Chapter 24

2.8K 303 152
                                    

Napanganga ang grupo nang makita nila ang nakatakda nilang labanan. Seryoso! Pagmamakamatay ba 'to o pagpapatiwakal?! Hindi magandang biro ang sinasabi ni panginoong Ardvark!
Sino bang gustong lumaban sa isang dambuhalang halimaw? E, halos kasing laki lang sila ng daliri ng paa nito!

Gusto na talagang umiyak ng lima. Malamang isang sampalan nito, kapag natamaan ang isa man sa kanila, mapupulbos lahat ng buto, durog pati laman at tiyak na walang matitira!

"Ipagdadasal ko na ba ngayon na sana may himalang mangyari?" Natatawang tanong ni Chance.

Isa siyang kaluluwa, kaya hindi siya sasali sa laban. Sa ganitong pagkakataon masasabi niyang suwerte siya.

Pinanlisikan siya ng tingin ni Fahnee. "Gusto mong magkaroon ng himala? Halika rito ibabala kita papunta sa mata no'ng halimaw para magkaron ka naman ng silbi!"

"Ayaw! Dito lang ako manonood!" Lilipat na sana si Chance sa isang tabi nang maramdaman niya ang biglang pagpulupot ng sinulid sa katawan niya. Pamilyar ang sinulid, lumingon siya sa likod at nakita ang walang ekspresyong si Feer. "T-Teka Feer anong ginagawa mo?"

"Kailangan ng bala." mahinahong turan ni Feer sabay tapon kay Chance papunta sa mukha ng halimaw.

At dahil isang nakakaawang kaluluwa tumagos lang ang kawawang katawan ni Chance sa mata no'ng halimaw, tagumpay naman nitong nakuha ang atensiyon ng halimaw dahilan para hindi nito makita na nasa likuran na si Rhilia.

Nagpakawala siya ng isang mataas na boltahe ng kidlat at direktang itinira sa halimaw. Malakas ang pakiramdam ng halimaw kaya nagawa nitong maiilag ang ulo na target ni Rhilia pero natamaan pa rin ito sa kaliwang balikat.

Zap!

"Grruu! Grruu!"

Ewan kung sinasadya ba o ano pero ang kawawang Chance ay nadamay din sa boltahe ng kidlat ni Rhilia.

"Rhilia may galit ka ba sa'kin?!" Patay na siya pero may pakiramdam siyang gusto siyang patayin ng ilan pang beses ng mga kaibigan niya.

Mga walang puso! Mga walang kaluluwa!

Kasunod ng kidlat ni Rhilia ay ang matatalas na hangin galing sa staff ni Fahnee na sinundan naman ng tatlong bola galing kay Zaf. Nagpaikot-ikot ang mga ito sa katawan ng halimaw at nagdulot ng maliliit na sugat.

Nagasgasan nang matalas na hangin ang mukha ng halimaw at tumama naman sa gitna ng likod, kanang balikat at bewang ang mga bola. Hindi naman nagpahuli si Kaiyus na nagtataka pa rin hanggang ngayon kumbakit pati siya ay nadamay sa labang ito.

Tumalon siya nang mataas at gamit ang sandatang malaking bakal na bolang nababalot ng tinik umikot siya ng tatlong beses sa ere at gamit ang malakas na pwersa pinuntirya niya ang ulo nito.

Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ng halimaw dahil sa sabay sabay na tira, nagalit ito, humigop ng aura sa paligid at unti-unting nabuo ang di mabilang na bolang apoy.

"Oy oy oy!" Nanlalaki ang mga matang sambit ni Chance, sabay lingon kay Ardvark. "Panginoon, anong mangyayari sa'kin kapag natamaan ako nito?"

"Lahat ng halimaw dito sa Arendehef ay kayang paglahuin ang mga kaluluwa na narito, kaya kapag natamaan ka mamamatay ka lang naman ng ilang ulit na beses." Walang ekspresyon na sagot ni Ardvark.

Mabilis pa sa kidlat na nagtago si Chance sa likod ni Ardvark. Naghihinala na talaga siya!

"Formation!" Sigaw ni Rhilia.

Mabilis na kumilos sina Fahnee, Feer at Zaf. Gamit ang kapangyarihan nila, gumawa sila ng isang solidong barrier. Binalot din ni Caiyus ang katawan niya ng shield.

QUINRA [Volume 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon