Kabanata 28

928 17 4
                                    

Nasa dalampasigan pa rin sina Mamerto kasama ng dalawang dating na ‘di umano ay mga magulang ni Ferel. Malamig ang simoy ng hangin. Tanging paghampas lang ng alon ang maririnig sa pagitan ng katahimikan sa namamagitan sa kanila.

“Pero anak namin si Ferel,” pagkaraan ay wika ni Felomina.

Napalunok si Mamerto at nag-ipon ng hangin sa dibdib. “A-alam niyo po bang may sakit ang anak ninyo?” tanong niya sa mag-asawa.

“Sakit?” takang tanong ni Manuel.

“Opo.”

Parang lalong nadagdagan ang pag-aalala sa mga mata ng Felomina. “Anong sakit, hijo?”

Bahagya niyang iniyuko ang ulo. “W-wala po siyang maalala nang dumating sa islang ito.”

Pilit na ngumiti ang babae. “Inaasahan na namin ‘yan,” wika nito.

“Ang labis naming pinag-aalala ay kung ano na ang kanyang kalagayan,” dugtong ni Manuel.

 Nag-angat ng ulo si Mamerto. Nakakapagtaka ang tinuran ng mga ito. “Ano po ba ang nangyari kay Ferel?” usisa niya.

Pero imbes sa sagutin iyon ng mag-asawa, iba ang sinabi ni Felomina. “Hijo, maaari mo ba kaming patuluyin muna sa inyo. Malamig dito sa labas.”

Nasapo ni Mamerto ang noo. Sa sobrang dami ng gusto niyang malaman ay nakalimutan na niyang patuluyin ang mga bisita sa loob ng kubo niya. “Paumanhin po,” hingi niya ng dispensa.

Tumango ang mag-asawa.

“Tayo na po sa kubo,” anyaya niya at saka binalingan si Mang Kulas na tahimik lang na nakikinig sa pag-uusap nila. “Kayo rin po Mang Kulas.”

Tumango din si Mang Kulas at naglakad kasunod ng mag-asawa. Pagdating nila sa kubo ay pinaupo niya ang mga bisita sa isang mahabang bangko na naroon maliban kay Mang Kulas na mas piniling umupo sa bangkong nasa kusina upang hindi sila masiyadong maabala.

“Pasensiya na po, maliit lang itong kubo,” ani Mamerto na pumwesto sa tapat ng mag-asawa.

“Bweno, ituloy na natin ang pag-uusap,” sabi ni Felomina sa humawak sa kamay ng asawa.

Tumango siya.

Tumingin muna ito sa asawa bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Si Ferel ay nag-iisang anak namin ni Manuel at hindi anak ni Sylvia katulad ng sinabi mo kanina. Si Sylvia ay isang katulong na namasukan sa amin.”

Nagulat na naman si Mamerto sa pangalawang pagkakataon nang gabing iyon sa nalaman niya. Alam niyang marami pa siyang malalaman. Sayang kung narito lang sana si Ferel, magiging masaya sana ito na malaman ang buong katotohanan tungkol pagkatao nito. Iyon ang matagal nang ninanais ng dalaga.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon