Maagang nagising si Ferel pero mas pinili na lang niyang manatili na lamang muna sa kanyang silid. Ayaw niyang makita si Sylvia at si Lucas. Sa totoo lang kasi, si Lola Remedios lang ang tanging dahilan kung bakit parang laging may humihila sa kanya patungong komedor. Pero ngayong wala na ang matanda kaya nawalan na rin siya ng ganang sulyapan man lang ang lugar kung saan ito laging namamalagi.
Kasalukuyan siyang nakaupo lang sa gilid ng kama. Tiniis niya ang kalam ng kanyang sikmura. Sa ngayon, ang tanging nasa isip niya ay kung sino ang pumaslang kay Lola Remedios. Dalawa lang naman ang maaaring maging salarin, si Lucas o si Sylvia. Ang ikinagugulo lang ay ni isa man sa kanila ay ayaw umamin. Sabagay wala naman talagang aamin basta-basta sa isang karumal-dumal na krimen.
Ibinagsak niya ang katawan sa malambot na kama. Hindi niya alam kung paano niya sisimulan ang pag-sisiyasat. Una sa lahat, hindi niya pwedeng tanungin nalang nang basta-basta sina Sylvia at Lucas. Walang patutunguhan iyon kung sakali. Pangalawa, aaminin niyang natakot siya noong titigan siya ng masama ng dalawang nilalang na pinaghihinalaan niyang pumatay kay Lola Remedios.
Bumangon siya at tinungo ang malaking bintana na katabi lang ng higaan. Hinawi niya ang kurtinang tumatakip sa makapal na salamin nito. Nasilaw siya sa mataas na sikat ng araw. Bahagya niyang ipinikit ang mga mata upang hindi masyadong manuot sa paningin niya ang sinag nito. Ibinalik niya sa dating ayos ng ang kurtina. Hinawakan niya ang kanyang tiyan. Parang may kumukulo na sa loob nito Nagugutom na talaga siya.
Naglakad siya patungong pinto. Huminga muna siya nang malalim bago niya iyon dahan-dahang binuksan. Inilabas niya ang ulo sa bahagyang nakabukas na pinto upang tingnan kung may tao sa labas. Hindi niya alam kung bakit kailangan niya iyong ginawa. Pero sa isang bahagi ng utak niya, ayaw niyang makita ang kahit sinuman kina Sylvia o Lucas.
“Anong ginagawa mo?”
Parang isang malakas na suntok ang dumapo sa dibdib ni Ferel nang biglang may nagsalita malapit sa kanyang tenga. Dumaop ang kanyang isang kamay sa kanyang dibdib. Nilingon niya ang nagsalita. Si Lucas. Halos ilang pulgada lang layo nito sa kanya. Napalunok siya. Napakalapit nito sa kinatatayuan niya, sa katawan niya at sa mukha niya. Wala itong balot sa mukha kaya kitang-kita ang bawat detalye ng sugat nito sa mukha at kung gaano kalala ang bawat bulutong nito. Hindi niya napigilan ang sarili. Lumayo siya rito.
“Bakit ka lumayo? Nandidiri ka ba?” nakakaloko nitong tanong.
“L-Lucas,” sabi niya sa pagitan ng sunod-sunod ng paghinga, “h-hindi ak—“
Lumapit pa ito. “Hindi ka nandidiri?”
Humakbang siya paatras. Hindi siya mkapag-salita. Nandidiri nga ba talaga siya? Iyon ba ang ibig sabihin kapag hindi niya kayang tingnan nang matagal ang mukha nito?
Tumawa ito. “Nandidiri ka nga.”
“L-Lucas, a-ano k-kasi, an—“
“Huwag ka nang magsalita,” sabit nito as saka naglakad papalayo.
Nakahinga siya ng maluwag nang mapagtanto niyang wala na ito sa paningin niya. Aaminin niyang may kakaibang takot ang bumangon mula sa dibdib niya ng mga sandaling iyon. Parang ibang Lucas ang nakausap niya kanina. Ibang-iba.
