Hindi mapakali si Sylvia sa loob ng kanyang silid. Halos trenta minutos na siyang paro’t parito sa harap ng tokador. Paminsan-minsan niyang sinusulyapan ang anak na si Lourdes na mahimbing nang natutulog sa kama. Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga. Nasa isip pa rin niya ang nangyari kanina.
“Anong ginagawa mo Sylvia?” parang gulat na tanong ng Nanay Remedios sa kanya.
Nang mga sandaling iyon ay pinupulot niya ang mga piraso ng nabasag na banga. Nasagi niya iyon sa pagmamadali. Magkahalong gulat at pangamba ang naramdaman niya nang si Ferel at Nanay Remedios ay tahimik lang nakamasid sa kanya. Nagtuon na siya nang matalim na tingin bago pa man ito magtanong.
“Ano pang tinitingin-tingin niyo d’yan? Hindi niyo ba ako tutulungan?!” Hindi na naman niya mapigilan ang sarili na hindi magtaas ng boses.
“Ako na ang gagawa niyan,” mahinahong sabi ni Nanay Remedios sa kanya.
Pagkarinig niya sa sinabi nito ay agad siyang pumasok sasilid at nagkulong. Hindi na niya nakuhang lingunin ang mga ito sa sobrang taranta.
At heto siya ngayon, parang sasabog ang dibdib siya sa sari-saring hinuha na naririnig niya sa isang parte ng utak niya. Nahalata kaya ang mga ito na napakinggan niya ang naging pag-uusap nila? Ah! Sana naman hindi!
May balak palang umalis si Ferel dito. At hindi niya mapapayagang mangyari iyon. Hindi ngayon, hindi kailanman. Andito na ito kaya konti na lang masisimulan na niya ang pangalawang yugto ng mga plano niya. Konti na lang. Marami siyang pinagdaadan para lang mapasakamay niya ang dalaga at hindi niya matatanggap na mawawala ito ng ganoon lang kadali dahil sa tulong ni Nanay Remedios.
Hindi nga siya nagkamali ng akala, isang balakid din si Nanay Remedios katulad ni Lucas. Ang kaibahan nga lang, si Lucas ay may parte sa plano at si Nanay Remedios wala. May naglalarong plano na naman sa utak niya. Pero hindi maaari. Isang malaking kasalanan ang naiisip niya.
Kailangan niyang mamili ngayon sa naiisip niyang gawin. May malamig na hangin siyang naramdaman. Nayakap niya ang sarili. Bukas pala ang kalahati ng bintana sa silid. Agad niya iyong isinara. Sinulyapan niyang muli ang anak at umupo sa tabi nito.
“Malapit ka nang magpaalam, anak…” bulong niya habang hinahaplos ang mahaba nitong buhok.
Sa huling pagkakataon ay kailangan na niyang kumilos at mamili. Si Ferel o si Nanay Remedios. Kagyat niyang ipinikit ang mga mata at huminga ng malalim upang mag-ipon ng lakas ng loob. Gagawin niya ito alang-alang sa mga magulang niya at sa sarili niya.
xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo
Panibagong umaga na naman ang bubunuin ni Ferel. Pero sa pagkakataong iyon ay mas buhay ang diwa niya. Ngayong araw na siya aalis. Kagabi ay may nabuo na silang plano ni Lola Remedios. Kunwari magpaaalam lang siya kay Sylvia para mamasyal sa dalampasigan kasama ng matanda. Pero iyon na ang simula ng plano niyang paglisan. Gagamitin niya ang bangkang pagmamay-ari ni Lucas para marating ang isla sa may gawing silangan.
Agad siyang bumangon at inayos ang sarili. Habang nag-aagahan mamaya ay sasabihin niya ang tungkol sa pamamasyal. Kahit paano ay may nadama siyang kasiyahan. May gumuhit ding mahiwagang ngiti sa mga labi niya. Napagpasyahan niyang huwag nang magdala ng gamit maliban na lang sa kabibeng ibinigay sa kanya ni Mamerto. Sa wakas, makikita na rin niya ang binata.
Sumasabay sa galaw niya ang mahabang bestida na suot niya habang pababa siya ng hagdanan. Nagmamadali niyang tinungo ang komedor upang mag-agahan. Pero nang marating niya iyon ay natigilan siya. Nawala rin ang ngiti niya sa mga labi. Walang sinuman ang naroon. Wala ring nakahandang agahan. Bakit kaya?
Dumiretso siya sa kusina pero wala ring tao doon. Bigla siyang kinabahan. Nasanay kasi siyang laging nasa kusina si Lola Remedios. Pero wala ito. At ang nakakapagtaka pa, dapat sa mga oras na iyon ay nasa hapag-kainan na ang mag-anak ni Sylvia at kumakain. Nasaan silang lahat? May nangyari kayang hindi niya alam?
Mayamaya pa ay isang sigaw ang nagpatalon sa puso niya. Si Sylvia. Nagmumula iyon sa ikalawang palapag. Kumaripas siya ng takbo palabas ng kusina upang tingnan kung anong nangyari. At sa dulo ng hagdanan ay nasalubong niya si Sylvia na humahagulgol ng iyak.
Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat at niyugyog. “A-ano pong nangyari?” naguguluhan niyang tanong.
“S-si Nanay Remedios,” sabi nito sa pagitan ng pag-hikbi.
Nataranta siya. “Anong nangyari sa kanya?”
“Patay na siya…” nanginginig nitong sabi saka sumubsob sa balikat niya.
Parang nanghina ang tuhod niya sa narinig. “Hindi maaari yan,” sabi niyang inilayo si Sylvia sa kanya.
Mabilis niyang inakyat ang handanan patungong ikalawang palapag. Hindi pwedeng mamatay si Lola Remedios. Hindi ngayon. Abot abot ang dasal niya na sana nagkakamali lang si Sylvia. Pinahid niya ang luha sa pisngi na mabilis na umagos mula sa mga mata niya.
Pagdating niya tapat ng kwarto ng matanda ay huminga muna siya ng malalim bago dahan-dahan niyang binuksan ang pinto. Kagyat siyang napapikit at pinakiramdaman tunong ng bisagra. Pagmulat niya ng mata ay para siyang sinaksak sa dibdib sa nakita niya. Ang duguang katawan ni Lola Remedios ay nakahandusay sa sahig!
Nilapitan niya ito at lumuhod sa tabi nito. Hindi niya mawari kung saang parte ng katawan nagmula ang dugo na halos bumasa sa buo nitong katawan. Hinawakan niya ito pisngi at hinaplos.
“Lola Remedios, bakit ngayon pa? Paano na ako?” hikbi niya.
Wala ng pag-asa. Ilang beses na nga ba siyang nawalan ng pag-asa? Hindi na niya mabilang. At ito na nga siguro ang huli. Sino pang tutulong sa kanya ngayon? Wala na ang huling taong inaasahan niya. Habangbuhay na yata siyang mananatili sa lugar na iyon. Pakiramdam niya ng mga sandaling iyon ay dinadaya siya ng tadhana at pinaglalaruan ng pagkakataon.
“Lola Remedios!”
Hinayaan niyang lumabas ang lahat ng sama ng loob niya sa pamamagitan ng mga luha na malayang dumaloy sa mga mata niya. Galit siya sa gumawa nito sa matanda. Galit na galit. At galit din siya sa mundo.
xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo
Yan muna for today. Time for me to read naman. :)
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...