AN: Nagbabalik! Hahaha long time no write. Warm up muna. Medyo matagal din akong nagpahinga.
"HAHAHAHA!" Malakas na tawa ni Draul matapos i-kwento ni Levic ang nangyari bago sila makaalis ng Asteloma.
Hindi niya alam kung ano na namang topak meron ang baliw na Duke pero para sa kanya, walang nakakatawa sa mga sinabi niya.
Kanina, hindi pa man sila nakakarating sa portal na magdadala sa kanila ni Ashril pabalik ng Eldeter ay hinarang na ng dalawampung (20) armadong nindertal ang kanilang sinasakyang karwahe.
'Walang masasaktan kung ibibigay niyo sa'min ang batang babae!' naalala niyang sigaw ng isa sa mga ito bago sila pinalibutan. Walang ideya si Levic kung ga'no ka-importante si Ashril pero dahil iniutos ni Draul na sunduin ito, kailangan niya 'yong tuparin kahit anong mangyari.
Kaso, bago pa man siya makakilos ay natapos na agad ang laban. Sa isang iglap bagsak ang lahat. Ni hindi niya alam kung anong nangyari. Kumilos ang apat na Knight na kasama nila pero dahil masyadong mabibilis ang galaw ng mga ito, palaisipan pa rin sa kanya kung pa'no nila pinatumba ang mga kalaban.
Bumalik siya sa loob ng karwahe na lutang ang isipan. Gaya ng amo, halimaw din ang mga tagasunod kaya dapat hindi na siya magtaka. Iiwasan niya na ring magulat sa susunod.
Tapos no'n naging tahimik na ang paglalakbay at nang sabihin niya ang nangyari kay Draul... isang malakas na tawa ang natanggap niya mula rito.
'Pag nandito ka, hindi ka maiinip. Ingat nga lang dahil baka mahawaan ka ng kabaliwan nila.' Isip ni Levic.
"Talagang ginawa nila!" Natatawang pinunasan ni Draul ang mga mata gamit ang daliri. "Gaya ng inaasahan sa sakim na Hari ng Asteloma. Wala ba siyang sapat na oras para maghanap ng mga talentadong nindertal sa kaharian niya kaya kukuhain niya ang nakita ng iba? Nakakatawang isipin na hanggang ngayon hindi pa rin bumabagsak ang bansang 'yon dahil sa katangahan ng namumuno. Ano sa palagay mo Levic? Sasakupin na ba natin ang Asteloma?"
Nanginig ang katawan ni Levic nang makita niya ang delikadong kislap sa mga mata ng Duke. Mukhang hindi ito nagbibiro.
"Huminahon ka Draul," balewalang turan ni Hu-an. "Mamaya dadalhan kita ng gamot pampakalma."
"Tch! Anong klaseng lason na naman ang ihahanda mo para sa'kin? Hindi ko 'yon iinumin!"
Bumaling si Hu-an kay Levic. "Nasaan siya?"
Si Ashril ang tinutukoy nito.
"Kinuha siya ng mga katulong para ayusan at pakainin. Ano ba talagang balak niyo sa batang 'yon? H'wag mong sabihin na gagamitin mo siya para sa eksperimento mo?"
"Gano'n ba kasama ang tingin mo sa'kin? Hindi ako gumagamit ng mga bata sa mga eksperimento ko. Kung gusto mo ikaw na lang. Magagamit ko ang mga eye balls mo, lalagyan ko ng pakpak para panilip sa masasamang balak ng mga nakakairitang nilalang."
Nanlambot si Levic sa narinig. Ngayon alam niya na kumbakit kapag nasa paligid si Hu-an tumatakbo ang mga nindertal sa mansyon palayo.
"Hiniling ni Avanie-hana na gawin kong estudyante ang batang 'yon. At dahil hiniling niya, sisiguruhin kong magiging pinakamagaling na manggagamot ang batang 'yon sa buong Iriantal." Dinuro siya ni Hu-an gamit ang pulang payong nito. "Ikaw naman, hindi ako kuntento sa abilidad mo sa pakikipaglaban."
Sumang-ayon si Draul. "Ni hindi ka makasabay sa mga Knight na kasama mo. Sa tingin mo, bakit hindi kita pinatay kahit na malaki ang kasalanan mo sa aming amo?"
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...