Hindi namalayan ni Ferel kung gaano na siya katagal na nakatingin lang sa kawalan ng mga oras na iyon. Siya na lang mag-isa. Walang kausap. Nagpasya siyang umupo na lang muna sa bangko sa may hapag-kainan. Malamig na ang kapeng kanina lang ay sabik na sabik niyang inumin. Hindi din niya pala naubos ang agahan niya. Tinakpan niya iyon ng plato at saka pilit na ininum ang natitira pang kape sa tasa. Pgkatapos noon ay hinugasan niya ang mga kubyertos at saka nagsipilyo.
Mataas na ang sinag ng araw. Ano kayang pwedeng magawa? Tanong niya sa sarili. Napgpasyahan niyang linisin ang munting kubo. At mabilis lang niyang natapos iyon.
Tanghali na. Pero hindi pa siya nakakaramdam ng gutom. Dumungaw siya sa bintana. Masarap ang simoy ng hangin sa tabi ng dagat kaya napilitan siyang lumabas at maglakad-lakad muna. Hindi masyadong mainit ang panahon kahit pa kasikatan ng araw. Anong buwan na kaya ngayon? Nakakatawa. Kahit ang eksaktong petsa ay hindi niya rin alam. Siya na yata ang taong may pinakasalat sa memorya sa buong mundo!
Nilalaro ng kanyang mga paa ang pagdampi ng tubig alat sa dalampasigan. Malamig iyon. Nakakagaan ng pakiramdam. Wala siyang ibang naririnig sa buong paligid kundi ang paghampas lang ng alon at mumunting paghuni ng mga ibon. Sila nga lang yata ang nakatira sa buong isla. Malayo-layo na rin ang kanyang nalalakad ng may makita siyang kubo sa di kalayuan! Nabuhayan siya ng pag-asa!
Takbo-lakad ang ginawa niya makarating lang siya roon. Sabik siyang baka kakilala nilang mag-ina ang mga nakatira doon. At maaring kilala din siya. Pero bago pa niya marating ang pupuntahan ay may biglang humawak sa braso niya.
"Ano ba?" paasik niyang tanong sa kung sino mang ekstrangherong iyon. Tiningnan niya ito sa mukha pero hindi niya ito maaninag dahil sa sikat ng araw na tumatama sa mukha nito.
"Sino ka?" tanong nito.
Hindi agad siya makapagsalita. Lalaki pala itong kaharap niya. Naramdaman niyang samasakit na ang braso niya sa pagkakahawak nito. Ubod lakas niya iyong binawi saka siya nagsalita. "Ferel, ako si Ferel at doon ako nakatira sa kubo 'di kalayuan."
"Ferel? Hindi kita kilala. Maari ka nang umalis," sabi nito na nagsimula nang humakbang.
"Teka, teka, sandali lang!" habol niya. Napansin niyang sunog sa araw ang balat nito. Ngunit hindi niya maipagkakailang matipuno ang pangangatawan nito. Marahil ay bunga iyon ng mabibigat na mga gawain.
Hindi ito umimik at patuloy lang sa paglalakad.
"May itatanong lang naman ako e." hinawakan niya ito sa braso pero agad naman niyang binitawan iyon.
Tumigil ito sa paglalakad. Saka humarap sa kanya. "At ano naman 'yon?"
Ang suplado naman ng dating nitong lalaking 'to! Huminga siya ng malalim bago nagsalita. "Talaga bang hindi mo ako kilala?"
Tumawa ito ng mapakla. "Bingi ka ba? 'Di ba ang sabi ko hindi kita kilala."
"Ah...eh.. Ganito kasi 'yon..." nag-isip siya ng sasabihin. Paano ba niya ipapaliwanag ang sitwasyon niya?
Tumango-tango ito at parang nag-iisip. "Alam ko na," biglang sabi nito.
Ngumiti siya. "Kilala mo ako? Natatandaan mo ako?" nagbabakasakali siyang kilala talaga siya nito. O, sana nga, Diyos ko!
"Isa ka siguro sa mga babaeng naghahabol sa 'kin sa bayan, ano?"
"Ha? Anong sinabi mo?" hindi niya alam kung magagalit ba siya sa kaharap o ano. Naguguluhan siya. Ganoong klaseng babae ba siya? Naghahabol ng lalaki?
"Ang sabi ko kung isa ka doon sa mga babaeng naghahabol sa 'kin sa bayan?" ulit nito.
Umiling siya. Hindi niya alam ang sasabihin.
"Ah hindi ba. Pasensya na," wika nito saka nagpatuloy sa paglalakad.
Naiwan siyang wala pa ring reaksiyon. Napagkamalan lang ba siya o totoong iyon ang gawain niya. Ang manghabol ng mga lalaki. Mayamaya pa ay nakabawi siya sa pansamantalang pagkagulat. Tumakbo siya para sundan ang lalaki. "Sandali lang!" tawag niya.
Tumigil ito sa paglalakad at lumingon sa kanya. "Bakit na naman?" naiiritang tanong nito.
"Anak ako ni Sylvia baka sakaling kilala--"
"Anong sabi mo? Sylvia?" putol nito.
Ngumiti siya. Mukhang kilala nito ang nanay niya. "Oo, anak niya ako." Lumakad siya sa harapan nito. Saka tiningnan ito sa mukha. "Kilala mo ang nanay ko 'di ba?"
Hindi ito sumagot. Seryoso ang mukha nito na parang may malalim na iniisip.
"Oy, ano na? Hindi ka na sumagot diyan." untag niya sa lalaki.
Tumitig ito sa mukha niya na parang pinag-aaralan ang bawat detalye nito. Nailang naman siya.
"Umuwi ka na," pagkaraan ay sabi nito.
"Ano?" naguguluhan niyang tanong. "Bakit ako uuwi e may--"
"Basta umuwi ka na at 'wag ka nang babalik dito." putol nito.
Napa-urong siya. Lahat ba ng nakatira dito ay katulad ng nanay niya? Mahirap kausapin. Nakakapagtaka.
Naglakad na naman ito papalayo. Napansin niyang malapit na pala sila sa kubong kanina lang ay gusto niyang puntahan. Doon pala ito nakatira.
Sumunod pa din siya dito kahit na ipinagtatabuyan na siya nitong umuwi. Hindi siya papayag na hanggang doon nalang ang pag-uusap nila. Pipigain niya ito sa mga tanong niya hangga't may mapipiga siya.
Pumasok na ito sa kubo saka kumuha ng tubig at uminom. Parang hindi nito pansin ang presensiya niya. Pumasok ito sa isang silid. Naghintay siya ng ilang segundo bago ito lumabas. Nagbihis pala ito.
"Hindi ka ba nakakaintindi? Bakit nandito ka pa?" tanong nito saka umupo sa isang bangkong naroon.
"Hindi mo man lang ba ako aaluking umupo?" wala siyang balak sukuan ang lalaking ito. Alam niyang may nalalaman ito. Nararamdaman niya iyon.
"Hindi kita bisita rito."
"Parang awa mo na kung sino ka man--" natigilan siya. Hindi pa pala niya alam ang pangalan nito. "Baka naman ay pwede mong sabihin sa akin ang pangalan mo?" pag-iiba niya ng sasabihin.
"Wala akong balak sabihin ang pangalan ko kaya umalis ka na," kaswal na sabi nito.
"Wala akong maalala. O sabihin na nating nawalan ako ng alaala at nagbabaka-sakali lang sana akong magtanong sa'yo kung may nalalaman kang kaunting bagay tungkol sa akin," pagpapayahag niya. Andoon na din naman siya kaya sasabihin na niya rito ang tunay niyang pakay.
Pero imbis na sagutin siya ay bigla itong tumayo at lumapit sa kanya. Mariin siyang hinawakan nito sa braso at saka kinaladkad palabas ng kubo.
"Aray! Ano ba? Bitiwan mo ako! Nasasaktan ako!" sigaw niya na pilit na kumakalas sa pagkakahawak nito.
Hindi ito umimik at patuloy lang sa ginagawa nito. Pagdating nila sa malapit sa dalampasigan ay saka lamang siyang nito binitiwan.
"Aray.." hinawakan niya ang nananakit na braso.
"Ayan, umuwi ka na. At wag ka nang babalik. Hindi lang 'yan ang aabutin mo kapag nagpumilit ka pa sa gusto mo," galit na sabi nito.
Kitang kita niya ang galit nito sa mga mata. Hindi nga ito nagbibiro. Umurong siya at saka tumalikod.
"Pasensiya na.." mahina niyang tugon Parang gusto niyang maiyak. Wala na. Nawala na naman ang pag-asa niya. Nanghihina siya pero kailangan na niyang lumayo sa lugar na iyon.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...