Kabanata 7

1.2K 23 1
                                    

Mabagal na naglalakad si Ferel sa dalampasigan. Bagsak ang kanyang mga balikat. Bakit? Bakit ganito ang nangyayari sa akin? Paghihimutok ng isipan niya. Pakiramdam niya kasi ay noong isang araw lang siya isinilang sa mundong ito. Wala siya ni isang katiting na ideya kung anong buhay ang nasimulan niya dati at anong buhay ang naghihintay sa kanya kinabukasan.

Malapit na siya sa kubong tinitirahan nilang mag-ina. Pero ipinasya niyang huwag munang pumasok at manatili muna sa may dalampasigan. Umupo siya sa buhanginan at tinanaw ang papalubog na araw. Matatapos na naman ang araw na iyon na wala man lang ni isang progreso sa pag-buo niya sa mga alaalang nawala sa kanya.

Unti-unti nang nawawala ang araw at unti-unti na ring dumidilim ang buong paligid. Napangiti siya. Mayamaya lang ay may mga bituin na sa langit. Ngunit hindi bituin ang lumabas bagkus ay biglang kumapal ang mga ulap na para bang uulan. Lumingon siya sa kubo. Naku, mangangapa ako sa dilim mamaya. Mabilis siyang tumayo para magsindi sana ng gasera pero huli na ang lahat. Pagdating niya sa kubo ay wala na siyang makita. Anong kamalasan na naman ba ito? Kinapa niya ang bawat madaanan niya. Pero hindi naman niya alam kung saan nakalagay ang gasera. Parang gusto na niyang maiyak. Paano siya matutulog ngayon?

May narinig siyang kaluskos sa ‘di kalayuan. Kinabahan siya.

“Sino ‘yan?” nanginginig niyang tanong sa kawalan.

Walang sumagot. Umusal siya ng panalangin. Parang mamamatay siya sa sobrang takot at kabang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon.

Nagulat siya nang biglang naglinawag ang buong paligid. May nagsindi ng gasera. Sinundan niya ang pinagmulan ng ilaw. Sa may kwarto. Pagpasok niya ay nagulat siya sa kanyang nakita. ‘Yong lalaking nagtaboy sa kanya kanina!

“At sinong may sabing pumunta ka dito?” galit niyang tanong.

Lumingon ito na parang hindi pinansin ang galit niya. “Tinutulungan ka. Masama ba?” wika nito.

Umiling siya. “Ganito ba talaga ang mga tao dito? Kanina lang pinagtabuyan mo ako tapos ngayon nandito ka para tumulong !” galit parin siya sa nangyari kanina. “At pumasok ka pa dito na walang pahintulot, hindi mo naman pamamahay ‘to!”

Humarap ito sa kanya. “Sana man lang ay magpasalamat ka, ‘di ba?”

“Umalis ka na. Bayad mo na yan sa pagkaladkad mo sa akin kanina.”

“E paano kung ayoko?”

“Aba! Ang yabang mo naman yata mister.”

Tumawa ito. “Kakaladkarin mo rin ba ako?”

“Baliw ka!”

Tumawa na naman ito. Saka lumabas ng kwarto.

“Teka, saan ka pupunta?” habol niya.

“Aalis na ako. Hindi mo naman ako kayang kaladkarin palabas, ‘di ba?”

Ang yabang talaga! Pero hindi niya naisatinig iyon. “Sige,” nasabi na lang niya.

Umalis nga ito at ‘di man lang siya nilingon. Mabilis itong naglakad papalayo. Itatanong pa sana niya kung paano ito nakapasok sa loob pero mas pinili na lang niyang manahimik. Siguro ay sumalisi ito habang nagmumuni-muni siya sa may dalampasigan. Napabuntong hininga siya.

Ganito nga siguro ang mga tao sa islang ito. Kabilang na ang nanay ko. May kakaibang ugali. Pabago-bago. Mababaliw na yata ako. Paghihimutok niya sa sarili.

