Nagpalingon-lingon si Ferel sa paligid. Anong klaseng lugar ito? Nasaan na siya? Sa pagkakatanda niya ay nakahiga siya kanina at mabigat na ang mga mata niya sa antok. At naramdaman niyang nakatulog siya. Sigurado siya doon. Pero bakit nandito siya sa lugar na ito?
"May tao po ba dito?" pilit niyang isinigaw ang tanong na iyon pero mistulang wala nakarinig sa kanya.
Hindi niya maintindihan ang buong kapaligiran. Nababalot ito ng kung anung kababalaghan sa paligid. Magkahalong kulang kahel at pula ang langit. Parang isang dapit-hapon ng paglubog ng araw. Ngunit may nakakapagtaka. Nasaan ang araw? Kinilabutan siya.
Ang mga punong-kahoy sa paligid ay parang nangmamakaawang madiligan man lang ang mga nanunuyong ugat at sanga nito. Matagal nang walang ulan sa lugar na iyon, pakiwari niya. Kapansin-pansin ding wala ni isa mang dahon sa mga puno. Ngunit ang mga dahon ay parang mga papel na nililipad ng hangin sa buong paligid.
May natanaw siyang isang gusali sa 'di kalayuan. Pamilyar ang gusaling iyon, pero hindi niya matandaan kung saan at kailan niya nakita iyon. Pinagpasisyahan niyang puntahan ang abandonadong gusali na sa tantiya niya ay limampung metro ang layo mula sa kinatatayuan niya.
Nagsimula na siyang humakbang nang biglang nagliyab ang buong paligid!
"Diyos ko!' naibulalas niya. Magkahalong takot at pagkagulat ang kanyang naramdaman. Hindi niya alam kung anong gagawin. Ano ba ito? Impiyerno? Sobrang init! Ubod lakas siyang sumigaw nang makita niyang nagsisimula nang tupukin ng apoy ang kanyang mga paa!
"Ferel, Ferel!"
Nagmulat ng mata si Ferel. Ang kanyang inang si Sylvia pala ang tumatawag sa kanya. Panaginip lang pala. Buti na lang.
"Ayos ka lang ba? Anong napanaginipan mo? Masama ba?" sunod-sunod na tanong nito na nakahawak pa din sa balikat niya. May bakas ng pag-aalala sa tinig nito.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya bago nagsalita. "Ayos lang po ako. Tama po kayo, isang masamang panaginip nga po 'yon." pagsang-ayon niya sa tanong nito.
Tumayo ito. "Hindi ka kasi nagdadasal kaya ganyan ang mga napapanaginipan mo," sabi nito na inayos ang nalukot na palda, "Mamayang gabi ay simulan mo nang gawin 'yon. Magdasal ka."
Tumango siya bilang pagsang-ayon sa sinabi nito. "May lakad po ba kayo?" pag-iiba niya ng usapan. Napansin niya kasing nakagayak ito. Isasantabi muna niya ang panaginip na iyon.
"Bumangon ka na diyan at nakahanda na ang almusal."
Hindi na naman ito sumagot sa tanong niya. Bakit ganoon ang nanay niya? Mahirap bang sagutin ang tinatanong niya.
"Bilisan mo at may importante akong sasabihin sa'yo." sabi ulit nito na lumabas na sa maliit sa silid tulugan.
Napaisip siya. Importante? Ah! Baka sasabihin na nito ang tungkol sa asawa nito na ama niya. O kaya naman ay may sasabihin ito tungkol sa nakaraan niyang 'di niya maalala. Mablis siyang tumayo at tinungo ang kusina.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...