Gusto munang ipahinga ni Lucas ang pagod niyang utak sa kaiisip ng sari-saring bagay nitong mga nakaraang araw. Una ang pagkamatay ni Nanay Remedios na labis na nagpapagulo sa isipan niya. Hindi siya ang pumatay sa matanda pero pinipilit siya ni Sylvia na aminin ang krimen na hindi naman niya ginawa. Iyon ang ikinaiinis niya kaya laging nauuwi sa away kapag napag-uusapan nila ang misteryo sa likod ng pagkamatay ni Nanay Remedios. At pangalawa ang kasasabi lang ni Sylvia na may damdamin para sa kanya si Ferel. Natawa siya. Gagawa nalang ito ng kwento halata pang kasinungalingan.
Napagpasyahan niyang iwanan muna ang mansyon at maglakad-lakad sa kakahuyan. Pagkalabas niya ng pinto ay tumambad sa kanya ang araw na waring ipinagyayabang ang maliwanag na sikat nito. Masakit sa balat ang sikat ng araw kahit batid niyang alas tres na ng hapon ng mga oras na iyon. Hindi niya ininda iyon at nagpatuloy lang sa paglalakad. Pagdating niya sa bungad ng kakahuyan ay bahagyang nabawasan ang liwanag mula sa araw dahil sa nagyayabungang punong kahoy.
Kagyat niyang ipinikit ang mga mata at sinamyo ang kakaibang amoy ng kalikasan sa paligid niya. May naramdaman siyang ginhawa sa dibdib. Pagdilat niya ng mga mata ay dumako ang kanya paningin sa isang bulto ng tao sa likod ng nagtataasang halaman at kahoy. Babae iyon.
Wala sa isip siyang humakbang upang sundan ang babaeng iyon. Nakakahumaling ang buong pigura nito kaya parang hinahanap iyon ng kanyang mga mata. Hinawi niya ang mga nakausling halaman sa kanyang dinaraanan upang masundan lang ito. Mayamaya pa ay napatigil siya nang mapagtantong malapit na siya sa kinatatayuan nito. Tumigil pala ito sa paglalakad at parang pinapakiramdaman ang paligid.
Nahalata kaya niya ang pagsunod ko? Tanong ni Lucas sa sarili. Luminga-linga ang babae kaya agad niyang ikinubli ang sarili sa likod ng mayabong na halaman na nasa kanyang harapan. Nagulat siya nang biglang dumako ang tingin nito pinagkukublihan niya. Napalunok siya. Si Ferel pala ang babaeng sinusundan niya.
Bakit hindi niya agad ito nakilala kanina? Sadya bang nag-iiba ang itsura ng isang nilalang sa loob ng kagubatan? Ah! Hindi naman siguro. Ngayon lang niya napagmasdan ng mabuti ang mukha ng dalaga. Ang ganda, parang diwata sa kagubatan. At ang hubog ng katawan nito ay talaga kahanga-hanga. Sa suot nitong bestida na kulay asul na hanggang tuhod ang haba ay tiyak walang lalaking hindi mapapalingon rito. Teka, hindi ito maaari. Sigaw ng utak niya. May nararamdaman siyang kakaiba para sa dalaga. Ngayon lang niya iyon naramdaman ulit sa loob ng maraming taon. Nabuhay ang kanyang pagnanasa!
Napailing si Lucas nang makitang papalapit na si Ferel sa pinagkukublihan niya. Abot-abot ang kanyang pagdarasal na sana ay huwag siyang makita nito. At parang nadinig naman iyon ng langit. Ibinaling ng dalaga ang paningin sa ibang direksiyon at naglakad ito palayo.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya. Nang masigurong nakalayo na ito ay agad siyang tumakbo palayo sa lugar na iyon. Kanina lang ay tinakot niya ang dalaga para umalis na ito sa mansyon. Pero ngayon parang pinagsisisihan na niyang ginawa niya iyon.
xoxoxoxoxoxoxoxoxoxo
Luminga-linga si Ferel sa buong paligid. Parang may sumusunod sa kanya kaya napatigil siya sa paglalakad. Dumako ang kanyang tingin sa mayayabong na halaman na nilingon niya. Parang may gumagalaw doon. Humakbang siya papalapit pero may narinig siyang kakaibang kaluskos sa ‘di kalayuan kaya binalewala niya ang halaman at tinungo ang pinagmulan ng kakaibang tunog.
Sinundan niya ang tunog at lalong nagiging malinaw iyon habang papalapit siya. Ilang sandali pa ay may nakita siyang unggoy na nahihirapang tanggalin ang buntot na naipit sa pagitan ng dalawang malaking bato. Agad niya itong nilapitan. Iyon pala ang tunog na kanina pa niya naririnig. Parang humihingi ng tulong ang munting nilalang na iyon sa sino mang makakarinig sa pag-iyak nito.
“Hayan, natanggal ko na,” sabi niya nang maalis na sa pagkaka-ipit ang buntot nito.
Para namang naintindihan iyon ng unggoy. Tiningnan muna siya nito bago tuluyang tumakbo papalayo. Napangiti na lang si Ferel. Masarap pala ang pakiramdam kapag nakakatulong.
Tumingin siya sa buong paligid. Kulay kahel na ang sinag ng araw na tumatama sa mga puno at mga halaman sa gubat. Isa lang ang ibig sabihin, malapit na namang magpaalam ang araw. Dali dali siyang naglakad palabas ng gubat. Kahit paano naman ay natatandaan pa niya ang daan papuntang mansyon.
Pagdating niya sa tapat ng mansyon ay saglit siyang tumigil bago buksan ang malaking pinto sa kanyang harapan. Nag-isp siya. Bakit hindi niya naisip kanina na magtungo na lang sa dalampasigan para pag-aralan ang buong lugar at kahit paano ay makaalis man lang siya sa lugar na iyon. Kahit hindi niya alam ang papuntang San Nicolas, o kahit wala siyang alam kung saan banda ang karatig isla ng San Antonio basta makaalis lang siya.
Nasapo niya ang noo. Bakit kailangang mawala iyon sa isip niya? Pero hindi na siya mapipigil pa. Kukunin na lang niya ang iilang piraso ng kanyang gamit at aalis na siya. May sinabi si Lola Remedios na may bangka si Lucas na maaari niyang magamit. Nakakubli iyon sa isang maliit na kweba na malapit sa dalampasigan. Wala siyang pakialam kahit mawala siya sa gitna ng karagatan basta’t gumawa siya ng paraan para iligtas ang sarili.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan at nagulat siya nang makita si Lucas na nasa salas. Pabalik-balik ito na parang may malalim na iniisip at mukhang hindi nito napansin ang pagpasok niya. Bigla niyang naalala kanina ang ginawa nitong kapangahasan sa kanya. Ipiniling niya ang ulo at nagmamadali siyang tinungo ang hagdanan paakyat.
“Ferel,” tawag ni Lucas.
Nakita siya nito. Pilit siyang lumingon at nagpakawala ng isang pilit na ngiti. “Lucas,” bati niya.
“Saan ka galing?” tanong nito.
“Naglakad-lakad lang,” pilit niyang pinagsigla ang boses.
“Ganoon ba.”
Napansin niyang malinis ang puting tela na nakabalot sa mukha nito. Mukhang nilinis din nito ang mga sugat. Mabuti nalang at naisipan nitong gawin iyon kung hindi ay mahihirapan na naman siyang pakiharapan ito.
“Aakyat na ako, Lucas,” paalam niya.
Tumango lang ito.
Aakyat na sana siya nang tinawag na naman nito ang pangalan niya. Pilit na naman niya itong hinarap. “Bakit?” mahinang tanong niya.
Hindi ito nagsalita na parang nag-isip ng sasabihin.
“May sasabihin ka pa ba, Lucas?” tanong niya ulit.
Pinag-daop nito ang mga palad at bahagyang ikiniskis ang mga ito. “K-kumain ka na ba?” utal nitong tanong.
Nagpakawala siya ng hangin sa dibdib. “Hindi pa,” sagot niya, “at hindi ako nagugutom.”
Tumango na naman ito.
Niyakap niya ang sarili. “Maaari na ba akong umakyat?”
“Oo, oo naman,” mabilis nitong sabi.
Nginitian niya ito ng tipid at saka nagtuloy sa pag-akyat. Parang may kakaiba na naman sa mga ikinikilos nito. Pero hindi na niya muna pagtutuuan ng pansin iyon. Sanay na siya sa pabago-bagong kilos ng mga kasama niya sa mansyon.
Mablilis siyang pumasok sa kanyang silid at agad na hinagilap ang bag na nasa ilalim ng kama. Pero wala iyon doon. Saglit siyang nag-isip kung saan pa niya pwedeng ilagay iyon. Nang wala siyang maisip ay sinimulan na niyang halughugin ang buong silid.
xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo
Hala, natagalan akong isulat 'to. Kasi naman, nanunuod lang naman kami ng finals ng American Idol habang sinusulat ko 'to. Sorry sa delay! Anyways, Enjoy reading, guys!
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...