Umihip ang malamig na hangin sa lugar na 'yon. Pumasok ito sa nakabukas na bintana at nagtuloy-tuloy sa loob ng isang may kalakihang kwarto.
Malamig.
Hinatak niya ang kumot hanggang sa balikat tapos ay lalo pang isiniksik ang ulo sa malambot na unan. Sa mga ganitong pagkakataon na kumportable siya, mas gugustuhin niyang matulog maghapon kesa lumabas ng bahay at makinig sa mga gustong sabihin ng iba.
Malambot ang kama at sakto lang ang temperatura. Kalmado rin ang panahon na sinabayan pa ng huni ng mga ibon na sa palagay niya ay nasa may di kalayuan lang may kalakasan ang tinig ng mga ito.
'Sana laging ganito.' Hiling niya habang unti-unting sumisilay ang ngiti sa mga labi pero agad din 'yong nawala nang maramdaman niya ang pagdantay ng mabigat na bagay sa kanyang tagiliran Hindi lang 'yon, pumulupot 'yon sa bewang niya at dahan-dahan siyang hinatak papalapit.
'Huh?'
Bahagyang iniangat ni Avanie ang ulo para masilip kung anong nasa likuran niya.
'Huh?'
Hindi bagay kundi isang nindertal.
'Huh?'
Pinagmasdan niya ang makinis na mukha ng natutulog na nindertal. Una niyang napansin ang mahaba at makapal na pilikmata nito, sumunod ay ang makapal na kilay na bahagyang natatakpan ng itim na buhok. Meron itong matangos na ilong at labi na kakulay ng manibalang na mansanas.
Isa itong nindertal subalit oras na tumayo ito kasama ng iba pa, mas angat ang aura at itsura nito. Kahit sino mahahalata na hindi ito pangkaraniwan, nasa mataas na antas ng lipunan.
Hindi simpleng nindertal kundi isang Hari. Ang tangang Hari.
'Nananaginip ba ako?'
Bumiling si Avanie at hinarap ang tulog na si Riviel. Pinagmasdan niya ito ng ilang sandali pero makaraan ang isang sandali, iniangat niya ang isang kamay at ubod lakas na kinurot ang pisngi nito.
"Aaaah! Aray! Aray!" sigaw ni Riviel sabay balikwas ng bangon.
"Masakit?" balewalang tanong niya.
"Malamang!"
Tumango-tango siya. "Hindi ako nananaginip. Nasaktan ka e."
"Ako talaga ang ginamit mo?" Hinimas nito ang nasaktang pisngi tapos ay nakasimangot na tiningnan siya.
"Ayoko ngang kurutin ang sarili ko. Masakit kaya."
"Tingin mo sa'kin hindi nasaktan? Ha? Ha?"
"Babae ka ba? Makareklamo wagas, di mo naman ikamamatay 'yan. Pero maiba ako. Anong ginagawa mo rito? Anong ginagawa ko rito? At anong ginagawa natin dito??"
"Nilasing mo lang naman ang sarili mo kagabi. Bakit ako nandito? Dahil ayaw mo akong pakawalan. Anong ginagawa natin dito? Natulog malamang. Alangan namang ilagay kita sa gitna ng pasilyo at do'n patulugin."
Umupo siya sa kama at nagdududang tiningnan si Riviel.
"Wala akong ginawang masama."
Naningkit ang mga mata niya.
"Wala nga!"
'Wala daw pero nagising ako nakayakap siya. Sinong niloko niya?'
"Avanie..."
"Hmm?"
"Anong lagay sa Mizrathel ngayon?"
Sandali siyang natahimik at inalala ang mga pinag-usapan nila ni Lyrad kahapon.
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...