Kabanata 18

1K 19 5
                                    

Dinala ni Ferel ang kanyang dalawang kamay sa tapat ng kanyang bibig para pigilan ang impit niyang paghinga. May nadama din siyang likido sa kanyang pisngi. Hindi niya mawari, pero umiiyak siya. Hindi dahil sa galak kundi dahil sa nadarama niyang habag sa itsura ng nasa harapan niya.

Punong puno ng bulutong ang mukha ni Lucas. Malalaki iyon na halos lamunin na ang buong mukha nito. Nagsusugat din ang mga iyon. Ang nakakapagtaka hindi pandidiri o pagkatakot ang nadama ni Ferel dito kundi purong awa.

“Diyos ko,” naiusal niya sa hangin sabay pahid ng luha sa pisngi.

Nakita ni Lola Remedios ang naging reaksiyon niya. At normal lang iyon dahil sa isang normal na tao si Lucas ay hindi maituturing na normal dahil sa itsura nito. Bumaling ito sa kanya at nagsalita, “Lucas, itong magandang binibini na iyong nakikita ay anak ni Sylvia.”

Tumango-tango si Lucas at humakbang papalapit sa kanya. “Ikaw siguro ang anak kong si Lourdes,” anitong halos isang metro na lang ang layo mula sa kinatatayuan niya. Mukhang hindi nito alintana ang naging reaksiyon niya kanina nang makita niya nang tuluyan ang mukha nito.

Umiling siya. Anak nito si Lourdes at ang ibig sabihin ay ama niya ito. “Ako po si Ferel,” pagtatama niya rito.

“Hindi ko alam na pinalitan na pala ni Sylvia ang pangalan mo.”

Napalunok siya. Hindi niya alam ang sasabihin. Anong ibig nitong sabihin?

“Hindi, Lucas,” si Lola Remedios ang sumagot, “ang nakikita mo ngayon ay si Ferel na anak ni Sylvia. Si Lourdes ay nasa itaas na at nagpapahinga kasama ang asawa mo.”

Napansin ni Ferel ang pag-iiba ang ekspresiyon ng mga mata nito. “Nakakapagtaka naman yata, Nanay Remedios, ang alam ko ay isang babae lang ang anak namin ni Sylvia. Paano pa siya nagkaroon ng isa pang anak?”

Anong ibig sabihin ng Lucas na ito sa isang babae lang anak nila? Ibig iyon itanong sa Ferel pero walang lumabas na salita mula sa bibig niya. Nagpalipat-lipat siya ng tingin sa dalawang kahaharap niya. Pero sa pagkaka-analisa niya sa mukha ni Lola Remedios mukhang hindi din nito alam ang isasagot.

“Ang mas mabuti pa ay si Sylvia na ang tanungin mo,” wika ni Lola Remedios kay Lucas.

“Mas mabuti pa nga,” sang-ayon nito. “Saang kwarto sila nagpapahinga?”

“Sa kwarto ninyong mag-asawa.”

Agad na pumanaog si Lucas sa taas nang hindi man lang nagpasintabi o nag-ukol lang sana ng tingin sa kanya. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makapasok sa kwarto nito. Binalingan niya ang matandang kaharap niya. Punong punong ng katanungan ang kanyang mga mata.

“Lola Remedios, may hindi po ba ako alam tungkol sa pamilyang ito?” tanong niya. Oo naman, wala talaga siyang alam. Ang ibig niyang ibig sabihin sa tanong niyang iyon ay sabihin na sana ng matanda ang nangyayari sa pagitan nila ng ama niyang si Lucas. At kung bakit mukhang wala itong amor sa kanya.

“Wala bang nababanggit sa’yo si Sylvia,” sabi nito na naglakad patungo sa salas.

Sinundan niya ito. “Wala po,” sagot niya at idinagdag din niya ang tunay niyang kalagayan, na wala siyang maalala.

Naupo sila sa mahabang upuan. May isang talampakan ang pagitan nila sa isa’t isa. “Wala kang maalala kamo?” paniniguro nito.

“Opo.”

Tumango ito. “Sa totoo lang ay ngayon lang kita nakita, hija.”

Naningkit ang mga mata niya Tumingin siya sa mukha nito. “Ano pong ibig niyong sabihin?”

“Bago pa man kasi masunog ang mansyong ito ng mga Crisostomo, ay dito na nakatira si Sylvia at si Lucas kasama ang tatlo nilang mga anak. Dalawang lalaki at isang babae, at ang babaeng iyon ay si Lourdes,” salaysay nito na inilayo ang tingin sa kanya.

“Hindi po ako nakatira dito?”tanong niya.

“Oo, hindi ako maaring magkamali dahil matagal na panahon akong nanilbihan sa mansyong ito. Dito na ako nagkaisip at tumanda.”

Katulong pala si Lola Remedios sa bahay na ito. Nagkamali siya ng akala kanina na ina ito ng kanyang Nanay. “Ang ibig niyo po bang sabihin, hindi ako anak ni Nanay?” Ayaw niya na sanang itanong iyon pero kailangan na niyang maliwanagan sa mga pangyayari.

“Naku, hindi ko naman sinasabi na hindi ka anak ni Sylvia. Ang sinasabi ko lang ay hindi kita nakita noon dito,” pang-aalo nito sa kanya. “Huwag mong ispin ang bagay na iyon, malay mo anak ka niya s-sa…”

“Anak sa ibang lalaki,” pagtatapos niya. Iyon lang din ang nakikita niyang posibleng dahilan. Kaya pala parang may apoy na sumiklab sa mga mata ni Lucas kanina at nagpakita agad ito ng pagka-disgusto sa kanya ng malamang anak siya ng asawa nito.

Huminga ito ng malalim. “Patawarin mo ako, hija. Ako pa ang nagbibigay sa’yo ng mga alalahanin tungkol sa pagkatao mo. Dapat ay si Sylvia ang nagsasabi sa’yo ng katotohan at hindi puro akala ko lang ang pinapakinggan mo ngayon.”

Napangiti siya ng mapakla sa tinuran ng matanda. “Mabuti nga po kayo may sinasabi sa ‘kin kahit paano.” Nag-ipon siya hangin sa dibdib saka nagsalita ulit, “Si Nanay kahit anong palatandaan ng nakaraan ko wala siyang sinasabi.”

“Baka naman nag-iipon lang siya ng lakas ng loob,” pagdedepensa nito.

Hindi siya sumagot. Hindi niya kasi alam kung iyon nga totoong dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nababanggit ng Nanay niya ang katotohanan tungkol sa pagkatao niya. Tiningnan niya ang maamong mukha ng matanda na naiilawan lang ng malamlam na liwanag mula sa aranya. Naghihintay ito ng sasabihin niya.

“Nangako sa ‘kin si Nanay na sasabihin ang lahat kapag narito na kami,” simula niya, “pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang sinasabi. Dapat sana kanina ay kinausap na niya ako a—“

Hindi niya natapos ang sinasabi. Biglang may kumalabog galing sa itaas. Sabay silang napalingon ni Lola Remedios sa pinaggalingan ng tunog. Mayamaya pa ay padaskol na bumamaba ng hagdanan si Lucas. Galit ito.

Napatayo sa kinauupan ang matanda at agad na dinulugan ang galit na si Lucas. “Anong problema?” masuyong tanong nito.

“Itanong niyo sa magaling sa Sylvia na ‘yan!” sigaw nito saka dali daling lumabas.

Napatayo na rin si Ferel sa kinauupuan niya. Ano na naman ang nangyayari? Nilapitan niya ang matanda na nag-aalalang nakatanaw sa bukas na pintuan.

“Nasaan na po si Lucas?”

Sabay nilang nilingon ang Nanay niyang si Sylvia na nagsalita. Pababa ito ng hagdanan at may pag-aalala sa mukha nito.

“Sylvia, ano bang pinag-awayan niyo ni Lucas?” Si Lola Remedios ang nagtanong.

Nasapo nito ang ulo. “Sa taas na po tayo mag-usap,” sabi nito at nagpatiuna na sa pag-akyat.

“Ayos ka lang ba dito, hija?” baling sa kanya ng matanda.

Tumango siya. “Tutulungan ko na lang po kayong maka-akyat.”

Nang maka-akyat na sila sa ikalawang palapag ay inihatid niya ito hanggang sa may pintuan ng kwarto ng Nanay niya saka nagpaalam na siya para magpahinga. Pero ang totoo, hindi niya siguradong makakapagpahinga nga siya ng maayos ngayong gabi.

xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo

Hmm. May idea na ba kayo sa tunay sa pagkatao ni Ferel?

Ok lang ba na super slow ang takbo ng revelation? Hehe. Wait niyo Chapter 19.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon