"Hoy, bangon na uy," tinapik ni Veronica ang pisngi ni Rome upang magising ito. Siya namang pagmulat ng mga mata ng binata. Bumangon na rin ito sa kanyang pagkakahiga. Hindi pa mawari ni Rome kung ano ang nangyayari. Tila ba matagal siyang nakatulog.
"Tingnan mo ang talisman mo."
Dinukot ni Rome ang pocket watch sa kanyang bulsa. Nang buksan niya ang takip noon ay kita niyang gumagalaw ang kamay ng orasan sa kabila na tinanggal na niya ang mga bahagi sa loob noon upang hindi gumana. Noon lamang napagtanto ni Rome na nasa panaginip sila ngayon.
"It works," nakangiting sambit ni Rome.
"Tara, lalabas tayo," yaya ni Veronica sa binata. Gaya ni Rome, nakapajama rin si Veronica. Naka blouse naman ito na pang itaas. Nakasabit pa rin sa balikat ng dalaga ang shoulder bag kung saan nakalagay ang kanyang libro.
Naunawaan na ni Rome ngayon kung bakit sa bahay ni Veronica siya pinatulog. Upang mas madali siya nitong mahanap kapag nananaginip na sila.
Nagtungo ang dalawa sa kwarto ni Veronica. Noon napansin ni Rome na mahilig sa anime si Veronica dahil maraming poster sa pader. May poster ng Blood+, Shingeki no Kyojin, Tokyo Ghoul at iba pa. Marami ring koleksyon ng miniatures ng pokemon sa kanyang maliit na mesa.
"Ganito rin kaya ang kwarto niya sa waking life?" naisip ni Rome.
"Kuya.."
Nasa balkonahe na sa labas ng kwarto si Veronica. Nakabukas na ang pinto kaya lumakad na si Rome papunta roon. Halos hindi makagalaw ang binata nang makita ang paligid noong lumabas siya sa balkonahe. Namimilog ang kanyang mga mata at hindi makapaniwala sa kanyang nakikita. Muli pa niyang tiningnan ang kanyang talisman para siguraduhing nanaginip siya at hindi nagha-hallucinate.
"Welcome to Aurora, ang mundo ng mga dreamers."
Lumapit si Rome kay Veronica na noon ay nakaupo sa hamba ng balkonahe. Matagal ring pinagmasdan ni Rome ang buong paligid dahil hindi talaga siya makapaniwala na ganoon kaganda sa panaginip. Ibang-iba ito sa panaginip niya noong hindi pa siya bihasa sa Lucid Dreaming. Buong akala ni Rome ay katulad na katulad lang din ng totoong buhay ang itsura ng panaginip. Subalit hindi sa mga Lucid Dreamer. Mas maganda ito at mas nakakahumaling.
Pinaghalong kulay asul at berde ang kalangitan at mas marami ang bituin kaysa sa waking life. Ang buwan ay mukhang normal pero mas malapit ito at mas malaki kung titingnan. Ang mga gusali ay matatayog at may makukulay na mga ilaw. Ang mga sasakyan ay tulad din ng mga sasakyan kapag gising sila pero mukhang mas bago ito kaysa sa mga sasakyan sa waking life. May mangilan-ngilan ring sasakyan na lumilipad, kagaya ng nakita ni Rome noong unang engkwentro sa kanya ng isang Mardrum.
"Ganito ba palagi ang kalangitan dito?" tanong ni Rome.
"Nope," tugon ni Veronica, "Kapag umaga, kulay vanilla o pink ang himpapawid. Walang araw dito. Hindi ko rin alam kung bakit napapalitan ang kulay ng kalangitan gayong hindi naman ito kagaya ng umaga at gabi sa waking life."
Niyaya ni Veronica si Rome na tumalon mula sa kanilang kinaroroonan patungo sa baba.
"Ano? Nasisiraan ka na ba ng ulo?" reklamo ni Rome.
"Lucid Dreamer tayo, hindi ba?" sabay lundag ng dalaga pababa.
Sa waking life, nasa ikalawang palapag lamang ang balkonaheng kinatatayuan nila pero sa Aurora, ikaapat palapag ang tantiya ni Rome na taas noon. Tumayo na rin ang lalaki at kabadong lumundag pababa.
"Ohhhh Shiiit!"
Napatigil sa pagsigaw si Rome nang lumapag na siya sa semento. Hindi niya inaasahan na halos wala siyang naramdamang sakit sa kanyang paa at binti.
"Sabi ko naman sa'yo eh," masayang sambit ni Veronica, "halika, maglalakad lakad tayo."
Tahimik lang na naglakad at sumunod si Rome. Iginala niya ang kanyang paningin sa buong paligid. Halos wala siyang nakikitang kalat sa daan. Maraming sasakyan pero walang makikitang makapal na usok na nagmumula sa mga tambutso nito. Sa isip ni Rome ay para siyang nasa pinagsamang New York at nasa Tokyo City.
"Ouch!" daing ni Rome nang mabangga niya ang isang lalaki. Natumba at napaupo si Rome pagkatapos mabangga.
"Tumingin ka nga sa dinaraanan mo!" sigaw ng hindi kilalang lalaki. Kung hindi lang matanda ang lalaki ay papatulan na sana ito ni Rome. Hinayaan na lamang niya na makalayo ito.
"Isa siyang projection," sambit ni Veronica, "may ilang uri ng mga bagay na umiiral sa mundong ito: Ang mga dreamer, sila ang mga normal na taong nananaginip at hindi alam na nananaginip sila. Marami ang populasyon nila dito sa Aurora."
Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad. Nasa sidewalk sila ngayon at marami pa ring tao na nakakasalubong at lumalagpas.
"Ang projection naman ay bahagi ng panaginip ng isang dreamer. Halos mahirap malaman ang pinagkaiba ng dreamer at projection dito sa Aurora. Basta ang alam ko, paulit ulit lang ang routine ng isang projection samantalang ang dreamer ay hindi."
"Saan tayo kabilang" tanong ni Rome.
"Sa mga dreamers," tugon ni Veronica, "ang pinagkaiba, we're Lucid Dreamers. Alam natin na nananaginip tayo."
Muling nagtanong ang interesadong binata, "Anong mangyayari kapag namatay tayo rito sa panaginip?"
"Good question," ani Veronica.
Dinukot ng dalaga ang libro sa kanyang shoulder bag. Nakatingin lang si Rome sa kanya at nagtataka kung ano ang susunod na mangyayari. Nang buklatin ni Veronica ang libro, kinuha rin nito ang lapis na nasa bag at may isinulat sa blangkong pahina roon. Matapos magsulat ay pinunit niya ang bahaging iyon ng pahina at ihinagis sa semento. Tahimik pa ring nakapanuod sa Rome at walang ideya kung ano ang gagawin ni Veronica.
"Ride," wika ng dalaga. Biglang umilaw ang papel na ihinagis ng dalaga sa semento at walang anu-ano'y naging isa itong magarang motorsiklo. Kinilabutan si Rome sa kanyang nakita. Maging ang mga buhok sa kanyang ulo ay tila ba tumayo lahat.
"Woah! Paano mo ginawa iyon?" lumapit kaagad si Rome sa motor at hinawakan, inusisa ito. Banong bano si Rome sa motorsiklo dahil iba ang itsura nito sa mga motor na palagi niyang nakikita sa mga ride show. Iba rin ang disenyo nito at walang ganito kagandang disenyo sa waking life.
"Marunong kang magmotor?" tanong ng dalaga.
"He..he..he.." sabay kamot ni Rome sa ulo, "Hindi."
Binatukan na naman ni Veronica si Rome dahil akala niya ay marunong ito magmotor dahil tuwang tuwa ito at banong bano nang makita ang motorsiklong kanyang pinalabas.
Kakamot-kamot pa sa ulo si Rome nang sumakay si Veronica sa motor. "Angkas na," wika niya. Pinaandar ni Veronica ang motorsiklo at umilaw ito pati na rin ang gulong.
"Angkas na, may pupuntahan tayo."
Tahimik lang na sumakay si Rome sa bahaging likuran ni Veronica. Pagkaupo ni Rome, biglang humarurot ang motorsiklo. Halos malaglag na sa likuran ang binata at napasigaw pa ito sa gulat. Upang hindi malaglag ay awtomatikong napayakap ito kay Veronica. Tahimik lang na nakangiti ang dalaga habang nagmamaneho.
BINABASA MO ANG
The Dream Hunter (SELF-PUBLISHED)
FantasyROME discovers that he is a lucid dreamer. Like many others, he thought he could harness all the powers and abilities in the dream world without limitation and consequences. Little did he know that lucid dreamers are usually prey to mardrums, monstr...