Nang sumunod na araw
Asturia, Cienteson
Kung titingnan sa malayo, tila lupon ng mga langgam na nag-iimbak ng pagkain para sa darating na tag-ulan ang hukbo ng mga sundalong maayos na nakahilera sa limahang linya. Lahat sila ay nababalutan ng armor ang buong katawan. Mataas na ang araw ngunit hindi ito iniinda ng mga sundalo dahil kumpara sa mahirap na pagsasanay na pinagdaanan nila sa mga nagdaang taon, balewala ang paglalakad sa ilalim ng tirik na tirik na araw.
Kasabay ng kalampagan ng mga armas at tunog ng nadudurog ng bato sa tuwing nadaraanan ng mabibigat na gulong ng naglalakihang karwahe ay ang ingay ng mga sundalong sabay-sabay nag-uusap habang naglalakad. Nakangiti ang iba sa kanila, para bang sa parke lang sila naglalakad at hindi sasabak sa gera.
At ang pinakamaingay sa lahat...
"Oo! Totoo ang sinasabi ko! Nakulong talaga ako sa bibig ng dragon, akala ko nga hindi na ako mabubuhay e!" Kwento ni Dal Fegari sa maingay at malakas na boses. Tuwang-tuwa naman ang mga nakapalibot na sundalo sa Dal na ito. Sa tabi niya ay ang mahiyaing si Izari at walang emosyong si Satari. Nakasuot din ng armor ang tatlo at nakikihalubilo sa mga normal na sundalo. "Ah! Buti na lang malakas ako kaya nagawa kong makatakas!"
"Hahaha!" Tawa ng isang sundalo sabay tapik sa balikat ni Fegari. "Meron talagang pagkakataon na masarap mangarap."
"Hindi lang 'yon pangangarap!" Giit ni Fegari. Pa'no ba maiintindihan ng mga nindertal na 'to ang damdamin niya? Ni hindi pa nga yata nakakakita ng totoong dragon ang mga ito! "Sinasabi ko sa inyo, oras na pumunta kayo sa lugar na 'yon magiging pagkain lang kayo para sa mga dragon!"
"E di, iniluwa ka dahil hindi ka masarap?" sabat naman ng isa pa.
'Kuya tatapusin ko na buhay ng mga 'to! Hindi ko na sila paaabutin sa pupuntahan nila!'
Satari: '....'
'Huminahon ka Fegari. Sino ba'ng may sabi sa'yo na magkwento ka ng mga bagay na hindi naman nila paniniwalaan? Nagsasayang ka lang ng laway.'
"Maiba ako Fega, saang bansa kayo galing? Karamihan ng mga kasamahan namin galing sa iba't-ibang probinsiya rito sa Asturia. Mukhang hindi kayo galing dito." tanong ng isang sundalong malaki ang puno ng muscle ang katawan. Balot ng balbas ang kalahati ng mukha nito.
"Ah! Galing kami sa Arondeho!" Nakangising sagot ni Fegari. Sa ngayon, nagpapanggap silang mga karaniwang sundalo sa ilalim ng pangalang Iza, Fega at Sata.
"...Arondeho na naman." Mahinang sabi ng sundalo bago tuluyang nanahimik.
"Anong problema?" Usisa ni Fegari. Duda siya sa biglaang pagtahimik ng iba pang mga sundalo.
"Kasi, bago binawi ni Haring Zoloren Feverentis ang mga sundalo niya, nalaman namin na halos lahat sila mga normal na mamamayan lang at na-pwersa lang silang maging sundalo dahil itinulak sila ng mga opisyal sa pinakasulok kung sa'n mahihirapan silang makawala. Ang totoo niyan..." Luminga-linga ito sa paligid bago ibinulong ang mga susunod na sasabihin. "Malakas ang bali-balita na kalahati lang ng mga pumunta rito ang nakabalik sa Arondeho."
Naningkit ang mga mata ni Izari at Satari pero hindi sila nagsalita. Anim na put libong (60,000) ang lahat ng nasabing sundalo kung kalahati lang ang nakabalik, saan napunta 'yong tatlumpung libong (30,000) natira?
"Kung tatanungin mo 'ko kung sa'n sila napunta," Nagkibit balikat ito. "Hindi ko rin alam."
Huminto sa paglalakad si Satari, lumingon sa likod at matamang tiningnan ang naglalakihang metal na hugis kahon. Makakapal ang nakabalot na kadena rito bukod pa sa sensor maji at barrier. Hindi na kailangang hulaan, walang dudang delikado ang laman ng mga naglalakihang kahon na'yon.
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...