Chapter 26

3.5K 290 88
                                    

Tanghali na. Sa oras na ito ay tirik na ang araw, mainit na ang temperatura sa ibang bahagi ng Iriantal pero hindi sa
Mizrathel. Matindi ang sikat ng araw subalit nang dahil sa hamog na dulot ng lamig ay tila natatakpan ito ng manipis na kurtina dahilan para mapigilan ang init na dala nito.

Sanay na ang mga nindertal na nakatira rito sa ganitong klase ng panahon. Hindi na rin nila alintana ang lamig. Balot ng yelo ang buong paligid, sa bawat paghakbang sa daan ay bahagyang lumulubog ang paa ng kung sinomang naglalakad.

"Hachew!" Pinunasan ni Yhayuk ang ilong bago muling suminghot. "Grabe talaga ang klima rito. Nanunuot hanggang buto ang lamig. Pakiramdam ko wala na akong ilong."

"Hindi ka pa rin nasasanay sa klima rito?" taas ang isang kilay na tanong ni Warly.

Umiling si Yhayuk. "Para sa isang gaya kong lumaki sa lugar na hindi inuulan ng yelo, sa tingin mo gano'n kadali akong masasanay sa ganitong klima? Hindi ako gaya ng kamahalan."

Tiningnan ng dalawa ang naglalakad na si Avanie sa harapan nila. Parang wala lang dito ang lamig sa paligid.

Masigla pa rin itong naglalakad at kumakampay pa ang dalawang kamay. Halatang maganda ang lagay nito.

Alam ng dalawa kung bakit maganda ang lagay ni Avanie. Papunta na sila ngayon sa sinabing tagpuan.

Lalo pang nangislap ang mata ni Avanie nang makita ang mga nindertal na nakatayo sa harapan ng tindahan. Lima ang bilang nila. At may hinuha siya na ang lalaking nakatayo sa unahan ang nagsisilbing pinuno ng mga ito.

Tiningnan niya ang suot ng mga ito. Makapal na kulay itim na kapa, makapal na panlamig, ang bota naman na suot sa paa ay gawa sa mamahaling balat na nakukuha sa mga Ginx. May armas din ang mga ito. Tatlo sa kanila ay may dalang espada. Isa naman ang may staff habang ang natitirang isa ay may bitbit na malaking bag.

Tinitigan ni Avanie nang maigi ang malaking bag. Iniisip niya kung may makukuha ba siyang maganda sa laman no'n. Kung sa bagay, wala naman siyang pakialam kung may makuha man siya o wala sa mga ito. Basta, hinding-hindi ito makakatakas sa mga kamay niya.

Aba! Ang lakas ng loob ni Bernon na magpasimula ng gera. At bilang isang Prinsesa na mapagmahal sa pera at kapwa, natural may kailangan siyang gawin para pahirapan ng kaunti ang mga ito. Tama PAHIRAPAN NG KAUNTI!

"Ito na ba 'yong sinasabing tindahan?" Narinig niyang tanong ng isa.

Binatukan naman ito ng isa pa. "Hindi pa ba halata? Tingnan mo o, ang laki-laki ng karatula, nakasulat 'Tindahan ni Waikiki'. Bulag ka ba?"

"Kasalanan ko ba kung malabo ang mga mata ko? Hindi Waikiki ang nakikita kong nakasulat sa karatula," asar na tugon nito. Malabo na nga ang mata niya, nadagdagan pa iyon ng hamog galing sa makapal na yelo sa paligid.

"Bakit? Ano ba'ng nakikita mo sa karatula?" tanong no'ng lalaking may dala no'ng malaking bag.

"Waikik."

"....."

"Pareho lang di ba?" sagot no'ng lalaki.

Sa pagkakataong 'yon, ito naman ang nabatukan at di hamak na mas malakas 'yon kesa sa naunang nabatukan.

Seryoso? Mukhang naghahanap lang ito ng tiyansang makapambatok ng kapwa.

Hindi alam ni Avanie kung matatawa siya o maaawa sa mga ito. Walang alam ang lima sa paparating na panganib na nagngangalang 'Avanie Larisla'. Mahinahong naglakad si Avanie papalapit sa lima. Hindi naman siya napansin ng mga ito dahil panay pa rin ang pagtatalo sa nakasulat sa karatula.

Huminto si Avanie ilang hakbang malapit sa grupo at saka walang imik na tiningnan ang mga ito.

"Hindi pa ba darating ang walang hiyang kumuha no'ng signor?" naiinip nang tanong ng pinuno. Signor ang tawag sa bato na nakakabit sa poste. Humihigop ito ng enerhiya at magagamit naman nila ang enerhiyang makukuha nito sa pagbubukas ng portal. Madali lang nilang mapapalitan ang signor pero hindi nila mababawi ang enerhiyang nakuha na nito sa loob ng limang taon.

QUINRA [Volume 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon