Gulong gulo si Mamerto sa nakita niya kanina. Mahirap paniwalaan pero totoong buhay nga si Lourdes. Ang babaeng dahan dahan niya nang kinalimutan pero sadyang mapagbiro ang tadhana, hayun at nakita niya ito ulit. Pero imbis na ligaya ang kanyang madama, napuno ng awa ang kanyang puso para sa dating kasintahan. Parang naging ibang tao ito. Ang dating mapupungay nitong mga mata ngayon ay mistulang wala ng buhay. Ang labi nitong laging may nakahandang ngiti para sa kanya ngayon ay hindi man lang nito maibuka para magsalita.
Nagpasya siyang lisanin ang kubo sa kadahilanang hindi niya kayang pagmasdan pa ng mas matagal ang kalagayan ni Lourdes. Parang dinudurog ang kanyang puso. Damang dama niya ang hirap na nararamdaman nito kahit hindi nito isatinig ang nararamdaman.
May hinala siyang may kinalaman si Aling Sylvia kung bakit nagkaganoon si Lourdes. Hindi naman kasi pwedeng basta basta nalang itong hindi magsalita ng walang dahilan. Baka labis itong nasaktan sa pagkakalayo nila at hindi kinaya ang pangyayari. Hindi siya sigurado.
Sa pagkakatanda niya ay isa itong masayahing babae. At malayong malayo sa katauhan nito ang magkaganoon. Kung sakit man ang dumapo rito dapat ay sabihin nalang iyon ng tuwid ni Aling Sylvia. Pero hindi e, wala itong bukambibig kundi siya ang may kasalanan sa nangyari sa anak nito. At kahit pa paulit ulit niyang isipin hindi niya makuha ang ibig nitong sabihin.
At si Ferel, hindi din niya masabing may alam ito sa mga pangyayari. Gulat na gulat din ito katulad niya. Mukhang hindi nito kilala si Lourdes. Pero paano nangyari ‘yon? Magkapatid silang dalawa dahil pareho nilang ina si Aling Sylvia. Ang gulo.
Ah! Oo nga pala, nawalan ng alaala si Ferel kaya marahil hindi nito maalala ang sariling kapatid.
Marami pang mga katanungan ang naglalaro sa isipan ni Mamerto. At hindi niya alam kung saan hahanapin ang lahat ng mga kasagutan sa mga tanong na iyon.
Nang gabing iyon ay hindi na niya naisipang maghapunan. Hindi na din niya ipinaalam sa mga magulang at kapatid niya ang tunay niyang dinaramdam ng mga sandaling iyon. Ang idinahilan lang niya ay masakit ang ulo niya kaya gusto na niyang magpahinga ng maaga. Mabuti na lang at hindi na nakisali ang kapatid niyang si Dina sa usapan. Mahaba-habang paliwanagan na naman ang gagawin niya kapag nagkataon.
Nakahiga na siya. Siguro ay hatinggabi na ng mga oras na iyon. Hindi pa rin siya inaantok. Pinagiisipan niya kung sa paanong paraan niya babalikan bukas si Lourdes. Malamang ay pipigilan siya ng ina nito. Pero mas malakas siya. Kayang kaya niyang makipagbuno sa isang matanda.
Patawarin sana ako ng Panginoon sa naiisip ko. Sabi niya sa sarili. Wala na siyang ibang naiisip kundi ‘yon na lang. Kukunin niya nang sapilitan si Lourdes. Ipapagamot niya ito sa Maynila dahil umaasa siyang kaya pang lunasan ng agham/siyensiya ang kalagayan nito.
May kailangan din pala siyang liwanagin kay Ferel. Ang tungkol sa kanila ng dating kasintahan. Marahil ay nagtaka din ito kanina kung bakit ganoon ang inaasal niya. Bukas na bukas din ay isasakatuparan niya ang lahat ng naiisip niyang plano kasabay ng pagpapaliwanag niya kay Ferel. Sana lang ay maunawaan nito ang lahat.
Kinabukasan.
