Kabanata 36

1.5K 35 24
                                    

Magtatakip-silim na pero hindi pa rin natitinag si Mamerto sa kinatatayuan niya. Nasa paanan siya ng puntod ni Lourdes na dating kinatitirikan ng kubo kung saan ito dating nakatira. Nang gabing iyon kung saan inakala niyang ligtas na ito ay saka naman ito kinuha ng langit. Hindi na nito kinaya ang natamong sunog sa katawan kaya bago pa man sila makarating sa pinakamalapit na ospital ay nalagutan na ito ng hininga.

Halos apat na buwan na ang nakalipas simula nang mapadpad siya sa San Antonio para iligtas ang buhay ng dalawang babaeng pinag-ukulan niya ng kanyang pagmamahal at atensiyon. Pero ang nangyari kay Lourdes ang labis niyang ikinalungkot; nailayo nga niya ito kay Sylvia pero agad naman itong binawian ng buhay. Samantalang si Ferel naman ay dinala agad kinabukasan sa Maynila ng mga magulang nito para doon na tuluyang maipagamot. Hindi man lang niya ito nakausap dahil wala pa rin itong malay nang dalhin ito ng mga magulang niya.

Apat na buwan na niyang hindi nakikita ang magandang mukha ni Ferel. At aaminin niyang labis siyang nangungulila dito pero hindi na siya masyadong umaasa na makikita pa niya itong muli. Napakalayo ng Maynila mula sa San Nicolas at wala siyang malaking halaga upang makarating doon. Kahit na may pinanghahawakan siyang kasunduan na liligawan niya si Ferel kapag nailigtas ito ay wala siyang magawa kundi mag-hintay na lang. Pero parang hindi na naaalala pa ng mga ito ang binitiwang pangako na babalik sa lalong madaling panahon. Ewan ba niya. Hindi niya alam kung mapaghintay pa siya o tama na ang apat na buwan.

Apat na buwan na rin siyang mistulang nasa hukay ng kalungkutan at hindi niya alam kung hanggang kailan siya mamamalagi roon. Napabuntong hininga siya nang maramdaman niya ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa tahimik sa karagatan sa likod niya. Hindi malalakas ang paghampas ng alon nito na parang nakikisimpatya rin sa kanyang katahimikan at nadaramang kalungkutan.

“Kuya.”

Nilingon niya si Dina na mahinang tumawag sa kanya mula sa kanyang likuran. Bahagya siyang ngumiti at hinarap ito.

“Umuwi ka na raw Kuya. Gabi na e,” wika nito na sinuklian din siya ng isang banayad na ngiti.

Tumango lang siya sa tinuran ng kapatid at saka nagsimulang maglakad. Agad namang sumunod si Dina. Tahimik lang silang naglakad pauwi. Batid din kasi ng kapatid niya ang nadarama niyang kalungkutan kaya hindi na ito nangangahas pang kulitin siya ng kung anu-anong bagay.

xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo

Hindi mapalagay si Ferel sa halo-halong emosyong nadarama niya ng mga sandaling iyon. Lulan siya kasama ng kanyang Mama at Papa sa isang yateng pagmamay-ari nila. Patungo sila ngayon sa islang kinarorooan ni Mamerto at ng pamilya nito. Apat na buwan din siyang nagtiis na hindi ito makita at ngayong makikita na niya ito sa susunod na mga sandali ay hindi na siya mapakali. Parang sasabog ang puso niya sa sobrang kaba at sa sobrang pagkasabik.

“Ayos ka lang ba, hija?”

Sinulyapan niya ang kanyang ina na kasalukuyang katabi niyang pinapanuod ang nakakabighaning paglubog ng araw. “Opo,” tipid niyang sagot at ngumiti.

“Nahihiya nga ako kina Isidro dahil ngayon lamang tayo babalik doon. Nangako pa naman kami ng Papa mo sa pupuntahan natin sila sa lalong madaling panahon,” sabi nito ang mga mata ay nasa kulay kahel na kalangitan.

“Ang tagal kasi bago natapos ang lahat ng pinagdaanan kong pagsusuri at gamutan sa Maynila. Matagal din bago ko tuluyang naalala ang lahat at payagan ng doktor na lumabas ng ospital,” may paghihinakit niyang turan.

“Ang importante naman ay tutupad tayo sa pangako at malapit na tayo sa kanila,” turo nito sa islang abot tanaw na nila.

May ngiting namutawi sa mga labi ni Ferel.  Malapit na siya kung saan naroon si Mamerto. Agad siyang tumayo at dumukwang sa bakal na hawakan ng yate.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon