Hindi na mabilang ni Ferel kung ilang beses na siyang nagulat sa sunod-sunod niyang nalaman. Kagabi ay nabunyag sa kanya ang tungkol sa pamilyang kinabibilangan ng babaeng inakala niyang tunay niyang ina at ngayon naman ay nalantad na rin sa wakas ang kalahati ng kanyang pagkatao at ang katotohanang wala siyang kahit anumang relasyon kay Sylvia at Lucas. Wala ni isa man sa mga taong kasama niya ngayon ang kamag-anak niya o masasabing lubusang nakakakilala sa kanya. Sa mga sandaling iyon, ay wala na talagang ibang paraan kundi umalis na siya. Pero saan naman siya pupunta? Kung malapit lang sana si Mamerto, ang nag-iisang tao na masasabing tunay niyang kaibigan.
Pangalawang araw pa lang niya sa lumang mansyong iyon pero parang napakatagal na niyang naroon. Nakakasakal din ang hangin na bumabalot sa buong paligid nito. Hangin iyon na puno ng misteryo. Sa mga sandaling iyon, pagkatapos sabihin ni Lucas na hindi siya anak ng sino man sa kanila ni Sylvia, nawalan na siya ng ganang kumain. Gayon din si Lola Remedios na tahimik lang na nakamasid sa buong pangyayari.
Mayamaya pa ay tumayo na rin si Lucas at nagpaalam na magpapahangin sa labas. Sabagay, nadama din siguro nito ang mainit na tensiyon sa pagitan nilang lahat sa kabila ng malamig na hangin na umiikot sa loob ng komedor. Pagkaalis nito ay naiwan sila ng matanda na kapwa walang imik. Si Lourdes na nasa tapat niya ay nakatitig lang sa kawalan, larawan ito ng isang taong walang nakikita, walang naririnig at walang nararamdaman. Sa madaling salita, para itong naglalakad na patay.
Sa wakas ay hindi rin siya nakatiis na pakinggan ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nila. Umayos siya ng upo at hinarap ang matanda na nasa tabi niya.
“Lola Remedios,” tawag niya. Halos pabulong lang iyon. Hindi niya kasi alam kung paano ilalatag ang naiisip niyang plano sa utak niya.
“Ano iyon, hija?” tugon nito na malungkot ang himig ng boses.
“Maaari niyo po ba akong tulungan?”
“Sa abot ng aking makakaya. Anong klaseng tulong ba ang kailangan mo, hija?” malugod nitong saad.
Binigyan niya ng tipid na ngiti ang matanda. Natuwa siyang handa itong tumulong. “Gusto ko pong pumunta ng San Nicolas,” sabi niyang si Mamerto ang nasa isip.
“P-pero, hija, napakalayo ng San Nicolas mula rito.”
Huminga siya ng malalim at nagbaba ng tingin. “Alam ko po.”
“Bakit mo naman gustong pumunta doon?” usisa nito.
“Naroon po kasi ang kaibigan ko,” pag-amin niya, “at siya lang ang makakatulong sa ‘kin sa ngayon.”
Hinuli nito ang mga mata niya. “Makakatulong saan?”
“Sa paghahanap po ng alaala ko.”
Natutop nito ang bibig. “Anong ibig mong sabihin, hija?”
Nag-angat siya ng tingin. “Hindi ko pa po ba nabanggit sa inyo na wala ko akong maalala sa nakaraan ko?”
“Hindi pa,” sabi nito na sinulyapan saglit si Lourdes. Inilapit nito ang bibig sa tenga niya at saka bumulong, “Kaya pala napaniwala ka ni Sylvia anak ka niya.”
“Ano pong ibig niyong sabihin?” nagtataka niyang tanong.
“Madaling linlangin ang taong nawalan ng alaala,” sabi nitong inilayo na ang mukha sa pagkakalapit sa tenga niya.
Tumango siya. May katwiran nga si Lola Remedios. “Maaari niyo po ba akong tulungan kahit makaalis lang dito sa mansiyon?”
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat, “Ipapaalam ba natin ang paglisan mo kay Sylvia?”
“Naku, huwag po. Hindi niyo po ba napansin na parang ayaw niya akong umalis dito?” mabilis niyang tutol.
Inalis nito ang pagkakahawak sa mga balikat niya. “Isa pa iyon sa ipinagtataka ko, bakit ayaw ka niyang paalisin dito?”
“Hindi ko po alam, Lola Remedios,” iling niya. “Pero buo na po ang pasya ko na aalis,” dugtong niya.
“Kailan?”
“Bukas na bukas din po.”
Ikinagulat nito ang naging pahayag niya. “Bakit naman bukas na agad, hija?”
“Hindi na po ako makakapaghintay pa ng matagal.”
“Bakit?”
“Kasi po, mukhang hindi maganda ang susunod na mga mangyayari habang nagtatagal ako dito,” sabi niyang binigyang daan ang hinala niya.
“Paano mo naman nasabi iyan, hija?” kunot noong tanong nito na titig na titig sa mukha niya.
“Sa tingin ko may hindi magandang dahilan kung bakit po ako nandito,” pagbibigay niya ng buong konklusiyon.
“Diyos ko!” bulalas nito. “Paano mo nasasabi ang mga bagay na iyan?”
“Nararamdaman ko po, Lola Remedios,” pagtatapos niya sa usapang iyon. Humigop siya ng sariwang hangin at nagpakawala ng masamang hangin na naipon sa dibdib niya.
Natapos ang usapan nila ng matanda sa pamamagitan ng pagtayo niya sa kinauupuan at magalang na nagpaalam rito. Umakyat siya sa ikalawang palapag ng bahay at tuwid na tinungo ang silid na nakalaan para sa kanya.
Sa ngayon, si Lola Remedios na lang ang maaari niyang pagkatiwalaan kaya wala siyang alinlangang sabihin dito ang lahat ng saloobin niya. Totoo ring may masamang kutob niya tungkol sa pagparito nila ng huwad niyang ina. May dahilan ito kung bakit dinala siya nito sa isinumpang bayan ng San Antonio. Gustuhin man niyang alamin iyon ay hindi na maaari. Dahil habang mas maaga ay lilisanin na niya ang lugar na ito bago pa man may mangyaring masama sa kanya.
Hinagilap niya ang bag sa ilalim ng kama. At mula sa loob nito ay kinuha niya ang kabibeng bigay sa kanya ni Mamerto. Gumihit ang ngiti sa kanyang mga labi nang mahaplos niya ang makinis na ibabaw na bahagi nito.
“Mamerto…” usal niya sa hangin.
xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo
I’ll try to update one more chapter, sana kaya ko pa. Hmm. Haha.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...