Sa isang lihim na silid sa Castiellu Asturia
Seryoso ang mukha ng walong nindertal na nakapalibot sa isang malaking parihabang na lamesa. Madilim ang silid na sinamahan pa ng malamig na ekspresyon ng lahat ng naroon kaya naman lalo pang bumigat ang aura ng buong paligid.
"Dalawang araw na lang ay mararating na ng hukbo ang Maurit."
"Tama ka. Hindi magtatagal ay magsisimula na ang hinihintay nating paglusob. Bagama't nakakaawang isipin na mamamatay ang mga exile ng walang kalaban-laban, mas mahalaga pa ring maisakatuparan ang plano."
"H'wag mong sabihing binibisita ka ng konsensiya mo?"
"Hmp!" Humalukipkip ito at nagtaas ng isang kilay. "Ilang beses na nating ginawa ang bagay na 'to. Tingin mo may natitira pa sa'kin? Sa tingin mo mayroon pang kahit isang nandito ang may konsensiya?"
"HAHAHAHA! Tama ka. Kung ganoon, ayon sa plano. Pagkatapos nito ay isusunod natin ang maliliit na tribu sa Nanoham."
Kumunot ang noo ng isa. "Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Alam kong kailangan natin ng maraming nindertal ngunit masyado yatang magiging lantaran kung susugod tayo kaagad pagkatapos ng laban sa Mizrathel."
Tumikhim si Bernon at pinasadahan ng tingin ang mga kaharap. "Hindi pa ba lantaran ang ginawa kong pagsugod sa Mizrathel? Itinago ko ang paglusob sa tribu ng mga Yesu dahil hindi pa oras para malaman ng buong Iriantal ang binabalak ko. Subalit ngayong lumabas na ang Quinra, wala na tayong dahilan pa para magtago."
Ngumisi si Bernon. Gagamitin niya ang Quinra bilang panangga sa mga gustong kumalaban sa kanya. Hindi siya papayag na may humadlang sa kanyang mga plano. Ano ngayon kung makita ng mga nindertal at iba pang kaharian ang mga Cartacos? Kaya ba nilang kalabanin ang pinakamalakas na nilalang na kinatatakutan kahit ng mga diyos?
"Kung iyan ang gusto ng hari ng Asturia, wala kaming opinyon."
Isang mahinang katok ang nagpahinto sa pulong. Ilang sandali pa ay pumasok ang isang kawal na nagbabantay sa labas. May dala itong isang screen.
Iniayos ng kawal ang screen sa lamesa, nang makitang lumabas na ang mukha ng mga nasa kabila ay saka siya yumukod at saka maingat na lumabas.
Curious na tiningnan ni Bernon at ng mga Zu-in ang grupong nasa kabilang screen, kasunod no'n ay sabay-sabay silang natigilan dahil.... ...WALANG DAMIT ANG MGA ITO!!
Hindi lang 'yon!Nagyeyelo ang buhok at kilay.
Dikit dikit at magkakayakap ang mga katawan ng grupo. Parang isang grupo ng hayop na naiwanan sa gitna ng taglamig at inabanduna ng magulang.
Mabait pa nga ang may kagagawan dahil iniwan ang damit pang-ibaba.
"Anong katarantadu—hmpm!" bago pa matapos ng isang Zu-in ang sasabihin ay natakpan na agad ng katabi ang bibig nito.
"Sino ang may kagagawan nito?!"
Nanginginig na tumingin si Banaran Hawi sa screen. Pinilit niya pa ring magsalita kahit na tila nanigas na ang lalamunan niya. Seryoso! Kailangan niyang gawin ito para mabuhay.Una kinuha ng mga walanghiyang 'yon ang lahat ng gamit nila at wala silang kahit anong maaaring gamitin para makahanap ng pera pambili ng pagkain at pambayad ng matutuluyan. Ikalawa, kahit may pambayad walang tatanggap sa kanila dahil sa mapanghing amoy na bumalot sa katawan nila.
At higit sa lahat, aabutin pa ng dalawang araw bago magbukas ang portal!
Anong gagawin nila rito? Maghihintay hanggang sa maging estatwang yelo?
"Magsalita kayo! Anong nangyari?" Galit na inihampas ni Bernon ang kamay sa lamesa at lumikha 'yon ng boom! na tunog.
"Nagawa niyo ba ng maayos ang ipinagagawa ko sa inyo?"
Nangangatal na tumango ang grupo."Maayos p-po ang... ...ang lahat." Lunok, bahing tapos ay punas ng ilong. "P-Pero may, may problema. Nagpakita po si ano..."
