Naiinip na tiningnan ni Riviel ang mga nakahandang pagkain sa pabilog na lamesa. Biskwit, prutas at mga tinapay. Sa gilid naman nila ay nakaabang ang mga Dama na may dalang pitsel na puno ng katas ng prutas.
Pasimple niyang inilipat ang tingin sa pitong nindertal na nakaupo palibot sa kanya.
Ang punong Duke na si Radness Daji. Wala pa ring kasing kintab ang kalbong ulo nito. Katabi nito si Marquees Galjit Yara, Earl Paste Malenchi at Alde Menlin. Ayon kay Regenni, kasama ang tatlong ito sa mga lumitis kay Avanie sa Heirengrad.
Sa kabila naman nakaupo si Viscount Koen Balmair. Mas madalang pa sa patak ng ulan kung magpakita ang nindertal na 'to kaya naninibago siya sa itsura nito. Maroon na buhok, itim na damit na pinalamutian ng pin brooch na hugis pakpak ng ibon. Seryoso, hindi niya nakikitang ngumiti ang nindertal na 'to.
Nandito rin ang kinaiinisan niyang si Punong Ministro Terry Prachet at Baron Corel Heleste.
Halos magkasingtangkad sila ng Punong Ministro. Mahaba rin ang buhok nito na tila sinuklay patalikod tapos ay nilagyan ng santambak na pomada. Kung may tatalo sa kakintaban ng ulo ni Daji, 'yon ay ang malapad na noo ni Terry.
'Kung ilagay ko kaya si Daji at Terry sa unahan ng laban, masisilaw kaya ang mga kalaban?'
Tumikhim siya para itago ang tawa.
Ang mga nindertal na ito ang bumubuo sa konseho ng Ishguria. Ang grupong nagbibigay ng payo at patnubay sa nakaupo sa trono. Sila rin ang kadalasang gumagawa ng batas sa isang bansa at ang Hari naman ang nagbibigay ng huling pasya.
Matapos ang talumpati niya kanina ay bigla na lang nagpakita ang mga ito. Hindi na siya nagulat dahil may ideya na siya kung anong sadya nila.
"Nakakatawa 'di ba?" Kumuha siya ng biskwit sa harapan niya at inisang subo 'yon. "Ngayon ko lang nakitang kumpleto ang lahat ng miyembro ng konseho. Mukhang lahat kayo nagkaro'n ng libreng oras para bisitahin—mali—para kondenahin ang ginawa ko."
"Nagkakamali kayo kamahalan, naparito kami dahil nag-aalala kami sa inyo," turan ni Baron Corel. Matanda na ito pero kita pa rin ang kakisigan. "Nakita namin ang balita at talaga namang nagulat kami. Gusto lang namin tiyakin na nasa maayos kayong kalagayan."
"Hmp! May oras ang pag-aalala? Umaga kumalat ang balita. Palubog na ang araw nang magpakita kayo. H'wag niyong sabihing lahat kayo naipit sa matinding trapiko kaya ngayon lang kayo nakarating? Gusto niyo ba akong patawanin? Magaling dahil nagtatagumpay na kayo, gusto kong tumawa nang malakas 'yong tipong puputok ang ugat niyo sa matinding asar."
Nag-iwas ng tingin si Regenni. Ramdam niya ang galit ni Riviel. Sa mga ganitong pagkakataon, alam niyang natatakot magsalita ang kahit sino sa harapan ng Hari. Kaso, hindi nagpakita rito ang konseho para manahimik.
"Humihingi kami ng paumanhin kamahalan. Lubos naming ikinahihiya ang aming kilos—"
"Diretsohin mo na ako Terry, nasasayang ang oras ko." Putol ni Riviel sa sinasabi ng Punong Ministro. "Alam kong tungkol ito sa sinabi ko kanina. Tutol ka sa pagpapakasal ko, tama ba?"
Bahagyang yumukod ang Earl na si Paste bago nagsalita. "Kamahalan, alam niyo pong may sinusunod tayong patakaran sa pagpili ng mapapangasawa ng Hari."
Umirap si Riviel tapos ay kumuha uli ng biskwit. "Wala akong pakialam sa patakaran. Pakakasalan ko si Avanie."
"Subalit kamahalan! Kailangan munang dumaan sa amin ng babaeng pinili niyo para makilatis ng mabuti upang malaman namin kung karapatdapat siyang maging Reyna ng Ishguria!" Giit naman ni Galjit.
"Kilatisin? Baka umiyak ka pag ginawa mo 'yon," naniningkit ang mga matang turan niya. "Isa pa, hindi ikaw ang magpapakasal sa kanya kaya bakit ikaw ang magdedesisyon kung karapatdapat siyang maging Reyna?"
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...