Kabanata 15

1K 21 7
                                    

Nakakaramdam na ng pagod si Ferel. Halos kalahating araw na kasi silang nasa biyahe kasama si Aling Sylvia at si Lourdes. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na silang nagpalipat lipat ng sasakyan marating lang ang sinasabi nitong San Antonio. Ayon sa kanyang ina doon na daw muna sila titira pansamantala dahil hindi makakabuti kay Lourdes ang naroon malapit kay Mamerto. Hindi na siya umimik sa mga sinabing iyon ng ina kahit pa maraming tanong ang nagsusumiksik sa utak niya.

Nagtataka talaga siya, hindi naman siguro nakakahawa ang sakit ng kapatid niya para ilayo pa ito ng nanay nila sa isang napakalayong bayan. Siya din naman  ay may dinaramdam, ‘di ba nga wala siyang maalala. Ang kaso lang parang balewala lang iyon sa nanay niya at mas pinapahalagahan pa nito ang kapatid niya. Sabagay, kung titingnan mas malala nga naman ang kalagayan nito kaysa sa kanya. Hindi lang kasi ito mukhang nawalan ng alaala, parang paralisado na din pati ang utak nito.

Kaninang alas tres ng madaling araw ay ginising siya ng mahihinang tapik sa pisngi na gawa ng Nanay niya. Aalis na daw sila.

“Bakit naman po ang aga?” nagtataka niyang tanong.

“Para makarating tayo agad,” sagot nito.

“Paano po si Mamerto, hindi po ba tayo magpapaalam sa kanya?”

“Nahihibang ka ba? Kaya nga tayo aalis dahil alam kong babalik siya mamamaya rito.”

“Pero—“

“Huwag ka na ngang matanong d’yan. Mag-empake ka na,” utos nito.

Pero hindi pa rin siya natinag. “Nay, ‘di po ba k- kasintahan niya si Lourdes?”

“Noon ‘yon. Ngayon hindi na,”  sabi nito saka inabot sa kanya ang bag na paglalagyan ng mga damit.

Hindi pala siya nagkamali ng akala. Magkasintahan nga si Lourdes at Mamerto dati. Wala na siyang nagawa kundi mag-empake. Paglabas nila ng kubo ay may nakita siyang bangkang de motor na naroon at ang bangkero nito ay naghihitay sa kanila. Sumakay sila doon. Trenta minutos din ang biyahe sa karagatan bago nila narating ang mismong bayan ng San Nicolas.Tapos ay sumakay sila ng dyip. Pagkababa ay sumakay ulit sila ng isa pang dyip. Sa dami ng sinakyan nila ay hindi na nga niya naalala ang iba.

Sa kasalukuyan ay nasa bangkang de motor na naman sila. Nililibang na lang siya ang sarili sa nakikita niyang tanawin. Ang kulay asul na langit at dagat ay sapat na upang mabusog ang kanyang mga mata. Mataas na ang araw at nasisilaw siya sa sinag nito na tumatama sa mga mata niya paminsan-minsan.

Sinulyapan niya si Lourdes na nasa likura niya. Wala pa ring ekspresiyon ang mukha nito. Nakatitig lang sa kawalan na parang walang nakikita o nararamdaman. Hinahangin ang mahaba nitong buhok. Kung tutuusin ay maganda talaga ito. Kaya hindi na siya nagtataka kung bakit nagustuhan ito ni Mamerto.

Ah! Si Mamerto! Bigla niyang naalala ang binata. Ano na kayang naging reaksiyon nito na umalis na sila sa kubo. Malamang hindi naging maganda iyon. Naawa siya sa kaibigan. Kung hindi lang talaga kapalit ng alaala niya hinding hindi niya iiwanan ang islang iyon. Alam niyang mas magiging masaya siya doon pero mahalaga sa kanya ang nakaraan niya.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon