Chapter 2

7.3K 478 122
                                    

"Hahaha! Biro lang. Dyan lang kayo, ako na'ng bahala rito." Hinarap niya ang mga kalaban. "At para sa inyo naman... magsisimula na ang isang masayang piging."

Dahan-dahang tinanggal ni Avanie ang suot niyang porcelas, kasabay ng pagkakatanggal niya nito ay lumabas din ang malakas na puwersa. Bumugso ang malakas na hangin at halos patumbahin na no'n ang mga puno sa paligid. Bahagyang napaatras ang mga Parasen, samantala iniharang naman ng tatlong kasama niya ang kanikanilang braso para protektahan ang sarili sa malakas na hangin.

"Ayoko sanang gawin to dahil siguradong magagalit sa'kin si Draul pero ayoko rin namang mapahamak ang mga kasama ko." Ngumisi si Avanie. "Oy, kayong tatlo."

"A-Ano 'yon?" napapalunok na tanong ni Warly.

"Marunong ba kayong magtago ng sikreto?"

"Siyempre naman!" sagot ni Yhayuk.

"Mabuti kung gano'n dahil lagot ako kapag nalaman 'to ni lolo!" Mabilis na nawala si Avanie sa kinatatayuan niya. Sa isang iglap ay lumulutang na siya sa ere. "Haay... sayang naman 'yong naipon kong enerhiya."

Sumugod siya at saka tinadyakan ng ubod lakas ang unang Parasen na nakita niya. Ginamit niyang tapakan ang katawan nito para makabuwelo papunta sa katabi nito, siniko niya ang kalaban at napabuga ito ng kulay itim na dugo bago bumagsak sa niyebe. Sunod ay tumalon siya nang mataas at sinipa ang ulo ng isa pa.

Sumugod na palapit sa kanya ang iba pang mga Parasen, lahat iisa lang ang iniisip, at 'yon ay ang patayin ang maliit na kalaban.

Dyug! Dyug! Dyug!

"Raaaawwr!!!" Ungol ng mga nagwawalang Parasen.

Mas lalo pang binilisan ni Avanie ang pagkilos. Sipa dito at sipa doon. Dalawang Parasen ang sumugod at akmang tutusukin siya ng sungay ng mga ito pero mas mabilis ang naging galaw niya. Yumukod siya bago ikinuyom ang kamao at sinikmuraan ang isa tapos ay hinatak ang isa pa para sa kasama nito tumama ang sungay.

Bagsak ang dalawa pero marami pa rin ang natitira at napapalibutan na siya ng mga ito.

"Kung ganito lang aabutin ako ng siyam-siyam." Ibinuka niya ang isang palad at nagsimulang gumalaw ang yelo sa kinatatayuan niya. Dahan-dahan itong umangat, unti-unting nabuo hanggang sa tuluyan nang maging isang ganap na espadang gawa sa yelo. Kinuha niya 'yon saka iwinasiwas. "Hindi na rin masama, medyo malamig nga lang sa kamay."

Hawak ang bagong gawang espada ay muling sumugod si Avanie. Isa, dalawa, tatlo, apat, lima ang natatamaan niya kada pagwasiwas nito. Subalit hindi pa rin siya kuntento kaya naman gamit uli ang yelo ay mabilis siyang gumawa ng maraming sibat at saka pinalipad ang mga 'yon sa mga kalaban.

Tumalon siya at bumaliktad sa ere bago itinusok sa ulo ng isang target ang hawak niyang espada tapos ay lumundag sa isa pa at itinulak niya ito pababa bago tinusok sa likod. Sa mata ng mga nakakakita, para siyang nagsasayaw at sumusunod sa bawat galaw niya ang mga sibat na gawa sa yelo.

"Waaaaawwwrr!" iyak ng Parasen bago mamatay.

Paunti na nang paunti ang mga kalaban pero para sa tatlong nanonood, marami pa rin ito.

"Hindi kapanipaniwala," komento ni Warly habang pinanonood makipaglaban si Avanie.

"Ang bilis ng mga galaw niya, minsan hindi ko na makita." Segunda naman ni Yhayuk.

"Ngayon lang ako nakakita ng nindertal na minamani ang pakikipaglaban sa mga level 2 Ginx." Nakangangang turan naman ni Talis.

Pasugod na sana si Avanie sa isa pa pero bigla siyang napa-preno nang makarinig ng tunog galing sa bulsa niya. Pinagalaw niya ang hintuturo, agad na nabalot ng yelo ang katawan ng halimaw na malapit sa harap niya.

QUINRA [Volume 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon