Isang linggong absent si Wayne sa klase. Alam naman ng guro namin ang nangyari pero panay pa rin ang tanong nila sa akin kung kailan papasok si Wayne. Hindi ko naman masagot kasi kahit hindi ko din alam ang isasagot. Hindi pa ulit kami nakakapag-usap ni Wayne. Pagkatapos ng libing ni Tito Benj ay ramdam ko ang pag-iwas niya sa akin. Inintindi ko nalang siya kasi inisip ko na nangungulila pa rin siya kay Tito. Palagi ko naman siyang tinetext pero hindi niya ako nirereplyan.
Isang beses pumunta ako sa bahay nila pero si Tita Vivi lang ang nakita ko doon. Nag-aayos ng gamit ni Tito Benj si Tita. Tinanong ko kung nasaan si Wayne pero ang sagot ni Tita ay umaalis ng umaga si Wayne tas madaling araw na nauwi.
Nakaramdam ako ng inis. Dapat hindi niya iniiwan si Tita dito mag-isa! Tinulungan ko si Tita sa pagliligpit ng mga gamit buong hapon. Kahit na nakangiti siya sa akin at nakikipag kwentuhan, kitang kita ang namumugto niyang mga mata.
"Hindi ko na nakakausap ng ayos si Wayne, tuwing madaling araw nagigising nalang ako pag pumapasok siya sa kwarto para halikan ako sa ulo tapos mamaya lalabas na siya. Sa umaga naman tinatanong ko kung saan siya pumupunta, ang lagi niyang sagot ay sa kaibigan niya daw. Tapos pagkakain niya, aalis na siya."
Halata ang lungkot at pag-aalala ni Tita.
"Rach, anak, hindi mo ba nakakausap si Wayne?" naluluhang tanong niya sa akin.
"Hindi po e. Tinetext ko naman po siya pero hindi po siya nagrereply."
"Pu-pwede ba na pag nakita mo siya o kung makausap ay tanungin mo kung saan siya nagpupupunta? Nag-aalala na kasi ako e." tuluyan ng tumulo ang ang mga luha ni Tita.
"Masakit sa kanya ang mawalan ng ama, hindi niya pinapakita sa akin yon pero alam ko ang nararamdaman niya. Kaya please Rachel, kausapin mo siya. Nakikinig kasi sayo yun e." nakangiti niyang wika sa akin pero natulo pa rin ang mga luha niya.
Bigla na lamang akong niyakap ni Tita ng mahigpit. Niyakap ko siya pabalik.
"Please, Rachel.."
"O-opo Tita." yun na lamang ang nasagot ko sa kanya.
Kinagabihan ay inabala ko ang sarili ko sa pagbabasa ng libro na bagong bili ko. Katabi ko ang cellphone ko at naghihintay ng text. Noong isang linggo pa ata ako naghihintay ng text pero wala pa din. Nakaramdam ako ng gutom at tinigil ang pagbabasa.
Nagsuot ako ng pants at jacket at napagpasyahang lumabas para kumain. Tumingin ako sa orasan at nakitang mag-aalas nuebe na ng gabi. May mga gabi talaga na lumalabas ako para kumain.
"Pasaan ka, anak?" tanong sa akin ni daddy nang makita niya akong bumaba ng hagdan.
"Sa labas lang daddy, nag crave ako sa fries e."
"Kasama mo ba si Wayne?"
"Hindi po. Ako lang po."
Everytime na biglaan akong magccrave sa gabi ay si Wayne ang niyayaya kong lumabas. May malapit na kainan sa labas ng village kaya hindi na ako magtataka kung bakit hinahanap ngayon ni daddy si Wayne.