Mordiven
Kilala ang Araf sa buong kalangitan bilang lugar kung saan inilalagay ang mga kaluluwang naghihintay ng hatol. Ito 'yong mga kaluluwang binibigyan ng ikalawang pagkakataon.
Depende sa magiging hatol ng diyos na si Ardvark, maaaring mapunta ang mga ito sa langit o di naman kaya'y habang buhay nang mananatili sa Mordiven. Sa Mordiven, nakakatanggap sila ng mga pagsubok bilang kaparusahan sa mga nagawa nilang kasalanan no'ng nabubuhay pa sila sa lupa. Oras na malampasan nila ang mga pagsubok, magkakaro'n uli sila ng pagkakataong mabuhay sa lupa bilang mortal.
Reincarnation.
Tiningnan ni Feer si Lou na lumulutang sa tabi niya. Ilang daang taon na rin ang nakalipas, kung hindi niya kaya kinuha ang kaluluwa ni Lou, mabubuhay kaya uli ito bilang isang mortal?
Para namang nabasa ng kapatid niyang si Kaiyus ang iniisip ni Feer. "Kahit na mabuhay siya uli bilang mortal, hindi natin alam kung saang mundo siya mapupunta. Milyon ang bilang ng iba't-ibang mundo sa sa magkakaibang dimensyon, sa tingin mo madali mo siyang mahahanap oras na pakawalan mo siya? Handa ka bang iwan ang tungkulin mo para magpalipat-lipat sa iba't-ibang mundo? Higit sa lahat, wala kang kakayahang magbukas ng portal papunta at paalis sa mga mundong 'yon." Tinapik ni Kaiyus ang balikat ni Feer. "Tama lang ang ginawa mo."
Masaya si Feer na makasama si Lou araw-araw pero hindi pa rin niya maiwasang makonsyensiya. Hindi niya ito kayang pakawalan. Una, tulad ng sinabi ni Kaiyus, kung sakali mang maging mortal uli si Lou, hindi siya sigurado kung saang mundo ito ipapanganak, ikalawa mawawala ang lahat ng alaala nito tungkol sa nakaraan nitong buhay.
Makakalimutan siya nito.
Naramdaman ni Feer ang malamig at matigas na bagay sa balikat niya. Tiningnan niya ang buto-butong kamay ni Lou sunod ay ang bungo nito. Hindi man ito nakakapagsalita, ramdam niya namang sinasabi nito na 'Wala siyang dapat ipag-alala dahil hindi siya sinisisi nito'.
Kayang ibalik ni Hu-an ang dating katawan ni Lou ayon lang sa memorya ni Feer pero mahigpit niya itong tinutulan dahil para sa kanya, ang kalansay na anyo ni Lou ay isang paaraan para hindi niya makalimutan ang kasalanan niya kay panginoong Ardvark.
"Gaya ng sinabi ko, mabait akong kuya kaya kakausapin ko si panginoong Ardvark para maayos ang sitwasyon niyong dalawa."
Malungkot na tumango si Feer.
Sa totoo lang naaawa si Kaiyus sa kapatid. Imortal ang mga tulad nilang nakatira sa kaharian ng diyos. Isang rason kaya iniiwasan nila ang umibig sa mga mortal dahil hindi kayang mabuhay ng mga ito sa loob ng mahabang panahon.
Tumigil ang grupo sa isang mataas at mahabang bangin. Kulay itim ang lupa at bato sa paligid na nababalutan ng kulay violet na hamog, sa harapan nila ay makikita ang isang makitid at mahabang tulay. Gawa ito sa itim na bato, walang harang at wala ring pwedeng kapitan, sa sobrang kitid hindi pwedeng maglakad ng magkatabi ang dalawang tatawid. Isang maling galaw lang, tiyak na mahuhulog ka sa ibaba. Hindi nila makita ang hangganan nito kaya hindi nila alam kung ga'no kahaba ang tulay.
Sinilip ni Fahnee kung anong meron sa baba at tumaas ang lahat ng balahibo niya sa katawan nang makita niya ang naglalakihang bulate na puno ng tinik ang buong mula ulo hanggang buntot. Nagsisiksikan ang mga ito sa ibaba at pumupulupot sa bawat isa.
"D-D-D-Dito ba, ba tayo d-dadaan?" nanginginig na tanong ni Fahnee kay Kaiyus.
"Ito lang ang daan papuntang Araf," sagot nito. "Siya nga pala, hindi kayo pwedeng gumamit ng kapangyarihan dito dahil oras na maramdaman ng mga Yubino na may nilalang ng langit sa paligid, magwawala sila."
Kumunot ang noo ni Zaf. "Pero masyadong makapal ang miasma sa paligid. Kapag hindi kami gumamit ng kapangyarihan, mahihirapan kaming makahinga."
Tumango si Kaiyus at natatawang tiningnan ang grupo. "Alam ko! Sa puntong 'to wala akong maitutulong sa inyo."
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...