Isinara niya ang pinto ng kuwarto. Parang bulang nawala na rin ang kalam ng sikmura niya. Tinungo niya tokador at tiningnan niya ang sarili sa salamin. Para siyang nawalan ng dugo sa sobrang putla niya. Pinahid niya ang namuong pawis sa kanyang noo at nagpakawala ng isang pang buntong hininga.
“Ferel?”
Nilingon niya ang pinto. Si Sylvia ang tumatawag sa kanya.
“Ferel,” sabi ulit nito sa likod ng pinto at saka kumatok nang sunod-sunod.
Ano kaya ang kailangan nito? Hindi niya alam kung pagbubuksan niya ba ito hindi. Ang kabang kanina lang ay naglaho na ay biglang umahon na naman mula sa kanyang dibdib.
“Ferel, ano ba? Hindi mo ba ako pagbubuksan?”
Napapitlag siya. May nadama siyang galit mula sa tinig nito. Mabilis niyang tinungo ang pinto at dahan-dahang binuksan iyon.
“Ano bang problema mo?” bulyaw sa kanya si Sylvia nang mapagbuksan na niya ito.
Nagulat siya sa taas ng boses nito. Hindi siya nakapagsalita.
“Hoy, hindi porke’t dito ka nakatira ay gaganyanin mo na ako,” dinuro siya nito.
“P-pero—“
“Kapag kumatok ako at tinawag kita, pagbuksan mo ako agad, maliwanag ba?” patuloy nito.
Parang bumalik na naman ang takot sa dibdib niya. Bakit parang nagbabago na ang ugali ng mga tao sa mansyong iyon? Kanina lang si Lucas ginulat din siya sa ipinakita nitong kapangahasan ngayon naman ay si Sylvia. “B-bakit?” nasabi lang niya sa pagitan ng nag-uunahang dagundong sa kanyang dibdib.
Tumawa ito. Nakakalokong tawa. “Bakit?”
Nangatog ang tuhod niya. “A-anong gagawin mo sa akin?”
Tumawa ulit ito. Ngayon ay mas malakas na. “Halika, sumama ka sa akin,” sabi nitong hinawakan siya ng mahigpit sa braso at buong lakas na hinila palabas ng kuwarto.
“Bitiwan mo ako!” pilit siyang nagpupumiglas pero parang balewala iyon. Saan nanggagaling ang lakas ng babaeng ito?
“Tumigil ka nga!” sigaw nito sa kanya. Tumigil ito sa paglalakad at tinitigan siya ng matalim sa mga mata.
Parang nasunog siya sa kunatatayuan niya. Parang hindi na ito ang babaeng nakausap niya noong unang araw na nakita niya ito sa ospital. Nagbagong anyo na ito.
Tahimik silang tinungo ang may hagdanan. Hindi na siya nagpumiglas pero nanatiling mahipit pa rin hawak nito sa kanya. Nakababa na sila ng handanan at sa komedor siya nito dinala. Agad siya nitong binitiwan.
Nagulat siya na nakita. Maraming pagkain ang nakahanda na parang may handaan. Sari-saring prutas ang nasa gitna ng lamesa at iba’t-ibang klase ng lutong karne.
“A-anong meron?” takang tanong niya na hinawakan ang brasong kanina lang ay mahigpit na hinawakan ni Sylvia.
“Kumain ka na,” pahayag nito na inilahad ang upuan sa gawing kanan.
Hindi siya gumalaw sa kinatatayuan niya. “Bakit ang daming pagkain?”
“Kailangan mo yan,” mahinahong sagot nito.
Inalis niya ang tingin sa mga pagkain. “Pero—“
Isang matalim na tingin ang iniukol nito. “Kapag sinabi kong kumain ka, kumain ka!” sigaw nito.
Natutop niya ang bibig sa sobrang gulat. Anong nagyayari kay Sylvia? Tiningnan niyang mabuti ang itsura nito. Parang larawan ito ng isang masamang hayop na lalapain ang sinumang hindi susunod sa nais nito. Nakakapangilabot.
xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo
Ilang Chpaters na lang ang natitira. :) Salamat ulit sa mga nag-basa!
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...