Natapos ang aming pag kain ni Wayne at natapos na din ang paparty ni daddy. Gabi na nang matapos ang party pero nandito pa din si Tita Vivi at si Wayne. Nakikipagkwentuhan pa din si Tita kay mommy kaya naman halata sa mukha ni Wayne na bored at naiinip. Si daddy ay tinutulungan ang katulong namin na mag linis ng mga lamesang inihanda. Sumulyap sa akin si Wayne at mabilis na umiwas ng tingin. Dahan-dahan siyang tumayo at tahimik na naglakad papalabas ng bahay. Hindi siya napansin ni Tita Vivi o ni mommy. Tumayo ako at sinundan ko siya. Nakalabas na kami ng gate. Ilang metro ang layo ko sa kanya pero habang naglalakad ay tumigil siya.
"Bakit mo ba ako sinusundan?" tumalikod siya at tumingin sa akin.
"Saan ka ba pupunta?"
Hindi siya sumagot at nagpatuloy siya sa paglalakad. Binilisan ko ang lakad ko at sumabay sa kanya.
"Huy, pasaan ka ba? Pupunta ka na naman ba doon sa nakakatakot na bahay? Ano na namang gagawin mo? Hahanapin mo ba yung multo?" Sunod-sunod na tanong ko.
"Ang dami mong sinasabi sabayan mo nalang ako."
Halatang nairita siya sa kakulitan ko kaya hindi na ko umimik at patuloy kaming naglakad ng tahimik. Nang makarating na kami sa nakakatakot na bahay ay kinilabutan ako. Napaurong ako sa paglakad at nabangga ko siya. Hinawakan niya ako sa kamay.
"Huwag ka matakot." sinabi niya iyon nang nakangiti pero hindi siya sa akin nakatingin. Napatingin ako sa lumang bahay at nakitang bukas na bukas ang gate nito. Kanina naman hindi siya bukas.
"Papatunayan ko sa'yong walang multo." nakangiting wika niya.
"Kahapon, walang lock ang gate pero kanina pag punta natin dito, may lock." Lumapit siya sa gate na ngayo'y wala na namang lock at kinuha ang nakasabit na padlock.
"Walang ebidensya na sinira ang padlock, hindi ito nagpumilit. Kung tama ang aking naiisip, ang nalabas-pasok sa bahay na ito ay may kinalaman sa pamilyang umalis dito. Makikita ito sa buwan na buwan na pag gupit ng mga damo. Hindi man naipapaayos ang ang bahay na ito, pero halatang may nag aalaga ng mga halaman. Hindi ko lang alam kung bakit hindi siya nagpapakita sa mga tao at mas piniling tuwing gabi pumunta dito."
Ang galing niya! Magkasing edad lang kami pero bakit ang galing niya na agad magsalita na akala mo ay isang detective. Pumasok siya sa loob ng bahay at agad akong sumunod sa kanya. Kinakabahan pa rin ako, napapakapit na ko sa likod niya pero hindi naman siya nagrereklamo. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto. Masyadong madilim sa loob. Biglang naglabas ng maliit na flashlight si Wayne at tinapat sa loob ng madilim na bahay. Pumasok na kami sa loob nang tahimik. Ginala namin ang buong bahay. Umakyat kami sa hagdan at may narinig kaming isang bumagsak na bote. Nagulat ako at kumapit ng husto kay Wayne. Si Wayne naman ay biglang sumeryoso ang mukha nang mapapunta kami sa isang kwarto na may lalaking nakatalikod na nakatayo na nakatitig sa isang litrato na nakadikit sa ding-ding. May hawak itong glass wine. Narinig naming suminghot ang lalaki. Umiiyak ba siya?
