Kabanata 16

1K 17 5
                                    

Napatda si Ferel sa nikikita niya ng mga sandaling iyon. Hindi siya pwede magkamali. Ang gusaling nasa harapan niya ngayon ay katulad na katulad ng nasa panaginip niya. Ang buong istruktura nito ay niluma na ng panahon. Pero bakas pa rin na minsan nitong kagandahan sa nagdaang mga dekada. Kung titingnan ng mabuti sa malayuan hindi ito mukhang ordinaryong gusali na makikita sa mga institusiyon. Parang mas mukha itong bahay. Kapansin pansin din ang lumot at mga uri ng gumagapang na halaman ang bumabalot sa labas ng kabahayan.

Parang ayaw niyang humakbang mula sa kinatatayuan. Naramdaman niya ang panglalamig ng mga kamay at pangangatog ng mga tuhod niya. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa bahay na iyon. Naalala niya kanina ang bangkerong nagmamadaling umalis pagkahatid sa kanila sa dalampasigan at ang tinuran ng Nanay niya na marahil ay natatakot ang taong iyon. Dahil ba sa bahay na ito kaya ilag ang mga taong pumunta sa lugar na ito?

“Pumasok na tayo,” sabi ni Aling Sylvia sa kanya.

Binalingan niya si Lourdes na nasa tabi niya. Hinagilap niya ang kamay nito saka mariing hinawakan. Hindi na niya nakuhang magtanong sa ina dahil halata namang ang nakakapangilabot na bahay nasa haranan niya ang sadya nila sa bayang ito. Teka, bayan pala ito ng San Antonio at malamang may mga nakatira rito sa malapit.

“Nasaan po ang mga kapitbahay natin?” Pagkaraan ay tanong niya.

“Wala tayong kapitbahay. Tayo na lang ang nakatira sa bayang ito.”

“Tayo na lang…” ulit niya pero pabulong lang iyon. Tayo na lang. Ang ibig bang sabihin ay may mga nakatira dati sa bayan na ito tapos ngayon ay wala na? Naguguluhan na naman siya.

“Ano pa ang hinihintay mo d’yan? Wala ka bang balak humakbang?” Sita nito. Napansin siguro nito na parang dumikit na ang kanyang mga paa niya sa lupa. “Alam kong nagtataka ka sa mga nakikita mo,” sabi ulit nito, “kaya ‘wag kang magalala malalaman mo rin mamaya kung bakit tayo narito.”

Tumango na lang siya at sumunod kay Aling Sylvia na nagpatiuna na sa paglalakad. Pagdating nila sa may pintuan na tantiya na ay nasa labing-dalawang talampakan ang taas ay nakita niyang huminga muna ito ng malalim bago inihakbang ang mga paa nito sa tatlong baiting bago ang pinto. Nanatili lamang sila ni Lourdes sa likuran nito. Kumatok ito ng tatlong beses. Nakakapanindig balahibo ang idinulot ng ingay sa bumukas ng malaking pinto.

Nilingon sila ng ina. “Pumasok na tayo sa loob. Bukas naman pala.”

Sumunod siya sa sinabi nito. Hawak hawak pa rin niya ang kamay ng kapatid.

Napanganga si Ferel sa nakita niya sa loob ng bahay. Hindi siya makapaniwalang ganoon ang ayos nito sa loob. Elegante at detalyado ang disenyo nito at kababakasan ng karangyaan. Oo nga’t madilim ang apat na sulok nito pero hindi nito maitatago ang magagandang kasangkapan na naroon.

Sa harapan ng pinto ay naroon ang sala at may kulay pulang alpombra ang nakalatag sa ilalaim nito. Kahoy ang sahig ng buong  kabayahan at na nakakapagtakang nanatiling makintab iyon. Ang aranya na nakasabit sa mataas na kisame ay may malamlam na ilaw na nagsisilbing liwanag sa buong silid.

Sa bandang kaliwa ay naroon ang hagdanan patungong ikalawang palapag. Gawa din iyon sa kahoy. Matibay na kahoy. At katulad ng sahig ay makintab din ‘yon. Sa kabuuan parang alagang alaga ang loob ng bahay at taliwas iyon sa labas na parang nakalimutan nang labasin ng mga nasa loob.

Gumawi ang tingin niya sa isang matandang babae na mistulang galing sa komedor sa bihis nito. Mabagal na itong maglakad marahil sa katandaan na rin nito. Nakangiti itong lumapit sa kanila.

