"Umalis ka nga sa harapan ko! Or else I'll puke on your face!"
Sinamaan ko ng tingin ang babaeng nasa harapan ko ngayon na kasalukuyang nakangisi sa akin pero kaagad ko ding binawi at mas piniling umiwas na lamang ng tingin.
"At ganyan ka na sumight ngayon? May ipagmamalaki ka na? Ha?"
Pilit kong iniiwas ang mukha ko sakanya dahil nagsimula nyang iduro-duro ang noo ko. Nakakaramdam na rin kasi ako ng hilo. Medyo bugbog na ang katawan ko sa ginagawa nila.
"Oww... Iiyak na ba ang Kael natin? Aw.. Nakakaawa..."
Narinig ko ang ilang bungisngisan ng mga tao sa paligid kaya nakaramdam ako ng lungkot at napatungo. Hindi ko alam kung bakit may mga ganitong klaseng estudyante. Ayaw kong manghusga pero parang hindi sila naturuan ng mabuting asal.
Napabuntong-hininga ako. Kung nakikita ko lang siguro ang sarili ko, paniguradong kaawa-awa ako. Nakaupo ako sa gitna ng grupo ng tao habang punong-puno ng harina at itlog ang ulo.
"Ano?! Ang lakas ng loob mong tingnan ako ng masama! Duwag ka pa rin pala pagdating sa labanan!" tumawa sya ng malakas kasunod ng tawanan ng iba pa bago sila tuluyang umalis sa harap ko.
Naramdaman ko ang pamamasa ng mga mata ko at tumingala. Umaasang makikita ko ang pinsan ko ngunit napakagat-labi na lamang ng walang makita kahit na anino nito.
Naiwan ako sa ganoong sitwasyon bago ko napagdesisyonang umalis at magtungo sa likurang bahagi ng paaralan. Iyon kasi ang bahaging hindi masyadong dinarayo. Medyo madumi na kasi iyon. Hindi na napapansin ng school dahil hindi ganoon kaganda.
Naupo ako sa ilalim ng isang puno at napasabunot sa sariling buhok. Mariin aking napapikit at unti-unti ng napahikbi. Hindi ko na alam kung bakit pa ba ako nilikha. Naiinis ako sa buong pagkatao ko. Naiinis ako dahil hindi ko kayang ipagtanggol ang sarili ko. May dahilan pa ba kung bakit ako nabuhay? Pakiramdam ko, wala akong kwenta at bunga lamang ng pagkakamali.
Sumandal ako sa puno na nasa likuran ko at humawak sa lupa. Inikot-ikot ko ang daliri ko at pilit na ibinaon sa lupa.
Sa loob ng apat na taong pamamalagi ko sa paaralang ito ay nakasanayan ko na ang ganitong set-up. Pero nang tumuntong ako sa ikasampung baitang, ipinangako ko sa sarili kong hindi ko na hahayaan na masaktan pa ng iba pero hindi ko iyon nagawa. Wala akong kakayahang protektahan ang sarili ko. Pakiramdam ko, hindi ko deserve na mabigyan ng buhay.
Napatungo ako ng parang may mahagip ang mata ko na umiilaw na bagay. Nilingon ko ang daliri kong medyo nakaaon na sa lupa at agad na inalis ng makita kong may umilaw muli mula doon. Bahagya akong lumayo at kinuskos ko ang aking mga mata gamit ang likurang bahagi ng aking kamay nagbabakasakaling namamalikmata lang ako. Sandali kong tinitigan muli ang lupa, nang hindi na ito umilaw ay napabuntong-hininga at napailing. Sa dami ng gumugulo sa isip ko pati lupa pinagdududahan ko ng umiilaw.
"Aaaahhhhh!" napatakip ako sa mata ko ng muling umilaw ang lupa at napalayo ulit. "Dyos ko, kung ano man po ang kasalanan ko sa inyo, hindi na po mauulit, patigilin nyo lang po ang nangyayaring ito. Pangako po, hindi ko na pagdududahan ang sarili ko."
Pinagmasdan ko ang lupang umilaw kanina at muling napahinga ng maluwang dahil hindi na ito umilaw pa. Lumapit ako rito at bahagyang kinuskos ang lupa ng biglang lumitaw ang isang kahon na kasing laki ng chess board.
"Adventure." pagbasa ko sa nakasulat sa harapan nito.
⚔️ ⚔️ ⚔️
Huminga muna ako ng malalim bago tuluyang pumasok sa loob ng aming silid. Sana naman wala na silang gawin. Iisa lang ang aking uniporme kaya naka P.E attire ako ngayon.