A/N: Ito muna, mayang gabi ko na upload yung isa. Hindi pa ako tapos mag-edit. Tulog muna ako sandali.
Iniayos ni Avanie ang mga dadalhin niyang gamit sa pagpunta nila sa Maurit. Kung tutuusin wala siyang ga'nong bitbit, mas marami pa nga ang bilang ng mga mansanas sa loob ng maji stone niya kesa sa mga bagay na naisipan niyang dalhin.
Hindi niya rin nakalimutang magdala ng pera, ayon kay Lyrad, ilang araw silang mamamalagi sa Maurit, wala silang tutuluyan kaya ang tanging pagpipilian ay ang pag-upa ng kwarto sa mga inn. Kahit na malapit sa Mizrathel ang Maurit, hindi 'yon naging hadlang para sa mga manlalakbay na gustong makarating sa Mizrathel. Dahil do'n madalas na puno ang mga inn kaya naman inutusan agad ni Lyrad ang isang tauhan na kumuha ng reserbasyon sa isang kilalang inn para masigurong may matutuluyan ang grupo nila Avanie. Binayaran ni Lyrad ang reserbasyon na nagkakahalaga ng isang libong orie, si Avanie na ang bahala sa iba pa.
Tok tok tok. Kasunod no'n ay may tumawag sa pangalan niya.
"Sino 'yan?"
"Si Warly po. Nakahanda na po ba kayo?"
"Lalabas na ako."
Inilagay niya na ang maji stone sa bulsa ng suot niyang panlamig na binili ni Riviel at saka tinungo ang pintuan. Paglabas niya ay nag-aabang na si Yhayuk, Warly at Padan. Sinasanay ni Lyrad ang mga sundalong yelo kaya wala ito ngayon. Nagpumilit itong ihatid sila kahit sa gate lang ng Ruligan pero hindi pumayag si Avanie.
"Kamahalan... bago po tayo umalis, pwede po bang dumaan muna tayo sa isang lugar?" tanong ni Warly. Kita sa mukha nito ang kalungkutan.
Tumango si Avanie. Hindi na siya nagtanong, kung saan man 'yong lugar na gustong puntahan ni Warly, mukhang importante 'yon dito.
Naglakad sila papunta sa kabilang panig ng Ruligan. Makikita roon ang isang gate na katulad ng gate sa harapan ng Ruligan.
Isang malawak na lugar ang tumambad sa kanila, puti ang buong paligid at mapapansing mas makapal ang yelo sa bahaging ito kesa sa harapan ng Ruligan, mas malamig din ang hangin na tila ba lalong nagpalungkot sa buong lugar. Walang kahit ano do'n liban sa mga magkakatabing puntod na gawa sa hinulmang yelo. Nakaukit sa bawat yelo ang pangalan ng mga namayapa, sa ibaba naman nito ang petsa ng pagkamatay.
"Ito ang tinatawag naming 'Sofcroft'," turan ni Padan. "Ang lugar kung saan inililibing ang mga namatay na exile."
Nagpatuloy sila sa paglalakad, panay naman ang tingin ni Avanie sa mga puntod. Ang iba sa kanila matagal nang patay samantala may mga nakita siyang petsa na kamakailan lang.
"Malamig ang klima rito sa Mizrathel," umpisa ni Padan. "At may mga pagkakataong bumababa ng husto ang temperatura lalo na kapag may bagyo. Sa tuwing nangyayari 'yon, nanganganib din ang buhay ng karamihan sa'min. Iyong iba namamatay sa matinding lamig at 'yong iba naman dahil sa sakit na sanhi rin ng mababang temperatura."
"Hindi ba pwedeng sa ibang lugar na lang ipatapon ang mga kriminal? Bakit dito pa?" tanong ni Yhayuk.
"Ayaw ng ibang mga bansa na may mga nagtatagong kriminal sa bansa nila kaya naman nagkasundo ang mga pinuno na wasakin ang bato nila sa katawan at ipatapon sila sa lugar kung saan mahihirapan silang mabuhay. Kung iisipin, para ka na ring nakatanggap ng parusang kamatayan oras na ipatapon ka rito. Sa umpisa marami ang namatay dahil sa hirap ng pamumuhay pero nagbago 'yon nang dumating si Prinsipe Lyrad."
"Iyong mga bahay na nababalutan ng maji? Siya may gawa no'n?" interesadong tanong ni Avanie.
"Tama po kayo. 'Hetelo' ang tawag sa maji spell na ginagamit niya. Nagagawa no'ng painitin ang loob ng kabahayan. Isang malaking bagay para sa mga naninirahan dito. Ngayon, hindi na kami ga'nong nag-aalala kapag may bagyo at bumaba ang temperatura."
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...