“Kumusta ka na Sylvia?” Masayang sabi nito na hinawakan sa kamay ang binati.

“Mabuti naman po,” sagot ng Nanay niya.

Bumaling ang matanda sa kanila ni Lourdes na parang pinag-aralan ang itsura nila. Pagkatapos ay bumalik ang tingin nito sa kausap. “Ito na ba ang mga anak mo? Aba’y mga dalaga na pala at ang gaganda pa,” palatak nito.

“Opo, Nanay Remedios.” Sumulyap ang Nanay niya sa kinatatayuan nilang magkapatid.

 Nakatitig lang si Ferel sa dalawang nag-uusap. Ang matandang ito ay ina ng Nanay niya marahil. Napgisip-isip niya. Ang ibig sabihin ay sa kanila ang marangyang bahay na ito.

“Ang akala ko ba iisang babae lang ang anak mo?” Narinig ni Ferel ang tanong na iyon ng matanda.

“Dalawa na po sila,” sagot naman ng Nanay niya. “Gutom na po kami, pwede po bang sa hapag kainan na tayo mag-kwentuhan.”

“Aba, oo naman. Nakahanda na ako ng hapunan.”

Ang aga naman yata ng hapunan. Maliwanag pa sa labas ah. Nasabi na lang ni Ferel sa sarili habang naglalakad patungong komedor kasunod ng matandang sumalubong sa kanila. Pero nagugutom na pala siya kaya isinantabi na lang niya ang iniisip. Marahil may dahilan naman kung bakit maaga ang hapunan sa bahay na iyon.

Hindi na siya nagulat sa laki ng hapag kainan. May na tig-anim na silya sa magkabilang gilid nito at tig-isang silya sa magkatapat na dulo. Bale pang labing-apat katao ang lamesang iyon.

Kanin at gulay lang ang nakahain para sa kanila. Pero walang pinipiling kainin ang taong nagugutom. Bagong luto iyon kaya natakam siya nang maamoy ang bangong hatid ng pagkain sa hapag.

Napansin niyang walang umupo silya na nasa dulo ng mesa. Magkatabing naupo ang Nanay niya at si Lourdes sa kanang parte ng mesa at sila naman ng matanda ay sa gawing kaliwa. Umusal ng panalangin para sa kanilang apat ang katabi niya at pagkatapos ay nagsimula na silang kumain.

“Mga hija, tawagin niyo na lang akong Lola Remedios, maliwanag ba?” Basag nito sa katahimikan.

“Opo,” sagot niya. “Ferel po ang pangalan ko,” dugtong niya at saka nginitian niya ang matanda. Pansamantalang nabawasan din ang takot niya sa bahay ng mga sandaling iyon. Siguro dahil sa ipinapakitang kabaitan ng matanda sa kanila. Pero ayaw niyang pakasiguro. Alam niyang may lihim ang bawat sulok ng bahay iyon.

Sinuklian din siya nito ng isang matamis na ngiti. “Ikaw naman hija, anong pangalan mo?” Tanong nito na kay Lourdes nakatingin.

Pero si Aling Sylvia ang sumagot. “Lourdes. Hindi siya nagsasalita.”

Sa gilid ng mga mata ni Ferel ay nakita niya ang pagkagulat ng matanda. “Huwag mong sabihin na…” Hindi nito itinuloy ang sasabihin.

“Opo Nanay Remedios.”

“Diyos na mahabagin!”

Iyon lang ang huli niyang narinig mula sa matanda hanggang sa matapos na silang kumain. Wala nang imikan pang nangyari. Akala ba niya ay magkukumustahan ang mga ito. Pero nabanggit lang ang tungkol kay Lourdes parang nawalan na ng gana ang mga ito na magsalita at mas piniling kumain na lang ng tahimik.

At malala niya, nasaan na ang pangako ng Nanay niya na sasabihin sa kanya ang lahat lahat kapag nakarating na sila ng San Antonio? Bakit parang nakalimutan na nito?

xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo

A/N

Salamat sa naghihintay ng Chapter na 'to. :))

In case lang na hindi niyo po naintindihan itong mga words:

Alpombra - carpet

Aranya - chandelier

Hehe, kasi naman.. ayoko talagang gumamit ng kahit anong English sa story na 'to.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon