Sa likod ng lumang mansyon, tahimik na pinagmamasdan ni Ferel si Lucas na naghuhukay. Katabi niya si Sylvia na katulad niya ay nakamasid lang din sa dating asawa at walang imik. Dapit-hapon na ng mga sandaling iyon. Sa ilang sandali pa ay magpapaalam na ang liwanag ng araw na tanging tumatanglaw lang sa ginagawa ni Lucas.
Sinulyapan ni Ferel ang bangkay ni Lola Remedios na nakalapag lang sa lupa. Nakabalot ito sa puting kumot at banig tapos ay tinalian upang hindi matanggal ang pagkakabalot. Hindi niya pa rin maiwasang hindi maluha kapag bumabalik sa kanyang alaala ang sinapit nito. Nakakapangilabot.
Kasabay ng paglubog ng araw ay ang pagdilim ng buong kalangitan. Naramadaman ni Ferel na may mumunting butil ng ulan ang nagsimula nang pumatak mula sa langit. Napatingala siya.
“Lucas, uulan na yata. Bilisan mo na ‘yan,” narinig niyang utos ni Sylvia.
Tumingin si Lucas sa nagsalita. “Ayos na ang lalim ng hukay na ito,” pahayag nito.
Sa tantiya ni Ferel ay nasa mahigit isang metro na ang lalim ng hukay. Nagsisimula nang manuot sa mga balat niya ang lamig ng hangin at ulan. Wala pa rin siyang imik habang binubuhat na ni Lucas ang wala ng buhay na si Lola Remedios at pabagsak itong inihulog sa hukay. At dahil doon ay mga mumunting putik ang tumalsik sa kinatatayuan niya.
“Lucas!” saway niya sa inasal nito. Sa tingin niya ay isang kabastusan iyon.
“Ferel, patay na si Lola Remedios. Hindi na siya nakakaramdam ng sakit,” sabi nitong nagsisimula nang tabunan ang hukay.
Napabuntong hininga na lang siya sa isinagot nito.
Mabilis na natapos ni Lucas ang pagtatabon ng lupa. Napansin din siguro nito na lalong lumalakas ang ulan. Inihagis nito ang pala at dali-daling pumasok sa loob ng mansyon kasabay ni Sylvia. Hindi man lang nagpasintabi ang mga ito sa kanya. Ni mag-ukol ng maikling panalangin ay hindi din nagawa ng dalawa. Naiwan siyang mag-isa sa puntod ng matanda. Bahagya niyang ipinikit ang mga mata at umusal ng maikling panalangin.
Ilang sandali pa ang inilagi niya roon bago niya naisipang pumasok na rin. Naramdaman niyang basa ang suot niyang bestida kaya agad siyang dumeritso sa kanyang silid upang magpalit ng damit. Isang lumang bestida na kulay asul ang ipinalit niya.
Sa harap ng malaking tokador ay sinuklay niya ang mahabang buhok. Pinagmasdan niya ang sariling replika sa salamin. Ngayon lang niya iyon nagawa simula nang makarating sila sa mansyon. Hinawakan niya ang maputla niyang pisngi dahil sa lamig. May naalala na naman siya. Si Mamerto.
Sa kabila ng lahat ng paghihirap ng kalooban niya, ang simpleng alaala lang ng binata ang nagpapangiti sa kanya. Ang kaso lang, hanggang alaala na lang yata ang lahat ng namagitan sa kanila at hindi na iyon madudugtungan pa.
xoxoxoxoxoxoxoxoxo
Ilang araw nang hindi mapakali si Mamerto. Sabay na nawala ang maituturing niyang mahahalagang babae sa buhay niya. Sina Lourdes at Ferel. Ang labis niyang pinag-aalala ay kung ano na ang nangyari sa mga ito. At wala siyang ni isa mang ideya kung saan dinala ni Aling Sylvia ang mga ito. May gusto man siyang gawin ay wala siyang magawa.
Naiinis din siya sa sarili niya kung bakit pa siya umalis nang gabing inihatid niya si Ferel at nang makita niya ang babaeng hindi na niya inaasahan pang makikita pang muli, si Lourdes.
Ikatlong gabi na iyon simula nang umalis mag-iina. At sa pangatlong gabi na ito ay mukhang hindi na naman siya dadalawin ng antok. Tiningnan niya ang kapatid na si Dina na tahimik nang natutulog sa tabi niya. Kahit paano ay nababawasan na ang kakulitan nito at pilit siyang pinapasaya nitong mga nakaraang araw. Alam kasi nito na masama ang loob niya. Bahagya niyang ipinikit ang mga mata at pilit na iwinaksi ang mga alalahanin. At ang tangi niyang dasal ay sana lang makatulog siya nang mahimbing.
Hindi pa nagtatagal simula nang ipinikit ni Mamerto ang mga mata ang may marinig siyang tunog ng bangkang de motor. Papalapit nang papalapit iyon. Hindi niya mapigilang hindi mag-usisa. Sa mga oras na iyon kasi ay wala nang nangangahas pang pumunta sa islang iyon dahil sa kawalan ng liwanag para sa mga namamangka.
Agad niyang nilapitan ang bintanang nasa maliit na silid na iyon at hinawi ang pawid na tumatakip dito. Nakita niya ang bangkero na agad na bumaba sa bangka. Kilala niya iyon. Si Mang Kulas. Agad nitong inalalayaan ang isang babaeng may magarang kasuotan na hindi na kabataan. Kasunod nitong bumaba ang isa pang lalaki na siguro ay kasing edad ng Tatay niya. Mukhang mamahalin din ang suot nito. Asawa siguro iyon ng babaeng inalalayan ni Mang Kulas.
Mabilis niyang tinungo ang pinto at lumabas para mag-usisa kung sino ang mga bagong dating. Sa islang iyon ay dalawang pamilya lang ang nakatira. Kaya kung hindi sila baka ang pamilya ni Aling Sylvia ang kailangan ng mga dumating. At kahit sino pa man sa kanila nararamdaman niyang importante ang sadya ng mga ito para puntahan ang islang iyon ng ganoong oras.
“Mamerto, ikaw pala,” bati ni Mang Kulas nang marating niya ang dalampasigan.
“May maitutulong po ba ako sa inyo?” tanong niya sa bumati at saka binalingan niya ang mga bagong dating at bahagya niya iyong tinunguan bilang paggalang.
“Ako wala,” sagot nito, “pero itong mga kasama ko meron.”
Tiningnan niya ang babae. Maganda ito pero may edad na. Siguro mga singkwenta na ito kautulad ng kasama nitong lalaki. “Ano po ba iyon?” magalang niyang tanong.
“Ako si Felomina,” pagpapakilala ng babae, “at ito ang aking asawa na si Manuel.”
Nakita niyang tumingin muna ito sa asawa bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Ako naman po si Mamerto,” iniabot niya ang kanang kamay niya at malugod naman itong tinanggap ng mag-asawa.
“Hinahanap namin ang anak naming si Ferel,” patuloy ni Felomina.
Nagulat siya. “Si Ferel po?”
Parang nabuhay ang mga mata ng babae. Sumulyap ulit ito sa asawang si Manuel. “Kilala mo ba ang anak namin, hijo?”
Tumango siya. Hindi niya alam ang sasabihin. Alam kaya ng mga kaharap niya na walang alaala ang sinasabi nilang anak?
Bahagyang lumapit sa kanya si Manuel bago nagtanong. Punong-puno ng pag-asa ang tinig nito. “Maaari mo bang sabihin kung saan siya naroon?”
“Ah…” nasabi na lang ni Mamerto. Hindi niya alam kung paano ipapaalam at ipapaliwanag sa mga ito ang totoo.
“Hijo, may problema ba?” nag-aalalang tanong ng babae.
“Ang akala ko po kasi s-si Aling S-Sylvia ang ina ni Ferel,” sabi niya sa gitna ng pagkalito at samu’t saring tanong na naglalaro sa kanyang utak.
“Ano? Si Sylvia?” halos sabay na tanong ng mag-asawa. Gulat na gulat ang mga ito.
xoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxoxo
Naahh! Sorry, I know this is too short! Isa lang 'to. Kasi naman. Hehe. Tinatamad ako. Isang Chapter for four hours! Arggh.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...