PINANOOD ni Mac ang pinsan. Gaya niya, hindi nagsasayang ng enerhiya ang lalaki. Hindi ito malikot, hindi kumikilos kung hindi kailangan. Minsan, ang tanging kumikilos lamang dito ay ang dibdib nito habang humihinga. Pero ngayon, halatang hindi mapakali si Cameron.
Naka-upo silang dalawa sa isa sa mga pabilog na mesa sa labas ng Starbucks sa Bonifacio High Street, nagkakape. Una niyang napuna na may mali kay Cam nang imbis na kape ang orderin nito, nag-order ito ng chocolate frappucino. At imbis na maupo nang tuwid, nakayukod ito, naka-krus ang mga braso sa ibabaw ng mesa sa isang defensive na posisyon, nginunguya ang dulo ng kulay green na straw. Nakatulala ito sa isang lugar sa ibabaw ng balikat ni Mac at lumingon siya para tingnan kung saan nakatingin ang pinsan. Nagtama ang mga mata nila ng isang magandang babaeng naka-upo sa gitna ng mga kabarkada nito. Ngumiti ito sa kanya bago nito inipit ang buhok sa likod ng tainga.
Bahagya ring ngumiti si Mac, tumango bago muling binalingan ang pinsan. Pinandilatan niya ito. Noon pa lang siya napansin ni Cameron. “Kung nandito ang girlfriend ko, hinagisan ako n’un ng granada dahil napangiti ako sa ibang babae.”
Mas lalong kumunot ang noo ni Cam. “Sinong ibang babae?”
“’Yang tinitingnan mo. Sinasabi ko sa ‘yo, kung gusto mong matagal pa siyang mabuhay, huwag mo na siyang titingnan ulit. Kapag makita ‘yan ni Bryce o ni Mal, baka ma-TV Patrol ‘yan mamaya.”
Pero muling nagtungo sa babae sa likuran ni Mac ang mga mata ni Cam at muntik nang lumabas sa ilong ni Mac ang iniinom na kape nang irapan ng pinsan ang mga bumubungisngis na babae sa kabilang mesa.
“Suplado,” tawa niya.
Hindi sumagot si Cam. Sumandal na ito at sa iniinom naman sumimangot. “What the hell am I drinking?”
“Chocolate frapuccino,” sagot niya. “Hindi ko alam kung ba’t ‘yan ang inorder mo.”
Itinulak nito ang baso ng frappé palapait sa kanya bago nito kinuha ang baso ng inorder niyang kape. “Hoy! Akin ‘yan.”
“Sa ‘ting dalawa, ikaw ang mahilig sa matamis,” turan nito bago uminom mula sa paper cup niya. Kunot na rin ang noo ni Mac pero nagpasiya siyang huwag nang palakihin pa ang usapan. Alam niyang kabado si Cameron ngayon.
Hinihintay lang nilang matapos mag-shopping ang adoptive mother ni Mallory na si Mrs. Kristine O’Connor bago sila i-meet nito at ng asawa nitong si Ambasssador William O’Connor sa Starbucks. Sa bulsa ng suot na slacks ni Cam ay isang ring box kung saan nakalagay ang engagement ring na gusto sana nitong ibigay kay Mallory sa oras na bigyan ito ng basbas ng mga magulang ng dalaga.
“Ewan ko ba kung ba’t ka kinakabahan,” sabi niya rito. “Pumayag naman nang magpakasal sa ‘yo si Mal. Saka sa tingin mo tatanggihan ka ni Ambassador O’Connor?”
Hindi siya nito pinansin. Sa halip, binago nito ang usapan. “Ba’t mo nga pala binugbog si Aquino?”
Naging matalim ang mga mata niya. Nakalimutan niya ang original nilang topic. “Nagsumbong siya sa ‘yo?”
Natawa si Cam. “Si Gage? Maniwala ka sa ‘kin, kahit pa binunutan mo ng ngipin nang walang anesthesia ang mga ‘yan, hindi magrereklamo ang mga ‘yan.” Muli itong uminom ng kape. “Nakita ko lang ‘yung mukha niya n’ung lumabas siya ng gym. At dahil ikaw lang ang nakita kong pumasok d’un bago siya lumabas, naisip kong ikaw ang nambugbog sa kanya.”
“Hindi ko siya binugbog,” depensa ni Mac. “Sparring ‘yun. Kasalanan ko ba kung mabagal siya?”
“Mac, mabagal na sa ‘yo ang cobra.”
He grunted and sipped from his straw.
“Masyado ka kasing seloso pagdating kay Bryce. Alam mo namang wala naman ‘yun. Nandito nga rin ‘yung girlfriend ni Aquino ngayon di ba?”

BINABASA MO ANG
Immortal Beloved II
RomanceON GOING --- Immortal Beloved I (Sentinels 6) has been published by Bookware Publishing Corporation under the MSV Premium imprint in October, 2009. New readers might feel like they've stepped into the middle of the story. Technically, you have :) ...