Kabanata 6

1.3K 26 4
                                    

Hindi mapigilang hindi maawa ni Mamerto sa babaeng nagngangalang Ferel na kanina lang ay kinaladkad niya palabas ng kanilang kubo. Sayang, maganda ka pa naman. Naisaloob niya. Bumuntong hininga siya habang pinapanuod ang pagtakbo nito papalayo sa kinatatayuan niya. Dapat lang na umuwi na ito at ‘wag nang bumalik kahit kailan!

Nang makita niya kanina ang babaeng ‘yon hindi niya mapigilang may maalala. Lalo na nang malaman niyang anak pala ito ni Aling Sylvia na minsan ay naging balakid sa nakaraang buhay pag-ibig niya. Ah! Ayaw na sana niyang maalala pa iyon. Pahamak talaga ang babaeng ‘yon. Ibinaon na niya sa limot ang kabiguang dinanas nila ng dating kasintahan na si Lourdes sa kamay ng malupit nitong ina.

Si Lourdes ang kaunaunahan niyang kasintahan at ipinangako niya sa sarili na hindi na titingin sa ibang babae pa bukod dito. Masaya  naman ang pagsasama nila dati. Hindi tutol ang kanyang mga magulang sa relasyon nila. Ngunit salungat iyon sa pagtingin ng ina ni Lourdes na si Aling Sylvia. Pilit nitong inilayo sa kanya ang anak sa isang masaklap na dahilan. Hindi siya nito gusto. Gusto niya sanang gawan ng paraan ang pagka-disgusto nito sa pamamamagitan ng pagpapakitang gilas ngunit huli na ang lahat. Sisimulan pa lang sana siya ang plano nang mawala si Lourdes.

Labis siyang nasaktan nang malaman iyon. Nang tanungin niya si Aling Sylvia tungkol sa nangyari ay wala itong sagot kundi pinatay daw si Lourdes ng pag-iibigan nila. At iyon ang hindi niya maintindihan. Nangilabot siya. Nakakamatay ba talaga ang pag-ibig? At paanong mangyayari ang bagay na iyon gayong mahal na mahal niya si Lourdes at hindi niya itong kayang saktan. Ang hinala niya ay itinakas ito ng ina para tapusin na ang kanilang relasyon.

Naghintay siya. Hinintay niya ang pagbabalik ni Lourdes dahil umaasa pa din siyang may idudugtong pa ang tadhana sa kanilang pag-iibigan ngunit bigo siya. Sa awa ng mahabaging langit at unti-unti niyang natanggap ang nangyari, na namatay na nga siguro si Lourdes. Masakit man pero may buhay siyang kailangang harapin. Kahit wala na si Lourdes.

Ang gusto niya na lang malaman ay paano namatay ang dating kasintahan o makita man lang ang himlayan nito. Ngunit walang makapagsabi. Kaya hanggang ngayon ay misteryo pa din ang pagkawala nito kahit pa sinasabing patay na daw ito ayon sa ina nito. Sa islang iyon kasi ay dalawang pamilya lang ang nakatira-- sina Aling Sylvia at ang anak nito at ang pamilya niya kaya wala na siyang mapagtanungang iba.

“Kuya!”

Biglang naudlot ang pagbabalik tanaw niya sa nakaraan at nilingon ang pinagmulan ng boses, “Anong ginagawa mo dito?” tanong niya sa papalapit na kapatid na si Dina. Mas bata ito sa kanya ng limang taon. Nagdadalaga na ito sa edad na kinse.

“Anong klaseng tanong yan, kuya?” kunot noong tanong nito nang makalapit na sa kaniya. Nakangiti ito. Natural kasi dito ang pagkamasayahin.

“Sagutin mo na lang tanong ko.”

Tumawa ito bago sumagot, “Kararating lang namin ni Itay galling sa pangangahoy.”

“Ganyan, mahirap bang sabihin ‘yan?” hindi niya maintindiahan kung bakit nagsusungit siya sa kapatid. Dala pa rin marahil ‘yon ng pangyayari kanina.

“Ang sungit sungit ng kuya ko, oh!”

“Tumigil ka na nga!” tinalikuran niya ito at naglakad papuntang kubo. Narinig niyang tatawa tawa pa din ito habang nakasunod sa kanya.

“Oy, kuya, saglit lang!”

“Bakit na naman?” lumingon siya.

“May tanong ako,” parang nanunudyong sabi nito. Saka nagpatiuna sa paglalakad.

“Ano ‘yon?”

“Sino ‘yong babae kanina?”

“Anong babae?” kunwari ‘di niya alam ang tinatanong nito.

“Kuya naman!”

“Si Ferel,” pag-amin niya. Saka binalingan ang kapatid. Abot tenga ang ngiti nito.

“Bago lang siya dito sa isla?”

“Oo,”

“Magkaibigan kayo?”

 Nakarating na sila sa kubo. “Hindi,” sagot niya. Kumuha siya ng baso at sumalok ng tubig para inumin, “at ‘wag ka nang mangulit, Dina. Maliwanag ba?” pagpapatuloy niya. Saka ininum ang tubig sa baso.

Sumimangot ito. Pero tumango rin pagkaraan. Parang labag sa loob nito ang huwag nang mag-usisa.

“Sige na, magsaing ka na baka dumating na si Inay galing sa bayan.”

“Sige, Kuya.” pagsunod nito saka kumilos para magsaing

Naupo siya sa isang bakanteng bangko na naroon. Pinagmamasdan niya ang ginagawa ng kapatid. Naalala na naman niya si Lourdes. Dapat hindi ko na siya naaalala. Naisaloob niya. Tumingin siya sa labas ng bintana. Papalubog na naman ang araw. Ang kulay kahel na araw ang paborito nilang tanawin dati ni Lourdes. Kapag ganoong dapithapon ay naglalakad-lakad sila ng dating kasintahan sa may dalampasigan at sabay na nangangarap. Dati masaya siya kapag papalubog na ang araw. Pero ngayon, isang malungkot na alaala na lang ang hatid no’n sa kanya.

“Kuya?”

“Ha? Bakit, Dina?” nakatatakang tanong niya.

“Kanina pa kita tinitingnan. Ang lalim yata ng iniisip mo. May problema ka ba?”

“Ah, wala naman. May naalala lang ako,” sagot niya.

“Sino Kuya?” usisa nito.

“Wala, wala.”

“Hala,” napaismid ito, “Siguro si Ferel, ano?”

Nahilamos niya ng kamay ang mukha, “’Di ba ang sabi ko kanina ‘wag ka nang magtanong? Bakit ba ang kulit mo?”

“Pasensiya na, Kuya,” nagkamot  ito ng ulo, “Hindi na mauulit.”

“Sige na ipagpatuloy mo na’ang ginagawa mo.”

“Tapos na.” sabi nito.

“Maglalakad-lakad muna ako. Babalik ako bago maghapunan,” paalam niya sa kapatid. Saka tuloy tuloy siyang lumabas ng kubo.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon