Kabanata 26

992 18 3
                                    

Tulala sa kawalan at malayang dumadaloy ang mainit na likido mula sa mga mata ni Ferel habang nasa kandungan niya ang malamig na bangkay ni Lola Remedios. Kasabay ng pagkamatay ng matanda ang paglaho ng kanyang nag-iisang pag-asa na makaalis sa lugar na iyon. Sino sa mga kampon ni Satanas ang gumawa nito sa kawawang matanda?

Lima lang sila sa mansyong iyon, at alam niyang hindi siya ang pumatay sa matanda. Hindi niya magagawa iyon. Ang natitirang salarin na lang ay sina Sylvia, Lucas at Lourdes. Pero malabong si Lourdes ang gumawa ng ganoong klaseng bagay. Hindi nga ito nagsasalita ni makakilos ng nag-iisa. Sa ngayon, ang dating magkabiyak na lang ang naiisip niyang maaring gumawa ng pagpaslang sa matanda.

Kagabi, naalala niya habang nag-uusap sila ng yumaong matanda ay naalarma sila sa ingay na gawa ni Sylvia. Nabasag nito ang isang malaking banga malapit sa kuwarto niya. Sinabi ni Lola Remedios na maaaring narinig nito ang naging pag-uusap nila. Pero hindi niya iyon binigyan ng pansin. Ano naman ang makukuha nito sa pakikinig sa kanila?

Pero ‘di ba ayaw siya nitong paalisin? Kaya posibleng ito ang gumawa. Tama si Sylvia nga. Biglang nagdilim ang paningin niya. Dahan dahan niya munang inihiga sa sahig ang bangkay ng matanda at saka pumanaog para komprontahin ang nagpanggap niyang ina.

Pagdating niya sa dulo ng hagdanan ay nakita niya itong umiiyak. Bagsak ang mga balikat nito at nakasalampak sa sahig.

“Sylvia!” galit niyang tawag. Punong puno ng hinanakit ang damdamin niya para sa pinaghihinalaan niyang pumaslang kay Lola Remedios.

“F-Ferel,” sambit nito na agad na tumayo para harapin siya.

“Ikaw ang pumatay kay Lola Remedios!” duro niya rito.

Sunod sunod itong umiling. “Hindi, hindi ako. Nagkakamal—“

“Nagkakamali?!” singhal niya. “Sino ba ang may gustong huwag akong umalis dito? Hindi ba ikaw? At ginawa mo iyon para hindi ako makaalis dito dahil alam mong si Lola Remedios na lang ang makakatulong sa ‘kin!”

Lumunok ito. “Hindi ko magagawang p-patayin si Nanay R-Remedios, ” nanginginig ang boses nito. “O-Oo nga’t ayokong paalisin kita rito p-pero hindi ko maiisip ang ganoong k-klaseng b-bagay,” hikbi nito.

Pinagmasdan niya ang mga nito. Puno iyon ng pagdadalamhati. Pero hindi siya basta-basta mapapaniwala nito. Minsan na itong nagsinungaling sa kanya at maaaring gawin ulit nito ang bagay na iyon.

“Sinungaling ka!” bulyaw niya. “Hindi ako naniniwala sa ‘yo!” Nakuyom niya ang mga palad.

“Nagkakamali ka, Ferel,” akmang hahawakan siya nito sa kamay pero inilayo niya ang kanyang mga braso. “Magpapaliwanag ako,” pagsusumamo nito.

“Hindi,” matigas niyang sabi, “kasinungalingan na naman ‘yan.”

“Hindi ako pumasok kagabi sa silid ni Na—“

“Ayoko sabing pakinggan ang paliwanag mo!” putol niya.

“Ferel…” nakikiusap ang tinig nito pagitan ng pagluha.

Iniiwas niya ang mukha sa mga titig si Sylvia. Sa itsura nito ngayon larawan ito ng taong naghihinagpis. Pero hindi niya talaga makuhang hindi maghinala sa babaeng kaharap niya. Ito ang itinuturo ng kanyang utak base sa mga kilos nito sa mga nagdaang araw.

