CATORCE
BIGLANG bumukas ang pintuan namin. Sakto. Nandito na si mama!
"Ma, inimbitahan ko sina Gatchi at Glitch kaso may nakalimutan akong bilhin," bungad ko sa kanya.
Tinignan niya ako at napangiti siya sa sinabi ko. "Aba! Sakto! Gusto ko pa man magluto ngayon," sabay lingon niya sa dalawa niyang pamangkin.
Natawa na lang ako nang tinignan ko rin sila. Parang gusto nilang sumama sa akin na parang hindi na nila alam ang gagawin.
Kumaway ako sa kanilang tatlo. "Mabilis lang ako, ma. Kaya niyo na yan, matanda na kayo," sabi ko sabay tawa nang malakas habang lumalabas.
Nawala rin kaagad ang ngiti at tawa ko nang magsimula na akong tumakbo pabalik kung nasaan yung mga nagkukumpulang lalake kanina. Ang kaso ay naabutan ko na lang ay isang lalakeng binubugbog at limang lalakeng nambubugbog.
1 versus 5! Garab!
Nag-igting ang bagang ko nang makita ko ang lalakeng nakadapa na sa daan at hindi na makalaban. Si Trey! Napatakbo ako palapit sa kanila ngunit napatigil nang tatayo pa sana si Trey.
"Ikaw kung lampa ka naman pala. Huwag ka nang mag-ayang makipagsungukan sa amin," sambit nung parang lider nila.
Mayabang! Porket may mga alipin sa gilid niya, feeling niya ang lakas na niya!
Nanlaki ang mata ko nang sipain pa niya ng isang beses ang tiyan niya at tumalikod na sila. Akma na silang aalis kaso uminit ang ulo ko nang nakitang hindi na talaga makatayong maayos si Trey.
"Oh? Bakit kayo umaalis? 'Di niyo lang ba siya tutulungan?" Narinig siguro nila kasi napalingon silang lima sa akin. Dapat yata hindi ko na sila tinawag. Pero nang tignan ko ang kapatid ni Genesis, lalong uminit ang dugo ko sa kanila.
"Sino ka sa tingin mo?" tanong nung pinakamaliit sa kanila.
Nanliit ang mata ko. "Sa tingin ko, ako pa rin si ako? Bakit? Sa tingin niyo ba, nag-iiba ako?" kinakabahan kong tanong. Nag-iibang anyo ba ako?
"Oo, Miss. Mukha ka kasing multo," asar naman nung payat habang nakangisi. Ay, bakit ganon?
Umakto ako na parang nasaktan sa sinabi niya. "Pero... Bakit parang nakakita ako ng mga gusgusing bata? Aba, uwi na kayo at maligo na ha?" nakangiti kong sabi nila.
Napakamot sa batok yung isa, yung medyo mataba. "Bawal daw maligo sa gabi, eh?"
Bawal? "Bakit bawal? Alam ba ng tubig 'pag gabi na?" tanong ko sa kanya.
"Sabi kasi ng mama ko, baka masaniban ako," sabay hawak sa buhok niya.
Natawa ako sa sagot niya. "Hindi ba sinabi sa iyo ng mama mo na bawal lumabas ng ganitong oras? Aba, baka akalain nila may mga nagkakalat na multo dito."
Binatukan nung lider nila yung katabi niya na sasagot pa sana sa akin. "Niloloko lang tayo nito eh!" galit niyang sabi sa kanya.
Ngumisi ako. "Walang lokohang mangyayare kung marunong kayong tumanggap ng pagkakamali niyo," sambit ko na ikinakunot ng mga noo nilang lahat.
Sumikip na ang dibdib ko nang nakita ko ang kalagayan ni Trey. Pero hindi ko siya pwedeng lapitan at tulungan dahil baka tumakas ang mga ito.
"Pagkakamali? Tsk. Iniisip mo ba na ginusto naming bugbugin ang lampang yan?" tanong nito sa akin sabay tawa niya.
Nagulat ako nang nagpumilit tumayo si Trey at sumigaw. "Hindi ako lampa!" tapos umakto pa siyang susuntok sa kanila. Nanlaki ang mata ko nang aambang susuntok yung lider nila kaso hinarang ko ang sarili ko.
BINABASA MO ANG
Escaping Gravity ✔
RomanceHow long does it take for one to escape gravity? Or to put it simply, how can I escape from falling for you?