Gabi na naman. Bukas ay pangatlong araw na ni Ferel sa mansiyong iyon. Ayaw man niyang isipin pero hindi na niya nanaisin pang magtagal. Bukas ay aalis na siya, buo na ang pasya niya. Wala nang makakapigil pa sa kanya. Ang tanging tao na lang na inaasahan niyang tutulong sa kanya ay si Lola Remedios.
Hindi niya alam kung anong oras na ng mga sandaling iyon. Hindi na rin niya naisipang bumaba para maghapunan. Ayaw niyang makita is Sylvia at Lucas. Masama ang loob niya sa mga ito. Kung sana sinabi na lang ni Sylvia na hindi siya nito anak e ‘di sana hindi na siya sumama rito at nanatili na lang siya sa San Nicolas.
Binitiwan na niya ang kurtinang hinawi niya sa bintana at umupo sa gilid ng kama. Pahiga na sana siya nang may marinig siyang mahihinang katok mula sa pinto. Narinig niya ang pagtawag ni Lola Remedios ng pangalan mula sa labas. Tumayo siya upang pagbuksan ang matanda. Pagbungad nito ay may dala itong pagkain.
“Naku, Lola Remedios, nag-abala pa po kayo,” sabi niyang kinuha ang plato at baso at dala dala ng matanda.
“Hindi ka kasi bumaba para maghapunan,” anito.
Nahiya tuloy siya sa ginawa niya. “Pasensiya na po kayo may dinaramdam kasi ako.”
“Alam ko, hija,” sabi nitong nagpatiuna sa pag-upo sa gilid ng kama.
Inilagay niya ang pagkain sa bakanteng mesa na nasa kaliwang bahagi ng higaan at saka tumabi sa matanda.
“Ayaw mong makita si Sylvia dahil sa pagisinungaling niya sa’yo,” diretsong wika nito.
Inabot niya ang basong may lamang tubig at saka uminom ng kaunti. “Tama kayo,” sang-ayon niya.
Seryosong tumitig sa kanya ang matanda.
“Bakit po?” usisa niyang ibinalik ang baso sa lamesita.
Hinawakan nito ang magkabilang kamay niya at bahagyang pinisil. “Katulad mo, hija, masama rin ang kutob ko kay Sylvia. Matagal ko na siyang kilala at alam kong nagsisinungaling siya sa akin. Ang nakakapagtaka ay ngayon lang niya ito ginawa.”
Tumango siya. Pareho pala sila ng iniisip. “Paano niyo naman po nasabi iyon?” tanong niya. Gusto pa niyang makarinig ng mga saloobin nito.
“Kanina, nag-usap kami. Ang sabi niya ay nakita ka lang daw niya sa bayan na walang malay habang papunta siya rito kaya ka niya dinala… dito sa mansiyon. At hindi ko alam kung saang bayan ang tinutukoy niya, “ kwento nito na hindi inaalis ang pagkakatitig sa kanya.
“Sinabi niya po iyon?” nagtataka niyang sabi. Nakitalang siya sa bayan noong papunta dito si Sylvia? “Pero sa San Nicolas pa po kami magkasama,” pagtatama niya.
Tumango ito. “Tama, hija, ayon nga sa kwento mo. Pero iba ang sinasabi ni Sylvia. Kaya ang ipinagtataka ko, kung nakita ka nga niya sa daan papunta rito, paano ka niya napaniwala na anak ka niya sa loob lang ilang oras?”
Bumuntong hininga siya. Hindi niya alam ang isasagot. Basta ang alam niya galing sila sa isang isla sa San Nicolas at hindi siya nito napulot lang sa kalye pabalik rito sa mansiyon. Ngayon ay alam na niyang may lihim itong itinatago. Nakakatakot na lihim. Sa isang parte ng pagkatao niya ay natatakot siyang malaman iyon kaya pipilitin niya talagang makaalis sa lalong madaling panahon. Kaduwagan mang matatawag ang pagtakas niya pero hindi niya hahayaang mawala siya sa mundong ito ng ganun ganun na lang.
“At isa pa, hija,” patuloy nito, “hindi ko matukoy kung anong kailangan niya sayo.”
Tinanguan niya ito bilang pagsang-ayon. Siya man ay wala ring kahit anong ideya kung bakit siya narito sa mansyong ito. “Naalala niyo po ba ‘yong hinihingi kong pabor sa inyo?”
“Na tulungan kang makaalis rito?”
“Opo,”
Saglit itong nag-isip bago nagsalita. “Kaya mo bang mamangka hanggang sa kabilang isla sa silangan?”
Napakagat siya ng labi. “Wala po bang bangkang de motor na maaring masakyan papunta doon?”
Umiiling ito. “Walang nangangahas na gumawi sa islang ito dahil sa takot ng mga tao.”
Naalala niya na naman ‘yong bangkerong nagmamadaling umalis pagkahatid sa kanila sa may dalampasigan. “Bakit po sila natatakot?”
“Dahil isinumpa ng langit ang bayang ito,” sagot nito.
May kung anong malamig na hangin ang dumaplis sa balat niya dahilan upang tumayo ang ilang mga balahibo niya sa katawan. “Pagdating ko po sa isla sa may silangan, ano na pong gagawin ko?” pag-babalik niya sa naunang pinag-uusapan nila.
“Ang islang iyon ay parte ng bayan ng San Marcelino, doon ay may masasakyan ka ng bangkang de motor patungong San Andres,” paliwanag nito.
Bumitaw siya sa pagkakahawak ni Lola Remedios ng kanang kamay niya at saka nagkamot ng ulo. “Paano naman po ang patungong San Nicolas?”
“Pagdating mo sa San Andres may bus o dyip kang masasakyan patungong karatig bayan at—“
“Teka po,” putol niya sa sinasabi nito, “mukhang mahihirapan po akong tandaan ang lahat ng iyon.”
“Gaya nga ng sabi ko, napakalayo ng San Nicolas mula rito.”
“Maari po bang igawa niyo na lang ako ng listahan?” suhestiyon niya.
“Tama ang naisip mo, hija, bukas ay ibibigay ko sa’yo,” tango nito, “kasama ng perang pamasahe mo.”
“Maraming salamat po sa tul—“
Hindi niya natapos ang sasabihin nang may marinig silang bagay na nabasag mula sa labas ng kuwarto. Sabay silang napalingon sa may pinto.
“Dito ka lang, Ferel,” utos ng matanda sa kanya at saka tumayo para tingnan ang nangyari sa labas.
Tumayo din siya. “Sasamahan ko po kayo.”
Tumango na lang ito sa kanya at magkasunod silang lumabas sa silid. Bumungad sa kanila si Sylvia na nakaupo at pinupulot ang mga piraso ng nabasag na banga sa sahig. Nasagi siguro nito ang malaking banga na nakalagay dalawang metro ang layo mula sa pintuan ng silid na kinaroroonan nila ni Lola Remedios. Nang maramdaman nitong may apat na matang nakamasid ay tumingin ito sa kinaroroonan nila at pinag-ukulan sila ng matalim na titig.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...