Chapter 3

7.6K 476 187
                                    

Sa isang tagong lugar sa Iriantal

"Nandito na tayo." Itinukod ni Fahnee ang dala niyang staff sa nangingitim na semento.

Inayos naman ni Zaff ang sukbit na malaking back pack at tiningnan ang malaking guhong simbahan sa harapan nila.

Mataas ito at halatang luma na base na rin sa kulay ng pader nito na tila nababalutan ng itim na abo. Wasak ang bubongan at kalahati na lang ang natira, animo'y nabagsakan ito nang malaking bomba. Walang kahit ano sa paligid pero nakapagtatakang may pulang ilaw sa loob na tumatagos sa entrada at bintana ng lumang simbahan.

Napapalibutan din ito ng mga puno na wala nang dahon at kahit umaga pa ay madilim na ang paligid, idagdag pa roon ang bumabalot na makapal na hamog. Sa kabuoan, isang nakakatakot na lugar ang kinaroroonan nila ngayon.

Naglakad na sila papasok ng simbahan. Palinga-linga si Fahnee sa paligid, nag-aabang sa kung anoman ang pwedeng lumabas.

Eeek!

"Wah!" Napakapit si Fahnee sa braso ni Rhilia. "A-Ano 'yon?"

"Itabi mo muna 'yang takot mo Fahnee. Wala pa tayo sa Mordiven."

Maliban sa mga sira-sirang mahahabang upuan, wala nang ibang makikita sa loob ng simbahan. Balot nang makapal na agiw ang itaas na bahagi at may mga paniki na nakasabit sa sirang kisame.

"Sa dinamirami ng lagusan papunta sa kabilang mundo, bakit naisipang ilagay ni Panginoong Ardvark ang daanan papuntang Mordiven sa loob ng isang lumang simbahan?" seryosong tanong ni Zaff.

"Hindi sa ginusto niyang ilagay ang lagusan sa loob ng simbahan, sa pagkakaalam ko... matagal nang nandito ang lagusan at bago lang naitayo ang simbahan. At ang mga nilalang na nagtayo nito ay 'yong mga nindertal na sumasamba kay Panginoong Ardvark," sagot ni Feer. "Sa pag-aakalang makakakuha sila ng kapangyarihan galing sa kabilang mundo binantayan nila ang lagusan."

"Kaya lang, hindi nila kinaya ang presensiya ng kadiliman na nagmumula sa kabilang mundo. Di nagtagal naapektuhan nito ang kanilang mga utak. Maraming naganap at karamihan sa mga 'yon ay sangkot ang kamatayan." Dagdag pa ni Rhilia.

"I-Ibig sabihin maraming namatay sa lugar na 'to?"

Tango ang naging sagot ni Feer sa tanong ni Fahnee. "Hindi kasalanan ni Panginoong Ardvark ang nangyari, mahina ang puso at isipan ng mga nindertal kaya madaling nakain ng mga negatibong emosyon galing sa kabilang mundo ang pagkatao nila. Simula no'n, itinuring nang isang isinumpang lugar ang lugar na ito. Tinawag itong Polyvern."

Huminto sila sa harapan ng altar kung saan nakalagay ang isang nagliliwanag na pulang portal. Sa magkabilang gilid nito ay mayroong dalawang estatwang nakaluhod, samantalang sa itaas naman ay nakasabit ang pugot na ulo ng isang hindi kilalang halimaw.

Huminga nang malalim si Rhilia bago nagsalita. "Bilang mga Kaivan, parte ng puting kapangyarihan ang kapangyarihan natin. Balot ng itim na kapangyarihan ang Mordiven kaya kailangan natin ng ibayong pag-iingat. Siguradong magkakaroon ng pagkakataon kung sa'n maaring humina ang kapangyarihan natin kaya kailangan nating magtulungan. Isa pa... isang diyos ang makakalaban natin."

"Hindi tayo sigurado kung makikilala pa tayo ni Chance oras na makaharap natin siya kaya naman..." Inilabas ni Zaff ang skate board ni Chance mula sa bag niya. "Nagdala ako ng pain."

"At kapag hindi pa rin siya sumama?"

Ngumisi si Rhilia. "Sasabihin ko sa kanyang pinagsasamantalahan na ni Hu-an ang katawan niya at binubunutan ng buhok sa kilikili."

"......"

Nauna nang pumasok si Rhilia at Feer sa portal. Napaatras si Fahnee pero wala na siyang nagawa nang itulak siya ni Zaff papasok.

QUINRA [Volume 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon