Kabanata 31

993 17 10
                                    

Tapos nang kumain si Ferel. At nasa silid na naman siya. Hindi na niya pinag-kaabalahang iligpit ang pinagkainan sa sobrang bagabag na naramdaman niya sa presensiya ni Sylvia na nasa tabi niya kanina. Hindi rin siya nakakain ng maayos.

Parang hindi nagdulot ng kahit kaunting lakas sa kanya ang kinain. Parang mas lalo lamang siyang nanghina. Damang-dama niyang nangangatog ang mga tuhod niya kaninang umakyat sa hagdanan. Ni hindi nga niya nagawang lingunin si Sylvia na nagbilin pa na pupunta sa silid niya bago mag-takipsilim.

Heto na naman ang pakiramdam niyang may mangyayaring hindi maganda. Napagpasyahan niyang lumabas na muna sa mansyon at magpahangin sa labas. Baka maging magaan ang pakiramdam niya sa gitna ng kakahuyan.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at marahang naglakad patungong hagdanan. Pababa na sana siya nang biglang may narinig siyang malakas na kalabog kasabay ng isang malakas na pagpalatak ni Sylvia. Galing iyon sa silid nito. Bumuntong hininga siya. Ayaw niya itong makita kaya diretso niyang iniiwas ang panigin sa pinag-mulan ng ingay at nsgpatuloy sa pagbaba ng hagdanan.

xoxoxoxoxoxoxoxo

Naihagis ni Sylvia ang isang pigurin na gawa sa kahoy sa dingding ng kwarto. Galit siya kay Lucas. Kaharap niya ito ngayon at kanina pa nila pinagtatalunan kung sino sa kanilang dalawa ang pumaslang kay Nanay Remedios.

Alam niyang hindi siya ang pumatay sa matanda. At isinusumpa niya sa langit na hindi niya iyon magagawa kailanman. Kahit galit siya rito ay hindi niya maiisip ‘yon. Nang gabing bago ito mamatay ay nag-usap sila ni Lucas tungkol sa matagal na niyang plano at gaya ng inaasahan ay hindi nga ito pumayag. Hindi daw nito kayang galawin si Ferel. Hiniling din niya na kung maaari ay tulungan siya nito na huwag hayaang makaalis ang dalaga ngunit hind rin ito pumayag. Naubos na lahat ng baraha niya para kay Lucas kaya ipinasya na niyang tapusin na agad ang pag-uusap nila. Iyon lang ang plano niya ng gabing iyon, ang kausapin lang si Lucas at hindi ang gumawa ng isang karumal-dumal na krimen.

 Naisip din niya na mabuti na lang hindi na nag-usisa pa ang dalaga kung anong napag-usapan nila ni Lucas nang gabing bago mamatay si Nanay Remedios. Labis niyang ipinagpasalamat iyon.

“Anong ibig sabihin ng ginawa mong iyon, Sylvia?” galit na sabi ni Lucas sa kanya na ang tinutukoy ay ang pagbalibag niya ng pigurin.

“Lucas, sinasabi ko sa’yo na hindi ako ang pumatay kay Nanay Remedios!” nanggagalaiti na rin siya.

“Sinungaling ka!”

“Makinig na naman sa akin,” paki-usap niya.

Hindi ito umimik.

“Ang akala ko talaga ikaw ang gumawa bagay na iyon,” pagkaraan ay sabi niya.

“Hindi ako,” iling nito.

Sa totoo lang ay paikot-ikot lang sila sa usaping iyon. Pareho nilang pinagbibintangan ang bawat isa sa nangyaring krimen pero walang pa ring linaw ang lahat.

“Itigil na natin ito, Lucas,” pagsuko niya saka huminga siya ng malalim.

Umupo ito sa isang silya na katabi ng kama.

Nanatili siyang nakatayo sa may bintana. “Anong balak mo?” wala sa sarili niyang tanong.

“Balak saan?”

“Sa buhay mo.”

Tumawa ito ng mapakla. “Wala.”

Lumapit siya rito at naupo sa gilid ng kama na malapit sa kinauupuan nito. “Wala ka bang pangarap?”

“Para saan pa?” tugon nito.

“Habang nabubuhay pa tayo, huwag tayong tumigil sa pangangarap.”

Isang makahulugang tingin ang iniukol nito sa kanya. “Tungkol na naman ba ito sa sinasabi mong huling habilin ng ama mo?”

“Lucas.”

“Sylvia, gustuhin ko man hindi na pwede.”

“Bakit?”

“Tingnan mo nga ako, sa tingin mo may magkakagusto pa sa akin?”

Ngumiti siya. Ito na ang hinihintay niyang pagkakataon para ilatag muli ang panibago niyang baraha. “Meron,” sabi niyang nagpakawala ng isang misteryosong ngiti.

Natawa naman ito. “Sino?”

“Si Ferel,” sabi niyang hinawakan ang braso nito.

“Imposible,” palatak nito. “Nahihibang ka ba?”

“Hindi ako nagbibiro, Lucas. Nag-usap kami kanina sa may komedor at inamin niya sa akin na may damdamin siya para sa’yo,” pilit niyang hinuhuli ang mga mata nito

“Nagsisinungaling ka na naman,” pagkadismaya nito.

“Hindi,” depensa niya.

Inilayo nito ang tingin. “Huwag mo nga akong linlangin.”

“Makinig ka sa akin. Si Ferel na ang kasagutan sa matagal mo nang pangarap na makapag-asawang muli. Mag-kakaanak kayo sa darating na panahon at sa pagkakataong iyon ay wala nang sumpa mula sa langit,” paliwanag niya.

“Hindi pa rin ako papayag,” matigas na sabi nito

“Hin—“

“Tama na, Sylvia. Itigil mo na itong kahibangan mo,” putol nito

Magsasalita pa sana siya pero bigla itong tumayo at walang paalam na nilisan ang silid. Nasapo niya ang ulo. Palpak na naman ang plano niya. Nagsinungaling pa siya na may gusto si Ferel dito pero hindi pa rin umubra. Huling-huli na talaga iyon at wala na siyang naiisip pang hakbang.

Sinulyapan niya si Lourdes na tahimik na nakaupo sa isang sulok ng silid. May kakaiba rito. Tama, meron nga. May parang kumikislap sa pisngi nito. Lumapit siya, basa ang pisngi nito sa luha at namumula ang mga mata.

“Lourdes…” usal niya.

Hindi siya makapaniwala. Umiiyak ang anak niya. At ngayon lang iyon nangyari sa loob ng ilang taon nitong pagiging tulala. Ang akala niya ay wala na itong nararamdaman. Pero heto’t parang nagkakaroon na ito ng emosyon. Niyakap niya ang anak. Masaya siya sa pag-iyak nito.

“Gagaling ka na ba anak?” bulong niya sa hangin.

ALAALATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon