"Magiging okay lang ang lahat Rachel.."
"Makakaligtas ka.."
"Rachel? Rachel!"
Unti-unti kong minulat ang mga mata ko. Nakita ko ang nag-aalalang mukha ni mommy.
"Salamat sa Diyos nagising ka na!" naluluhang sabi ni mommy.
Iginala ko ang mga mata ko at napagtantong nasa ospital ako. Inaalala ko ang nangyari.
Gabi. Abandonadong gusali. Yung syringe. Pagputok ng baril. Si Wayne..
"M-Mommy!" naramdaman ko ang pagtulo ng mga luha ko.
"Kanina ka pang naiyak habang tulog ka. Nananaginip ka lang.." sagot ni mommy.
"S-Si Wayne p-po?"
Medyo naaalala ko na ang mga pangyayari. Nabaril si Wayne!
"Ssshh, kumalma ka anak. Ayan siya oh.."
Napatingin ako kanang gilid ko at napansin ang lalaking nakahiga sa gilid ng kama ko. Hawak hawak ni Wayne ang aking kamay habang tulog. Nakapang damit ospital din siya tulad ko. I felt relieved nang makita siya. Hindi ko malimutan yung pagputok ng baril at yung pagngiwi niya sa sakit. Muli kong hinarap si mommy.
"Si daddy po?" tanong ko.
"Kausap ang mga pulis, pupunta rin yon dito maya-maya. Anak, huwag niyo na ulit uulitin ni Wayne yun ha? Ibibili nalang kita ng maraming fries at pagkain para di ka na lumabas. Nag-alala kami ni daddy mo, pinagalitan ko pa siya." natatawang kwento ni mommy. "Pero dapat lang yun sa kanya kasi pinayagan ka niyang lumabas nang walang kasama."
"Kasalanan ko naman po. Ako po ang nagpumilit.."
"Okay na anak, inexplain na sa amin ni Wayne ang nangyari. Basta huwag niyo ng uulitin yun ha?"
Tumango na lamang ako.
"Sorry po, mommy." ngumiti sa akin si mommy. Maya-maya ay may kumatok sa pinto at kasunod noon ang pagpasok ni Tita Vivi. Agad siyang ngumiti nang makita ako.
"Rachel!" masaya niyang sambit at agad na lumapit sa akin. "Mabuti naman nagising ka na. Ang tigas ng ulo ni Wayne, may sarili naman siyang kwarto pero dito pa siya nakitulog. Hindi naman makagalaw ng ayos gawa ng mga balikat niya."
Napatingin ako sa balikat ni Wayne. Napansin kong may umbok doon. Doon pala siya natamaan ng bala?
"Vivi, tara mamili na muna ng mga pagkain." aya ni mommy kay Tita. "Anak, mamimili lang kami ha? Tinext ko si Stacy, pumunta siya dito kaninang umaga kasama yung lalaking nagpakilalang Clark kaso tulog ka pa non e. Itext ko daw siya pag gising ka na kaya mamaya ay pupunta yon dito. Baka maya-maya ay pumunta na rin naman ang daddy mo dito."
"Sige po."
"Gisingin mo na Rachel si Wayne para may makausap ka." sabay kindat sa akin ni Tita. Napangiti na lamang ako. I missed her cheerful side. Mas sanay akong makita ang isip-bata at ang palangiti na si Tita Vivi kesa ang malungkot at pugto ang mga mata. Kumaway sila sa akin bago lumabas ng pinto.
Pagkasarado ng pinto ay nagulat ako nang biglang umangat ang ulo ni Wayne at umupo siya ng diretso. Dahan-dahan niya yun ginawa at tumingin siya sa akin.
"Kanina ka pa gising?" tanong ko.
Tumango siya. "Ang ingay talaga ni mama."
Napangiti ako. Sinubukan kong bumangon para makaupo ng tuwid pero agad naman akong nakaramdam ng sakit sa ulo kaya hindi ko tinuloy. Nakita ni Wayne ang pagngiwi ko kaya agad siyang kumuha ng isa pang unan para ilagay sa ilalim ng ulo ko.