"Sino?"
"Riviel Qurugenn!"Sandaling katahimikan.
Tapos no'n ay tumayo ang isang Zu-in. Kung nandito si Avanie ay mamumukhaan niya ang nindertal na ito.
Ito lang naman kasi ang dahilan kung bakit nagmukha siyang nindertal na nagkatawang uling! Tama. Ito ang Zu-in na tumira ng palasong gawa sa maji na sinalo naman ni Avanie gamit ang poste.
"Bianco?"
"Sabihin mo ang buong pangyayari," mariing turan niya kay Banaran.
Tumango si Banaran. Kaya kahit nanginginig sa lamig at tipong babawian na ng buhay ay inilahad pa rin niya sa mga nakatataas ang buong kwento.
Kunot noong nakinig ang mga nasa silid. Hindi nila pinalampas kahit isang detalye sa mga narinig nila. Subalit lalong naging seryoso ang mukha ng lahat nang marinig mula kay Banaran ang mga sinabi ni Avanie."Gusto ni Bernon Zeis ng digmaan, ibibigay ko 'yon sa kanya."
"Gusto niyang sumikat sa buong Iriantal? Pasisikatin ko siya."
Halos mamuti na ang kamay ni Bernon dahil sa higpit ng pagkakakuyom at marahil dala ng matinding galit, isang tingin lang sa mukha nito ay makikita ang ugat sa noo.
"Lapastangan! Bakit wala man lang nakapagbalita sa akin na humingi ng tulong ang mga exile sa hari ng Ishguria!" Umiling siya. "Hindi. Sigurado akong hindi basta tutulong si Qurugenn sa laban na alam niyang magdudulot ng malaking abala sa bansa niya."
"Kung gano'n anong dahilan?"
Muling nilingon ni Bianco si Banaran. "Sinabi mo bang isang babae ang nagsabi nito?"
Tumango si Banaran. "Siya po ang nadatnan namin at... ...nakita kong malaki ang pabor na ipinapakita rito ni haring Qurugenn."
Babae?
"Hindi ba't noong nakaraan lang ay ipinahayag ni Qurugenn ang tungkol sa isang babaeng nagngangalang Avanie Larisla na siyang magiging reyna ng Ishguria sa hinaharap? At sa pagkakaalala ko ay ipinatapon siya sa Mizrathel dahil sa akusasyon na siya ang pumatay sa batang hari."
"Tama," sang-ayon ng isa. "Pero hindi ito sapat na dahilan para protektahan niya ang mga exile. Hari si Qurugenn at kung gugustuhin niya ay kaya niyang kuhanin mula sa Mizrathel ang babae. Ngunit anong ibig niyang sabihin dito?"
"Isa lang ang ibig sabihin nito..."
Malinaw na isa itong deklarasyon ng laban mula sa hari ng Ishguria!
Nalukot na ng husto ang mukha ni Bernon. Hindi niya akalaing ang simpleng laban ay magiging komplikado dahil sa pakikialam ng isang bansa.
Aaminin niya. Hindi madaling kalaban si Riviel Qurugenn. Kahit wala itong kapangyarihan ay hindi niya ito kayang labanan ng mano mano. Hindi niya rin alam kung bakit sa tuwing maghaharap sila nito ay nakakaramdam siya ng takot na nagmumula sa kaibuturan ng kanyang puso.
Kahit pa sabihing malakas ang Asturia, hindi pa rin nila alam ang kabuoang lakas ng Ishguria.
"Pupunta ako sa Mizrathel ngayon din."
Tiningnan ng lahat si Bianco.
"May hinuha ako na ang babaeng nakita ko sa Kalaja nang sumugod ako at ang babaeng tinutukoy nila ay iisa."
"Anong binabalak mong gawin?"
Isang nakakatakot na ngiti ang nakita sa mga labi ni Bianco. "Gusto kong makita ang reaksiyon ni Riviel Qurugenn oras na makita niya ang pagkamatay ng itinakda niyang Prinsesa sa mismong harapan niya!"
Hindi nagsalita ang mga nasa silid. Tahimik ang lahat at may kanya-kanyang iniisip.
Magiging gano'n ba kadali ang lahat?
Bakit may pakiramdam silang... Hindi magiging simple ang kahit ano dito.
🦴🦴🦴
And the war has officially begun! Trust me, oras na mangyari ang gagawin ni Bianco... All hell will break loose! Hahaha see ya next week!
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...