Hindi sinabi ni Avanie kung pa'no niya tutulungan ang mga exile sa Ruligan kaya tahimik ang lahat. Sinabi niya sa mga ito na gagawa siya ng paraan pero hindi niya sinabi kung saan at kailan siya mag-uumpisa. Hindi na rin nangulit si Lyrad at hinayaan na lang silang magpahinga sa isang bahay na gawa sa yelo.
Umalis si Talis para hanapin ang mga kasamahan, si Yhayuk naman hindi niya alam kung sa'n nagpunta. Hindi niya inakalang tauhan pala ito ng tangang Hari. Nagpaiwan si Warly dahil gusto raw nitong magpahinga sandali.
Wala pa rin siyang makita kaya wala siyang ideya kung anong itsura ng bahay. Ang alam niya lang, kahit gawa ito sa yelo mainit pa rin sa loob nito.
'Malamang ginamitan ng maji.'
Sandali siyang pumikit, huminga nang malalim at dumilat uli. Kumurap-kurap siya hanggang sa luminaw ang paningin niya. Unang rumehistro sa kanyang paningin ang makinang na sahig. Nag-angat siya ng tingin. May mga gamit, parang pangkaraniwang bahay lang ang itsura ng kinaroroonan nila.
"Ayos ka lang ba?" Naglapag si Warly ng isang tasa ng mainit na... hindi niya alam kung ano 'yon basta kulay violet ito at nakakapagduda ang lasa.
Tumango siya tapos ay kinuha ang tasa. Wala pa rin siyang tiwala sa laman no'n. "Nakakakita na ulit ako."
Sandaling katahimikan.
"Eeeh?? Seryoso??" Gulat na bulalas ni Warly. "P-Pero hindi madaling mawala ang epekto ng sungay ng Biramesen! Inihanda ko pa naman ang inumin na yan para gumaling ka kaagad."
"Ano ba 'to?"
"Laman ng tigyawat ng mailap na isda."
Gulp! Kahit anong mangyari hinding-hindi niya iinumin ang laman ng baso!
"Biro lang, galing yan sa katas ng isang halamang gamot."
"Hindi pa rin ako sigurado. Mauna kang uminom."
Tumalima si Warly at inubos ang laman ng tasa nito. Ngumiti ito sa kanya at ipinakita ang walang lamang tasa.
"Masarap?"
"Oo."
"Tutal nagustuhan mo, iyo na lang 'to." Dahan-dahan niyang inusog ang tasa niya papunta kay Warly, dahan-dahan din naman itong umatras.
Ibig sabihin kung anoman yong laman ng tasa, pangit ang lasa!
"Nakakamangha na madaling gumaling ang sugat na gawa ng halimaw na 'yon."
Hn! Iniiba nito ang usapan. Tinatakasan nito ang pag-inom ng likidong kahinahinala.
Nag-iwas ng tingin si Avanie. Pa'no ba niya ipapaliwanag sa mga ito na gumagaling ang sugat niya sa loob lang ng maikling panahon? Wala bang mga nindertal na may ga'nong kakayahan?
"Ang totoo niyan, hindi ako tinatablan ng mga lason pwera na lang kung direkta itong papasok sa loob ng katawan ko. Pero hindi naman ako mamamatay."
Tsaa kaya ng nanay niya ang lason noon?
Kahit siya nagtataka sa tuwing nagtataka ang mga nindertal sa paligid niya tungkol sa kanya. May mga pagkakataon na masyadong namamangha ang mga ito dahilan para mapaisip siya kung bihira ba ang mga nindertal na kagaya niya.
Sabi ng tangang Hari kakaiba siya. Ang pagkakaalam niya naman isa siyang normal na nindertal. May pagkakaiba ba sa mga nindertal na nandito ngayon at sa mga Lunarian?
Wala siyang ideya.
"Warly."
"Kamahalan?"
Nalukot ang mukha ni Avanie. Noon pa man ayaw na ayaw niyang tinatawag siyang kamahalan, Prinsesa o Hana. Mapilit lang ang mga Kaivan niya kaya wala siyang magawa. "H'wag mo kong tawagin ng ganyan. Naiirita ako, pakiramdam ko may pader sa pagitan ko at ng iba pang nindertal."
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...