“Anong nangyayari rito?”

Sabay na nagbaling ng tingin ang dalawang sa babae sa pinagmulan ng boses na iyon. Si Lucas. Nakabalot pa rin ang mukha nito ng puting tela. Teka, nasaan pala ito kahapon? Pagkatapos  ng agahan ay bigla na lang itong nagpaalam tapos ay hindi na niya ito nakita buong araw.

Humarap siya sa bagong dating. “Lucas, patay na si Lola Remedios,” pahayag niya.

“Totoo ba ito?” gulat na tanong ni Lucas saka bumaling sa dating kabiyak, “Anong ginawa mo, Sylvia?

Umiling si Sylvia. “Pati ba naman ikaw, Lucas?”

Lumapit rito si Lucas at mahigpit na hinawakan ito sa magkabilang balikat. “Bakit, hindi ba?”

Nagpumiglas ito. “Ano ba, nasasaktan ako!”

Mas lalong humigpit ang hawak ng lalaki. “Sylvia, paano mo ito nagawa?”

Nanatiling nakamasid lang si Ferel sa dalawa. Pinapakiramdaman niya lang ang bawat kilos ng mga ito.

“Bitiwan mo sabi ko, Lucas. Hayaan niyo muna akong magpaliwanag,” pakiusap nito.

Binitiwan nga ito ni Lucas.

 Napansin ni Ferel na ininda ni Sylvia ang mga braso nito. Kahit ayaw niya sanang pakinggan ang paliwanag nito pero mukhang interesado ni Lucas kaya wala na siyang nagawa.

Humugot ito ng hangin bago nagsalita, “Wala talaga akong alam sa binibintang niyo,” bumaling ito sa kanya.  “Kagabi, pagkatapos kong mabasag ‘yong malaking banga nagkulong ako sa sa kuwarto. Lumabas lang ako nang dumating itong si Lucas.”

“Tapos?” taas kilay niyang tanong.

Kay Lucas naman ito bumaling. “Nag-usap tayo ‘di ba, Lucas? Tapos nakita mo akong pumasok sa silid ko pagkatapos ng pag-uusap na iyon. At isinusumpa ko sa Diyos na hindi na ako lumabas ng kuwarto ng mga oras na iyon,” tuwid nitong paliwanag.

Tumango lang si Lucas.

Kung gayon ay si Lucas ang naiwan. Hindi kaya ito ang pumatay? Bumontong hininga si Ferel. “E, sinong pumatay kay Lola Remedios?” bulalas ni niya

“Hindi kaya ikaw ‘yon, Lucas?” makahulugang wika ni Sylvia na naningkit ang mga mata.

“Ano?!” sigaw ni Lucas. “Sylvia, ‘wag mong ipapasa sa akin ang kasalanan mo!”

“Pero ikaw na lang ang naiwan nang pumasok ako,” may hinala ang bawat katagang binitawan ni Sylvia sa dating asawa.

 Napaatras si Ferel. Kanina ay isa lang naiisip niyang salarin ngayon ay dalawa na. Ang dalawang taong kaharap niya ngayon.  “Teka,” agaw niya, “umamin kayong dalawa, sino sa inyo ang pumatay kay Lola Remedios?!”

Sabay na tumingin sa kanya si Lucas at si Sylvia. Matatalim ang mga titig na pinukol ng mga ito sa kanya. Tagos sa mga mata niya. Bigla siyang kinabahan sa maaaring mangyari dahil sa kapangahasan ng kanyang sinabi. Hindi na siya makakilos sa kinatatayuan niya. Kitang kita niya ang pagkuyom ng mga palad ni Lucas. Nakadama siya ng labis na takot. Siya na kaya susunod kay Lola Remedios? Hindi maaari. Hindi pa siya pwedeng mamatay. Hindi ngayon.

“Patawad…” pikit matang usal niya. Sana lang ay narinig ng mga ito ang sinabi niya.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon