Kung titingnan, simple lang ang babaeng nakatayo sa harapan nila. Ito yung tipong hindi ga'nong mapapansin kapag nakasalubong mo sa daan. Pero, nakatitiyak silang hindi ito simple.
Lalo na at hindi nila masukat ang tunay na lakas nito.
Kilalang walang kinatatakutan ang mga miyembro ng Moordinor assassins pero sa harap ng babaeng ito, unti-unting umuusbong ang pakiramdam na matagal na nilang kinalimutan. At muli pagkalipas ng napakahabang panahon ay nakaramdam ang tatlo ng kakaibang takot.
"Bakit niyo hinahanap si Lyrad, anong kailangan niyo sa kanya?" diretsong tanong ni Avanie. Nagkatinginan ang tatlo. "Narinig ko kayong nag-uusap kanina."
Si Branz ang sumagot sa tanong ni Avanie. "Hindi namin alam kung anong sinasabi mo binibini. Wala kaming kinalaman sa Lyrad na tinutukoy mo."
"Aaah..." Tumango-tango si Avanie. "Kung gano'n, si Avanie Larisla?"
Unti-unti siyang ngumiti nang makitang natigilan ang tatlong kaharap. Hindi siya sigurado kung si Cien o siya ang pakay ng mga ito kaya naman nagtanong siya. Kung wala silang kinalaman kay Lyrad ibig sabihin, hindi sila tauhan ni Zoloren Feverentis. Ngayon sigurado na si Avanie—siya ang target ng mga ito.
Ano na naman kayang kasalanan ang nagawa niya para makatawag ng mga nakakairitang langaw?
Sa pagkakaalala niya mabait naman siyang nindertal... ...pag tulog. Wala rin naman siyang pinagnakawan.
E teka teka! Kahit anong isip ang gawin ni Avanie, wala siyang maalalang nindertal na ginalit niya na umabot sa puntong kukuha sila ng assassin para ipapatay siya.
Ah! Maliban do'n sa lalaking nagpapalaro ng mga baso no'ng Wesratholic festival. Pero sa tingin niya sa isang 'yon, hindi 'yon magsasayang ng pera para ipapatay siya. Isa pa, kahit anong mangyari hindi niya na ibabalik ang perang nakuha niya.
"Wala kayong balak gumalaw?" tanong niya sa tatlo. Tila kasi naestatwa ang mga ito sa kinalalagyan.
Naunang nakabawi si Orlen. Kahit na malakas ang aura ng babae, hindi sila basta na lang tatalikod at tatakbo.
Tiningnan niya ang dalawang kasama, tumango naman ang mga ito. Matapos no'n ay magkakasabay nilang sinugod si Avanie. Sa harap si Orlen, sa kaliwa si Branz at sa kanan naman si Endy.
Subalit bago pa man makalapit ang tatlo ay natangay na sila nang malakas na pwersa ng hangin.
Nagpaikot-ikot sila at saka lumapag sa magkakaibang bubong.
Umangat ang isang sulok ng labi ni Avanie. Isang wasiwas lang ng kamay niya at nakapagpalabas na agad siya ng malakas na hangin.
Namilog at nanlaki ang mata ng tatlong assassin. Ang lakas ng tirang 'yon ay katumbas na ng spell na ginagamit ng mga Class 2 rank 20 maji users pero... pero wala silang naramdaman ni katiting na shi!
Purong enerhiya? Pero imposible! Kahit si Orlen na Class 2 rank 5 maji user ay hindi kayang magpalabas ng gano'n kalakas na enerhiya, higit pa ro'n, galing lang 'yon sa simpleng pagwasiwas ng kamay!
Wala talaga silang mararamdamang shi dahil ang atake na ginawa ni Avanie ay ang atake na natutunan niya sa Heirengrad. Simpleng pag-iipon ng enerhiya sa dalawang palad, sinong mag-aakala na gano'n kalakas ang kalalabasan?
Pero taliwas ang iniisip ni Avanie.
'Buti na lang may sira ang limiter ni Draul! Mwahaha!'
Mukhang malabo ang kinabukasan ng tatlong kalaban.
Nagkatinginan uli ang tatlo at sa pagkakataong 'to, sabay-sabay silang nagpatalon-talon sa bubong palayo kay Avanie.
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...