"F-Feroshal!" bulalas ni Padan.
"Isa ring Ginx?" tanong ni Avanie.
"Oo! Isang level 5!"
"Level 5!? Akala ko hanggang Level 3 lang ang mga Ginx?"
"Diyan ka nagkakamali. Marami pang misteryo ang nakapalibot sa mga nilalang na Ginx. Sigurado akong isa itong iregular. Mamaya ko na ipapaliwanag! Sa ngayon, kailangan muna nating makatakas sa higanteng bulateng 'yan!"
"Kailangan natin ng panggulo para makatakas tayong lahat sa halimaw na 'yan!" sabi ni Warly na sinang-ayunan naman ni Yhayuk. "Ikaw na Yhayuk, tutal sanay ka naman sa takbuhan."
"Siraulo ka ba? Isang sapak lang sa'kin niyan mamamatay ako!"
Gumalaw ang Feroshal at parang ahas na gumapang palapit sa mga bibiktimahin.
"Waaah! Takbo! Takbo!"
Sabay-sabay na iginalaw ng apat ang mga paa para tumakbo pero dahil madulas ang daan, ni hindi sila umalis sa kinatatayuan.
Pagod na si Avanie. Naaasar na rin siya.
"Hay naku! Walang sisihan mga halimaw, ginusto niyo 'to!"
Iwinasiwas uli ni Avanie ang scythe niya at pinatamaan ang Feroshal. Kaya lang, dahil kakaunti ang kapangyarihang pinalabas niya, galos lang ang tinamo nito. Kung para sa iba, isang napakasamang sitwasyon ang kinalalagyan nila, ibahin niyo si Avanie. Para sa kanya, isa lang itong laro.
"Padan," tawag niya sa katabi. "Kikita ba ako nang malaki kapag ibenenta ko ang balat ng halimaw na 'yan?"
"...?"
"Gusto ko siyang balatan ng buhay."
"....."
"Ah, siya nga pala. Kapag sumugod ako bantayan niyo ang likod niyo, siguradong aatake ang mga halimaw na kanina pa nag-aabang."
Lumingon si Warly sa likuran nila. Nandoon pa rin ang mga halimaw na humahabol sa kanila kanina. Nag-aatubili ang mga itong sumugod dahil sa Feroshal kaya naghihintay ang mga ito ng magandang pagkakataon para maisahan ang malaking kalaban.
'Hindi ako makatakbo, anong gagawin ko para makalapit?' Tiningnan niya ang dalawang paa. 'Alam ko na.'
Nabalutan ng liwanag ang mga paa ni Avanie at nang maglaho 'yon ay makikitang nadagdagan na ng blade na gawa sa yelo ang ilalim ng suot niyang sapatos.
"Handa na ba kayo? Hn! Simulan na natin!" Hinigpitan niya ang hawak sa scythe, iginalaw ang paa at inihanda ang sarili.
Sa umpisa mabagal lang ang kilos niya dahil hindi pa siya sanay sa paggamit ng sapatos pero nang malaman niya kung pa'no ito gamitin...
Ngumisi siya. Saka mabilis na sumibad papunta sa kalaban. Ang goal: balatan ito ng buhay at ibenta ang pilak na balat.
Ginawa niyang pabilog ang talim ng scythe niya na sasakto lang sa katawan ng kalaban. Tumalon siya nang mataas tapos ay nagpalutang-lutang sa ere.
Umangat din ang ulo ng Feroshal. Ang pagkakataong pinakahihintay niya.
Sumugod siya paibaba at saka ipinasok ang ulo ng Feroshal sa bilog na blade. Kusang humigpit ang bilog na blade sa katawan nito, kasunod no'n ay umiyak nang malakas ang halimaw.
Sinimulan ni Avanie ang pagkilos. Hinila niya ang hawak na scythe at dahan-dahang binalatan ito. Nagtalsikan ang likidong kulay asul sa paligid kasunod ang brrr brrr brrr na tunog.
Umalpas ang Feroshal, iginalaw nito ang katawan sa pag-aakalang titilapon si Avanie. Ang hindi nito alam, di hamak na mas malakas si Avanie kaya kahit anong palag ang gawin ng halimaw ay madaling nagawa ni Avanie ang balak.
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...