Nadatnan ni Ferel na ipinaghahain siya ng ina ng sinangag at pritong tuyo sa plato. May nakatimpla na ding dalawang tasang kape sa mesa.
Tumingin ito sa kanya, "Halika na rito at lalamig na itong sinangag at kape."
Pagkaupo niya ay agad niyang hinawakan ang tasa na naglalaman ng mainit na kape at inamoy iyon. Ang bango! "Bigla po akong nagutom," saad niya at sinimulang humigop ng kape.
Tipid itong ngumiti sa kanya saka inabot nito ang sinangag na may kasamang tuyo.
"Salamat po," sumubo siya ng kanin gamit ang kamay.
"Sige kain ka lang," sabi nito na nagsimula na ding kumain.
"Ah, 'di po ba may sasabihin kayo sa akin?" pagpapaalala niya rito
"Oo, aalis ako pagkatapos nating kumain," sabi nito na tumingin sa kanya.
Hindi siya sumagot. Halata naman kasi na aalis ito. Mali ang akala niya. Umaasa pa naman siyang tungkol sa napagusapan nila kagabi ang sasabihin nito. Samantala, ano namang importante sa balak nitong pag-alis? 'Yan ang gusto niyang malaman. Tumingin din siya rito at tumango, senyales na naghihintay pa siya ng susunod nitong sasabihin.
"Tatlong araw akong mawawala," pagpapatuloy nito.
"Po?" gulat niyang tanong, "Bakit naman po ganoon katagal?" Paano na lang 'yong mga dapat niyang itanong tungkol sa pagkatao niya? Sobrang tagal ng tatlong araw bago pa ito bumalik. At hindi na siya makapaghintay sa malalaman sana niya. Baka sakaling may maalala siya mula roon.
"May trabaho ako sa ibang bayan. Sa San Antonio iyon at malayo mula rito. Aabutin ng kalahating araw ang pagpunta doon. Kailangan kong manatili doon ng isang araw o mas higit pa kaya aabutin ng ilang araw bago ako makabalik dito. Lunes ngayon at sa Huwebes ay baka andito na ako." pagpapaliwanag nito.
"Ano po bang trabaho niyo doon?" naitanong na lang niya.
Saglit itong nagisip bago nagasalita. "Kailangan ko ng trabahong iyon para sa pagkain natin."
Ang layo na naman ng sagot nito sa tanong niya. Bakit parang may inililihim sa kanya ang ina. May mali e. May mali sa pakikitungo nito sa kanya.
"Magiging maayos ka naman dito e," dagdag nito, "May mga pagkain na nakaimbak diyan. Kasya na 'yan sa'yo hanggang Huwebes."
Tumango-tango lang siya at bumuntong hininga. Hindi niya alam kung sasang-ayon ba siya o hindi sa ideyang mag-iisa siya sa kubong iyon sa loob ng ilang araw. May naramdaman siyang pag-aalala at takot sa mga posibleng mangyari.
"Bakit hindi na lang po tayo lumipat sa San Antonio para hindi na po kayo nahihirapan magbiyahe?" tanong niyang baka sakaling ayunan siya ng ina.
"Hindi pwede," matigas na sabi nito. Gaya noong nakaraang gabi ay nagbago na naman ang timbre ng boses nito. Kababakasan ito ng galit. "Hindi para sa'yo o para sa akin ang lugar na iyon."
Kumunot ang noo niya, "Pero bakit po?" tanong niya na may pag-aalangan.
"Hindi pa oras para malaman mo," tumayo ito at pumunta sa may lababo.
"Nay naman, wala po akong maalala kahit na ano. Pati ba naman po 'yong mga simpleng impormasyon na dapat alam ng isang anak sa mga magulang ay ipinagkakait niyo pa?" mahinahon niyang sabi.
Halatang nagulat ang nanay niya sa kanyang sinabi. Lumingon ito sa kanya at tinitigan siya na para bang nagtatanung ang mga mata nito.
"Wala kang karapatang sabihin 'yan dahil wala kang nalalaman.." mahinahon ngunit may diin nitong sabi.
"E talaga naman pong wala akong alam dahil nawalan po ako ng alaala at--"
"Basta wala kang karapatan!" sigaw nito na pinutol ang sinabi niya.
Nagulat siya. Nagbaba siya ng tingin at natahimik na lang. Nasaan na ang Sylvia na nakilala niya pagkamulat ng mga mata sa ospital. Ang akala niya ay hindi ito marunong magalit. Pero heto't galit ito sa simpleng pagtatanong lang niya. Paano pa kaya kung magtatanong pa siya tungkol sa buhay niya? Sasagot kaya ito? Paano na ang mga alaala niya?
"Aalis na ako," mahinahong sabi nito pagkaraan ng ilang minutong katahimikan.
Tumango lang siya saka pilit na ngumiti. Nagulat siya nang biglang humalik ito sa noo niya saka lumabas ng kubo. Sinundan niya ito ng tingin hanggang makalabas.
Lumapit siya sa may bintana at tinanaw ang pag-alis nito. Nakita niyang may bangkerong naghihintay sa may dalampasigan. Sumakay ang nanay niya sa bangkang de motor kasama ng bangkero. Ilang saglit pa ay umandar na ang bangka at pumalaot.
Bumuntong hinininga na naman siya. Parang iyon na lang ang tangi niyang magagawa sa ngayon. Hindi niya inalis ang tingin sa dagat hanggang mawala sa paningin niya ang bangka.
Kaya ba niyang mag-isa? Tumingin siya sa paligid. Mukhang sila lang yata ang nakatira sa buong isla. Hindi maaari. Hindi pa naman niya kabisado ang buong lugar. Natatakot siya.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...