata nito ay napalitan ng kulay-dugo. Nanlaban si Rome. Sinubukan niyang sakalin ang halimaw subalit mas malakas ito kaysa sa kanya. Tila isang kadena ng barko ang nakapulupot ngayon sa leeg ni Rome at ilang segundo na lamang at mawawalan na siya ng ulirat. Humaharok na si Rome at pinilit pa rin niyang humagap ng hangin kahit siya ay sakal pa rin ng halimaw. Nanlabo na ang pangingin ni Rome

Bago pa tuluyang pumanaw ang lalaki ay bahagya na lamang ang aninong nakita niya na biglang sumulpot sa likuran ng nilalang na sumasakal sa kanya. Mabilis ang kilos noon at kasabay ng pagsulpot nito ay bumulagla ang kalbong sumakal sa kanya. Napatirapa rin si Rome sa sahig ng tren at abot-abot ang pagbawi sa kanyang hininga.

Tiningnan ng lalaki ang nilalang na nakabulagta at wala nang buhay. Nanlalabo man ang paningin, pero nabanaagan niya ang isang babae na may hawak na librong nakabukas. Nakita rin ni Rome na unti-unting nag-vaporize ang halimaw at nang ibaling niyang muli ang paningin sa babae, hinablot siya nito sa kwelyo ng kanyang damit.

"Kuya..kuya."

Napaigtad si Rome nang magising siya. Nakatulog pala siya sa desk ng library. Ginising na siya ng staff ng library dahil bawal matulog roon. Pero pwedeng kumain at mag-facebook, ironic. Kung nagkataon na nakita siya ng librarian ay siguradong yari siya. Lalong nataranta si Rome nang malamang limang minuto na lamang bago ang klase niya sa Algebra kaya't pahangos siyang umalis sa aklatan matapos ibalik ang librong kanyang binasa kunwari.

Samantala, sa rooftop ng building kung saan naroon ang ang room na papasukan ni Rome ay nakatayo ang babaeng kanina ay nakasalubong niya. Nakatingin ito kay Rome na nagmamadaling papunta sa klase. Hinugot ng dalaga ang kanyang cellphone mula sa kanyang bulsa. Pinindot ang screen at saka itinapat sa kanyang kanang tenga.

"Yes, Veronica?" tanong ng isang lalaki mula sa kabilang linya.

"Gising na siya, Professor."

"I see," wika ng lalaki sa kabilang linya, "anong level?"

"Stage 1 awakening pa lang po, Professor. Muntik pa siyang mapatay ng isang Mardrum. Mabuti na lamang at umabot ako," tugon ng dalaga.

"Very well," sagot ng lalaki sa kabilang linya, "ikaw na muna ang bahala sa kanya, Vica. Isa siya sa pinakaimportanteng asset natin sa organisasyon. Gawin mo ang lahat upang protektahan siya hanggang sa magising na siya ng tuluyan."

"Yes, Professor."

The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon