Chapter 1

24K 363 25
                                        

Chapter 1

“Hello?” Usal ng dalagang si Emilia matapos sagutin ang tawag ng kaniyang ina na nasa probinsiya.

Ibinaba niya ang hinuhugasang plato at tinanggal ang gloves. Naghugas siya ng kamay habang nakaipit sa balikat at tainga ang kaniyang telepono. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang dishwasher sa isang restaurant sa Maynila. Itinuturing na nga niyang masuwerte ang sarili dahil natanggap siya rito.

Marahan niyang pinahid ang kamay sa kaniyang pantalon at agad niyang inayos ang pagkakahawak sa telepono. “Anak!” Masayang sagot ng kaniyang ina.

Kinakabahan naman siyang nagpunas ng pawis sa noo. “‘Nay! Ba’t ho kayo napatawag?” Pinilit niyang pasiglahin ang kaniyang boses. May kutob na siya sa sasabihin nito.

“Ano kasi, malapit na ang prom nitong si Leah. Alam mo naman, buwan na ng Pebrero.” Napakamot naman ng pisngi si Emilia. Tama nga ang kaniyang hinala. Anak ng, may utang pa siyang dalawang buwan na renta sa kaniyang inuupahang apartment, at hindi parin siya nakakasweldo, na siyang kakarampot lang din. Hindi na siya nakaahon sa magkasunod niyang balanse nitong Disyembre at Enero dahil ipinadala niya itong pamasko sa mga kaanak.

Iniisip nga niya kung makakasweldo pa ba siya ngayong matumal na talaga ang dumadyaong customers.

“Ah sige ho ‘nay. Susubukan ko pong gawan ng paraan. Ay! Duty ko pa po eh, mamaya nalang tayo mag-usap.” Dali dali niyang ibinaba ang tawag at napabuntong hininga. Hindi niya maatim makipag-usap sa kaniyang ina dahil walang wala rin naman siya ngayon.

✿❀❁✿❁❀✿

Kinahapunan, nagpatawag ng meeting ang kaniyang amo. Iba na ang kaniyang pakiramdam rito. Ilang araw na rin itong sumasagi sa kaniyang isip. Nasa office sila ngayon at bakas ang lumo sa mukha ng may-ari.

“Magsasara na ang restaurant.” Hindi na nagulat ang dalaga. Nitong mga nakaraang linggo kasi ay kakaunti na lang ang kumakain sa kanila, kung minsan nga ay wala pa. Mayroon kasing bagong bukas na fastfood sa tabi na mas tinatangkilik ngayon, lalo na ng mga bata.

“Pasensya na kayo. Ayoko rin namang isara ‘to, pero lugi na e. Ito ang isang linggong sahod niyo.” Inabutan sila nito ng sobre. “Maraming salamat, puwede na kayo umalis.” Napabuntong hininga ang kaniyang amo at napahilot ng sentido.

Kung sinuswerte nga naman siya. Sabay-sabay na nga ang gastos at wala pa siyang trabaho. Nagpakawala na lamang siya ng buntong-hininga.

Naglibot-libot siya sa siyudad at naghanap kung may nag-hi-hire ba ngayon. Nabigo lamang siya. Alas-otso na ng gabi nang makauwi siya at kumakalam na rin ang kaniyang sikmura.

Nadaanan nito si Aling Rosa, ang kwarenta anyos na tumatayong ina niya sa lungsod. Ang bahay nito’y katapat lang ng apartment niya, na isang tawiran lamang ang layo.

“Oh hija, ba’t ngayon ka lang?” May humaplos sa puso niya. Para talagang anak siya nito kung ituring. Mabuti nalang ay may masasandalan pa rin siya kahit siya’y malayo sa pamilya. Kung sabagay, panay nagsipag-asawa na rin kasi ang mga anak ni aling Rosa at tanging labing-anim na anyos na anak na lamang nito ang kasama sa bahay.

“Nako, mahabang storya, ‘ma,” Napakamot siya sa batok. Bukod sa pagod ay gutom pa siya kaya wala na siyang enerhiya magkuwento. “Pasok na po ako.” Tumango ang ale at binigyan siya ng ngiti.

Bride for HireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon