Tinapik ni Avanie ang dibdib. Hanggang ngayon ang bilis pa rin ng tibok ng puso niya.
"Bakit pakiramdam ko, nitong mga nakaraang araw ang hindi na nawawalan ng humahabol sa'kin? Seryoso, hindi po ako nakikipaglaro ng habulan sa inyo!"
Muntik nang hindi makatakas si Avanie sa umpukan ng mga nindertal na humangos sa loob ng tindahan para pasalamatan siya. Napag-alaman niya rin na hindi lang pala sa tubig naninirahan ang halimaw. Minsan gumagapang din ito sa lupa para maghanap ng makakain at ang kadalasang nabibiktima ay 'yong mga nakatira malapit sa lawa. Kaya naman laking pasasalamat ng mga ito sa kanya. Nangako ang mga itong ibibigay ang gusto niya sa abot nang makakaya ng mga ito, pero dahil nawindang ang Prinsesa, mas pinili na lang niyang umalis kesa tanggapin ang pabuya.
Sinong gustong humingi ng malaking halaga sa mga taong nakatira sa maliit na lugar? Siyempre hindi siya!
Huminga si Avanie nang malalim bago nagmamadaling bumalik sa inn. Naabutan niya sina Padan , Yhayuk at Warly sa kainan at maganang nag-aagahan.
Biglang tumigil sa pagnguya si Yhayuk, tumayo ng tuwid bago bahagyang yumuko bilang pagbati. Hindi niya ito pinansin, dumiretso siya sa bakanteng upuan at prenteng umupo.
"Saan ka nanggaling ng ganito kaaga?" Hindi naiwasang tanong ni Warly at saka uminom ng tubig.
"Sinubukan kong ibenta 'yong nakuha kong balat ng Feroshal."
"Magkano mo naibenta?" Usisa naman ni Padan. Bihira ang level 5 Ginx kaya siguradong kikita si Avanie rito nang malaki.
"Hindi nila kayang presyohan," laglag ang balikat na sagot ni Avanie. "Sa tingin ko kailangan ko pang pumunta sa malaking kapitolyo para doon ito ibenta. Iisipin ko pa lang, pakiramdam ko sasakit na ang ulo ko." Hindi malaking bagay para kay Avanie ang Feroshal pero kung magkakagulo uli gaya nang nangyari kanina... mukhang mahihirapan siya. "Nga pala Padan, hindi mo pa nasasabi sa'kin ang tungkol sa mga Level 5 Ginx."
"Muntik ko na ring makalimutan." Tumikhim muna si Padan bago nagsimulang magsalita. "May dalawampu't pitong (27) taon na magmula nang unang matuklasan ng mga manlalakbay na may ganitong uri ng halimaw. Galing ang grupo sa isang organisasyon na misyong pumatay ng mga Level 3 Ginx. Pagdating nila sa lokasyon ibang klaseng halimaw ang naabutan nila. Mas malaki ito at di hamak na mas malakas ng maraming beses sa normal na Level 3. Namatay halos lahat ng mga manlalakbay, may tatlong nakaligtas pero nagtagal sila ng ilang linggo sa bundok bago nila natakasan ang halimaw. Sa loob ng tatlong linggong 'yon pinag-aralan nila ang kilos ng halimaw. Kinakain nito ang kapwa Ginx at sa bawat Ginx na kinakain nito, nadaragdagan din ang lakas nito."
Kumunot ang noo ni Avanie. Hindi niya alam kung sinadya ni Draul na hindi ipaalam sa kanya ang tungkol dito o nakalimutan lang. Magtatanong na lang uli siya kapag nagkausap sila.
Pero sa tingin ni Avanie mas maraming alam si Hu-an pagdating sa mga ganitong bagay.
Si Hu-an!
May kailangan nga pala siyang ipagawa rito! Nagkaron pa ata sya ng amnesia pagkatapos siyang ilaglag no'ng tangang Hari sa butas.
Si Riviel! May kailangan din siya sa tangang 'yon!
Nasapo ni Avanie ang noo.
"Maiba ako kamahalan, kailan natin uumpisahan ang paghahanap sa mga nindertal na magbubukas ng portal?"
Kumislap ang mga mata ni Avanie sa tanong ni Yhayuk. Kasunod nito ay ang pagsilay ng malokong ngiti. Nawala na ang pangit na mood niya at napalitan 'yon ng halong tuwa at kaseryosohan.
'Nandito na siya.'
"Bunya!" Biglang sumulpot si Edamame galing sa taas tapos ay lumapag sa kandungan ni Avanie. Nangingislap ang mata nito at isa lang ang ibig sabihin no'n. Kinuha ni Avanie ang isang platong puno ng prinitong manok, sa isang iglap ubos ang lahat ng 'yon kay Edamame.
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...