Huwebes. Hindi masyadong nakatulog si Mamerto. Isa na yata iyon sa pinakamahabang gabi sa buhay niya. Mabilis siyang bumangon at nagtungo agad sa paliguan upang maligo.
“Ang aga mo naman yatang aalis ngayon, Mamerto,” sita ng Nanay niyang si Aling Minda pagkatapos niyang magbihis. Wala itong pasok sa patahian.
“Importante po ang pupuntahan ko Nay,” sabi niyang humigop ng kape.
“Saan ka naman pupunta, anak?” tanong ng Tatay niya. Nakaupo ito sa tabi ng asawa at kasalukuyang nagaalmusal
“Maaga pa para manligaw, Kuya,” singit naman ni Dina.
“Hindi ito ang oras para magbiro, Dina,” sabi niya sa kapatid saka binalingan niya ang ama. “Tay, pupunatahan ko po si Lourdes.”
Nagulat ang tatlo niyang kaharap sa tinuran niya.
“Sino kamo? Si Lourdes?” Ulit ng Nanay niya.
“Opo,Nay, tama po ang dinig niyo. Buhay po si Lourdes at kukunin ko siya kay Aling Sylvia,” sagot niya sa ina.
Nagkunot ito ng noo. “Nasisiraan ka na ba?”
“Hindi po, buo na po ang pasya ko.”
“Paano mo naman nalaman na buhay itong si Lourdes?”
“Mahabang kwento po Nay,” sagot niya. “Aalis na po ako.”
“Anak, hintay,” habol ng Tatay niya na tumayo sa kinauupuan nito. “Hindi sa pinapakialaman ka namin, pero mas gugustuhin namin ng Nanay mo na ‘wag mo nang ituloy ang binabalak mo.”
“Pero Tay, alam niyong mahalaga sa ‘kin si Lourdes at matagal akong nagdusa sa pagkawala niya. Ngayong andito na ulit siya, hindi na ako papayag na ilayo ulit siya ni Aling Sylvia.”
“Anak…”
“Payagan niyo na po ako. Kailangang kailangan ako ngayon ni Lourdes,” pagpapatuloy niya. Puno ng pakikiusap ang boses niya.
Nagkatinginan ang Nanay at Tatay niya. Nakita niyang nagtanguan ang mga ito.
“O siya, kung hindi ka na namin mapipigilan,” wika ng Tatay niya saka tumingin ng tuwid sa kanya, “pumapayag na kami.”
Ngumiti siya. “Salamat po.”
Agad siyang lumabas ng bahay at mabilis na naglakad. Halos isang kilometro din ang layo ng tirahan mag-anak ni Aling Sylvia mula sa kanila. Takbo at lakad ang ginawa niya upang mapabilis lang siya.
Alam niyang sa isang marahas na paraan niya susubukang kunin ang dating kasintahan at umaasa siyang magtatagumpay. Sana. Sana pumanig sa kanya ang langit. Iyon lang ang tangi niyang dasal ng mga sandaling iyon. Gusto niyang maibalik sa dati si Lourdes pagkatapos ay ipagpapatuloy na nila ang kanilang mga pangarap.
Sa wakas, natatanaw na niya ang kubong kinaroroonan ng babaeng kukunin niya. Pagdating niya sa may pinto ay tatlong beses na katok ang ginawa niya. Pero walang sumagot. Napansin niyang medyo bumukas ang pintuan kaya itinulak niya iyon.
“Aling Sylvia…” tawag niya.
Walang pa ring sumasagot. Inilibot niya ang paningin sa buong kabahayan. May kabang bumalot sa kanya nang makita niyang walang taong naroon. Dapat ay gising na ang mga iyon ngayon.
“Ferel…” tawag niya sa kaibigan.
Tinungo niya ang nag-iisang kwarto sa kubong iyon. Ngunit walang ring naroon.
“Hindi pwede ‘to,” bulong niya sa sarili.
Nakita niya ang isang maliit na aparador na nasa isang sulok ng silid. Dali dali niya iyong binuksan. Wala nang laman iyon. Nahilamos niya ng kamay ang mukha.
Nakaalis na sila.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...