Kinaumagahan ay maaga akong gumising para pumasok sa eskwelahan. Hindi ko pa rin malimutan ang nangyari kagabi. Bumuntong hininga ako. Nakasanayan na naming sabay pumasok araw-araw pero ngayon lang kami nag-away ng ganito kaya hindi ko alam kung magsasabay kami. Lagi niya akong hinihintay sa may gitna ng Ryota Village na naging aming tagpuan at tambayan noon pa man.
Naglalakad na ako patungo sa eskwelahan at hindi ko ineexpect na makikita ko si Wayne. Nakasuot ng kanyang uniporme, nakaupo at mukhang naghihintay sa mga bench. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Napatingin siya sa akin at agad akong umiwas ng tingin. Nang makita niya ako ay tumayo na din siya nang nakapamulsa at umiwas ng tingin. Dire-diretso lang ang tingin ko at nilampasan siya. Naramdaman ko naman na nag lakad din siya pero may pagitan sa aming dalawa. Bale, nagpalikod siya ng kaunti. Tahimik lang kami pareho maglakad. Wala ni-isa sa amin ang nagbalak umimik. Magkaaway kami pero sabay pa rin kami papunta sa school. Ganito siguro pag nasa iisang village kayo.
Noong hapon ay may practice ang mga varsity ng school kaya malamang ay gagabihin na sila ng uwi. Laking pasalamat ko at hindi ko nakasabay si Wayne pauwi. Hindi ko makaya ang awkwardness naming dalawa! Isang araw kaming hindi nagpansinan ni Wayne at lagi kaming nag-iiwasan ng tingin. Nakapansin si Stacy kaya agad niyang tinanong sa akin kung ano daw problema naming dalawa. Ikinuwento ko kay Stacy ang nangyari at imbes na i-comfort ako ay kinilig ulit ito gaya kahapon.
"First LQ ng ship ko!!" kilig na wika niya.
Bigla akong nawala sa mood kaya hindi ko nalang siya pinansin. Inilabas ko ang aking cellphone at nilaro ang walang kasawa-sawang 10!10!.
Kinabukasan ay ganoon ulit ang nangyari. Nakita ko siyang naghihintay sa gitna ng Ryota Village, nang lampasan ko siya ay sinabayan niya ako pero medyo nasa likod siya, at walang nagpapansinan sa amin. Pangalawang araw palang pero gusto ko nang sumuko. Ang hirap kasabay maglakad pag hindi mo kasundo ang kasabay mo.
Ngayong araw din ang start ng practice ng play namin kaya kahapon palang ay nagpaalam na ako sa mommy ko na medyo gagabihin ako ng uwi. Alas kwatro nang pumunta ako sa auditorium namin. Pagtingin ko sa mga kasama ay ngumiti sila sa akin kaya sinuklian ko din sila ng ngiti. Kakaunti lang ang kakilala ko at ang iba ay pawang mga bago. Umupo kami saglit para makilala ang teacher-in-charge sa play naming ito.
"Good afternoon. I am Mr. Charles Herrera, the teacher-in-charge for this play. Bago lang ako dito and I expect na magiging close tayong lahat."
Marami pa siyang sinabi tungkol sa sarili niya like kung saan siya nagtapos, ilang taon na siya, and so on. Ang edad niya siguro ay mga nasa 30 years old pataas. Ang una niyang ginawa ay kinilala kami sa pamamagitan ng pagtawag niya sa amin isa-isa. Dahil ako ang lead role ay ako ang una niyang tinawag. Tumayo ako at nagpakilala sa kanya. Habang nagpapakilala ako ay iba ang ngiti niya sa akin. I felt uncomfortable kaya binilisan ko ang pagpapakilala at umupo agad. Sunod-sunod niya kaming tinawag hanggang sa matapos. Ang sunod niyang pinagawa sa amin ay binigyan niya kami ng mga script para sauluhin at sinabihan niya kaming makipag close sa mga kasamahan namin para pag nag papractice ay hindi kami maawkward sa isa't isa. Ngayon ko lang naalala na hindi ko pa pala kilala ang makakapartner ko. Kilala ko na ang magiging stepsisters at stepmother ko. Maya-maya ay may lumapit sa aking lalaki na nakangiti. Magkasing tangkad sila ni Wayne.
