Kabanata 35

1K 19 13
                                    

Hindi na nagawa pang lingunin ni Ferel ang silid na kanyang pinanggalingan sa takot na baka masundan siya ni Sylvia. Malapit na siya sa hagdanan. Napatigil siya sa taas at pinagmasdan ang papuntang baba. Hindi niya makita ang mga baitang. Pero hindi mapipigil ng kawalan ng liwanag ang kagustuhan niyang makaalis.

Sa takot niyang mahulog ay dahan-dahan siyang bumaba habang kinakapa ng kanyang mga paa ang bawat baitang ng hagdanan. Pinagpapawisan siya ng malamig pero desidido siyang makababa. Hindi maaaring maunahan siya ng takot dahil mas nakakatakot ang mangyayari sa kanya kapag manatili pa siya sa mansyong iyon.

Sa wakas ang narating na din niya dulo ng hagdan. Dinig na dinig pa rin niya ang paghuhumiyaw ni  Lourdes sa itaas. Kagyat niya iyong nilingon pagkatapos ay mabilis niyang tinungo ang malaking pintuan na ‘di kalayuan sa kinatatayuan niya.

“Saan ka pupunta?”

Isang hablot ng kamay ang pumigil kay Ferel mula sa kanyang likuran. Isang hakbang na lang nasa labas na siya ng mansyon. “L-Lucas?” gulat niyang bulalas nang malingunan ang kung sino ang humablot sa mga braso niya.

“Oo, ako nga,” ngisi nito na ibinaba ang dalang timba na may lamang tubig.

“Bitiwan mo ako!” Pilit siyang nagpumiglas mula sa pagkakahawak nito.

“At sa tingin mo gagawin ko ‘yon? Hindi ka pwedeng umalis,” madiin nitong sabi.

Kinaladkad siya nito papasok ulit sa mansyon. Buong lakas siyang nanlalaban pero parang hindi man lang ito natitinag. Sinubukan niya ring kagatin ang braso nito pero parang hindi man lang ito nasaktan sa ginawa niya.

Kahit sa pag-akyat ng hagdanan ay ganoon pa rin ang ginawa ni Lucas sa kanya. Kahit pa sumubsob na siya sa mga baitang ay wala itong pakialam madala lang siya nito sa ikalawang palapag. Sa kuwarto ni Sylvia.

“Nasaan na ang tubig?!” bulyaw ni Sylvia pagkapasok nila.

Malakas na nagmura si Lucas.

“Ano nasaan na?!” ulit ni Sylvia habang ‘di mapakali kung anong gagawin sa anak.

Si Lourdes ay patuloy pa ring nagsisigaw sa hapding nararamdaman. Malapit na ito sa may bintana. Kasabay ng lalong pagliliyab ng katawan nito ang pagsasayaw ng mga kurtina na waring nakikipaglaro sa hangin.

“Hindi mo ba nakitang tatakas ang babaeng ito?!” Mas lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya.

 Mas lalo namang napalapit sa bintana si Lourdes dahil sa sobra nitong pagwawala at ilang sandali pa ay bigla itong nabuwal at nahulog sa bintana kasabay ng isang malakas na sigaw!

Si Ferel ay labis na nagulantang sa nakita niya. Naramdaman niyang lumuwang ang pagkakahawak ni Lucas sa braso niya at katulad niya ay nagulat din ito at napatda sa kinatatayuan.

“Kunin mo siya, Lucas! Kunin mo si Lourdes!” hagulgol ni Sylvia nang makita ang ginawang pagkahulog sa anak.

Pero hindi natinag si Lucas at mistulang walang narinig.

“Lucas!” ubod lakas na sigaw ni Sylvia.

“E, paano ‘to?” tanong ni Lucas sa gitna ng pagkalito. Kung iiwanan ba nito si Ferel at makatakas ulit o kunin si Lourdes katulad ng iniuutos sa kanya ni Sylvia.

“Wala akong pakialam sa babaeng ‘yan. Mas importante sa akin ang anak ko!”

Naramdaman ni Ferel ni bigla siyang binitiwan ni Lucas at agad na lumabas sa silid.

“Ikaw ang may kasalanan nito!” baling sa kanya ni Sylvia nang makaalis na si Lucas.

Umiiling si Ferel. “H-hindi ako,” pagdidiin niya, “ikaw ang may kasalanan ng lahat!” Hindi niya alam kung saan niya nahugot ang tapang para makapagsalita ng ganoon sa dating kinikilalang ina. Siguro dahil wala si Lucas na siyang kinakatakutan niya talaga. Ang nasa harap niya ngayon ay isang nag-hihinagpis na ina na nakasalampak sa sahig. At hindi galit ang nangingibabaw sa mga mata nito, kundi kalungkutan. Isang napakalalim na kalungkutan.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon