Si... si Haring Zoloren Feverentis!"
Napatda ang lahat. Kulang ang salitang pagkagulat para ilarawan ang nararamdaman ni Cien. Hindi siya makapaniwala sa narinig.
Gusto siyang ipapatay ng Hari ng Arondeho!
Pero bakit?
Anong nagawa niyang kasalanan?
"N-Nagsisinungaling ka!" nanginginig na sigaw niya sa lalaking nagsalita. "Bakit ako ipapapatay ng isang nindertal na hindi ko naman kilala? Wala kaming kinalaman sa isa't-isa."
"Hindi ko alam kung anong kaugnayan mo sa Hari babae pero nagsasabi ako ng totoo. Inutusan niya kaming kunin sa'yo ang susi at paslangin ka. Kung ayaw mo pa ring maniwala, ba't di ka magpunta sa Arondeho at tanungin mismo ang Hari?"
Isang malutong na batok ang ibinigay dito ni Fegari. "Tch! Hindi mo alam kung sinong kaharap mo kaya maghinay-hinay ka sa pananalita. Kaibigan siya ng amo namin kaya kailangan mo rin siyang galangin kung ayaw mong mapaslang ng isa't kalahating beses."
Gusto nang umubo ng dugo ng lalaki. Pa'no ang pagpaslang ng isa't kalahating beses? Posible ba 'yon?
Kumuyom ang kamao ni Cien. Kung gano'n, tungkol ito sa susi na iniwan ng kanyang ama. Ang susi ng silid na naglalaman ng kayamanan nila. Bukod do'n, ano pa bang misteryo ang itinatago ng silid na 'yon?
'Kailangan kong malaman!'
"Cien ayos ka lang?" tanong ni Fegari.
"Pasensiya na, nadamay pa tuloy kayo." Inilipat niya ang tingin sa mga dragon. Kasalukuyang nakikipaglaro si Satari sa mga ito. "Ayokong pati kayo masaktan nang dahil sa'kin."
"Hay naku." Bumuntong hininga si Fegari. "Kaibigan ka ng amo namin at tungkulin namin na pangalagaan ang lahat ng bagay at nilalang na mahalaga sa kanya. Dahil kung hindi... ipi-prito kami ng buhay."
"K-Kung kailangan mo ng tulong h'wag kang mahihiyang magsabi sa'min." Singit ni Izari. Ikinumpas nito ang isang kamay, nawalan agad ng malay ang mga lalaki. "Mukhang mabigat ang kalagayan mo kesa sa inaasahan. Hindi isang simpleng nindertal ang gustong magpapatay sa'yo."
Inakbayan ni Fegari ang kuya niya. "Hindi kami magtatanong dahil wala kami sa posisyon para malaman ang kalagayan mo. Pero kung hihingin mo ang tulong namin, kailangan mong sabihin sa aming tatlo ang ilang mga bagay. Tanong: nakahanda ka ba?"
"Pero-ayos lang ba sa inyo na masangkot dito? Saka, nakakahiya kay Avanie."
"Baka nakakalimutan mong hiningi mo ang tulong ni Avanie-hana noon. No'ng oras na pumayag siyang patirahin ka sa bahay namin, sangkot na kami sa kung anong gulo meron ka." Ngumisi si Fegari.
"I-I-Isa pa, hindi si Avanie-hana ang tipong mang-iiwan sa ere," dagdag ni Izari. Namumula ang mukha nito.
Totoo 'yon. Napatunayan niyang isang mabuting kaibigan si Avanie Larisla. Pinatuloy sila nito sa bahay kahit maliit lang 'yon. Ipinagluluto sila nito nang walang reklamo. At higit sa lahat, iniisip nito ang kapakanan nila bago ang sarili nito.
Naalala niya ang maji stone na naglalaman ng malaking halaga ng pera. Ibinigay sa kanya 'yon ni Avanie para masigurong magiging ayos siya oras na magkita sila ng pamilya niya.
Malaki ang utang na loob niya kay Avanie at mababayaran niya lang 'yon oras na maresolba niya ang lahat ng problemang kinakaharap niya.
Patakbong lumapit sa kanila si Satari at saka inilahad ang kamay kay Cien. "Gusto mo bang sumama sa'min?"
"Saan?"
"Kung nasa'n si Avanie-hana," sagot nito. "Sa Mizrathel."
"Mizrathel?"
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...