Pumasok na siya sa loob ng kwarto, naglatag siya at saka nahiga. Wala siyang ganang mag-hapunan. Pagkatapos nang nangyari sa kanya ng hapong ‘yon parang gusto na lang niyang magpahinga. Pumikit siya. Pero mamayamaya lang ay bigla siyang bumangon. Nakalimutan pala niyang isara ng pinto. Dali-dali niyang tinungo iyon saka isinara ng mabuti. Bumalik siya sa kwarto at nahiga siya ulit.

Mayamaya ay bumangon na naman siya. Ayaw siyang dalawin ng antok. Naupo siya at tiningnan ang apoy ng gasera na kanina lang ay sinindihan ng lalaking ‘di niya alam ang pangalan. Sabagay kahit naman kasi tanungin niya ay hindi din nito sasabihin ang pangalan.

Inay, ang tagal pa ng Huwebes. Dumating naman kayo ng mas maaga. Usal niya sa hangin.

Tiningnan niya ulit ng mabuti ang apoy. May naalala siya! ‘Yong panaginip niya noong nakaraang gabi! Ano kaya ang ibig ipahiwatig ng panaginip na iyon? Apoy. Apoy. Paulit-ulit niya. May kakaiba sa apoy na ‘yon. Pero hindi niya alam kung ano.

Nahiga ulit siya. Pabali-balikwas siya sa higaan. Hindi talaga siya makatulog. Parang katulad lang ito noong nakaraang gabi. Naisip niya.

May mahihinang katok siyang narinig mula sa may pinto.  Hindi niya iyon pinansin. Pero mayamaya lang ay naulit pa ang pagkatok. Mas malakas. Diyos ko! Napabalikwas siya ng bangon. Sino naman kaya ‘yon.Hindi niya alam kung pagbubuksan niya ang kumakatok o hindi.

“Sino ‘yan?” mahina niyang tanong.

Walang sumagot. Natakot na siya nang biglang malalakas na katok na ang narinig niya.

“Sino sabi ‘yan e?” nanginginig siya pero pinilit niyang magpakatapang. Baka sakaling masindak ang kumakatok.

Pero wala pa ring sumasagot. Dahan-dahan siyang bumangon. Naglakad siya papuntang kusina at sinigurado niyang hindi siya makakagawa ng ingay. Nahagip ng kanyang mga mata ang kutsilyo na nasa lagayan ng mga plato. Dali-dali niyang kinuha iyon. Nilingon niya ang pinto. Nawala na ang mga katok na kanina lang ay lumalakas na.

Bumuntong hininga siya.Dahan-danan siyang lumapit sa may pinto. Bahala na. Kesa naman magdamag siyang matakot ay aalamin na niya kung sino ang may gawa ng mga katok na iyon.

Nanginginig ang kanyang mga kamay nang hawakan ang mahabang kahoy na nagsisilbing kandado ng pinto. Humigpit ang hawak niya sa kutsilyo habang dahan-dahan niyang inaangat ang kahoy para mabuksan ang pinto. Pagkalapag niya ng kahoy sa sahig ay mabilis niyang binuksan ang pinto at itinutok ang kutsilyo sa hangin. Walang tao. Hindi niya alam kung mapapanatag ba siya sa mga sandaling iyon. Humakbang siya palabas at luminga-linga. Walang bakas ng tao sa paligid. Mamamatay ako sa nerbiyos! Sigaw ng utak niya.

 May mumunting patak ng ulan siyang naramdaman.

Bumalik siya sa loob ng kubo at at isinara ang pinto. Ibinalik din niya sa pwesto ang kahoy na inalis niya kanina. Umupo siya sa isang bangko. Lumakas na ang ulan sa labas. Tulala siyang nakatitig sa kawalan. Matagal siya sa ganoong pwesto. Hindi ako matutulog hangga’t hindi sumisikat ang araw kinabukasan. ’Yon ang napagpasiyahan niya. May taong umaaligid sa kubo. At hindi niya kakayaning matulog gayong nanganganib ang buhay niya sa kung sino mang nagmamatiyag sa kanya.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon