_________________________________________________
Ang kabanatang ito ay ayon sa salaysay ni Lola Remedios.
_________________________________________________
“Ako ang nag-alaga kay Sylvia simula pa noong bata pa siya. Lagi kasing wala sa mansiyong ito ang mga magulang niyang sina Don Pablo at Doña Isadora dahil sa pagaasikaso ng kanilang hacienda dito sa San Antonio. Bukod sa pagiging haciendero ng ama ni Sylvia ay ito na rin ang tumatayong alkalde sa bayang ito. At kahit dalawang katungkulan ang inaasikaso nito ay maayos nitong napapamahalaan ang buong bayan. Ang kanyang ina naman ay isang magaling na manggagamot. Kaya kung hindi ito abala sa pagtulongsa asawa sa hacienda ay naroon ito sa sarili nitong pagamutan para asikasuhin ang mga pasiyente
Sa madaling salita, si Sylvia ay lumaking kulang sa atensiyon ng mga magulang kaya ginawa ko ang lahat upang mapunan ang pagkukulang nila. At dahil nga abala sa kani-kanilang propesiyon ang mga magulang niya, hindi nila nasubaybayan ang paglaki ng anak.
Si Sylvia ay kinaiingitan ng halos lahat ng bata sa kasing edad niya sa bayang ito. Pero hindi nila nakikita ang kalungkutan niya sa tuwing kami na lang ang nasa kwarto. Madalas siyang umiiyak. Iniiyakan niya ang pamamalimos niya ng konting atensiyon mula sa kanyang mga magulang.
“Nanay Remedios, bakit po ganoon sina Mama at Papa?” madalas niya iyong itanong sa akin.
“Marami lang silang inaasikaso, hija. Hindi ba’t lagi ka naman may bagong kalaruan, damit at sapatos galing sa kanila,” pagtatakip ko sa mga magulang niya.
“Hindi ko naman po kailangan ang mga ‘yon. Sila ang gusto ko,” maktol niya.
Hinaplos ko ang mahaba niyang buhok. Kasalukuyan kaming nasa harap ng salamin at inaayusan ko siya. Sa araw na iyon ang ika-labing dalawang kaarawan ng nagdadalaga ng si Sylvia.
“Noong nakaraang taon, nang sinabi ko kay Mama na may regla na ako hindi niya ako pinansin. Wala siyang reaksiyon. Hindi ba dapat ay matuwa siya dahil dalaga na ang anak niya,” patuloy niya sa pagmamaktol.
“Sigurado akong natuwa ang iyong Mama, walang inang hindi matutuwa kapag nagdadalaga na ang kanyang anak.”
“Pero hindi si Mama.”
Naaawa ako kay Sylvia kapag pinag-uusapan namin ang tungkol sa pagsasawalang bahala ng mga magulang niya sa mga nangyayari sa kanya. Pero wala akong magawa kaya pilit ko na lang pinagtatakpan ang mga ito sa bata.
“Katulad ngayon Nanay Remedios,” nakita kong may luhang pumatak galing sa mga mata niya, “kaarawan ko ‘di ba? At inaasahan ko nang wala sila mamaya.”
“Darating sila Sylvia,” nasabi ko na lang kahit alam kong tama ang tinuran niya.
Noong nakaraang taon ay wala rin ang mga magulang niya sa espesiyal na araw na katulad nito. At hindi lang iyon, halos limang sunod-sunod na kaarawan na ng bata ang kinaliligtaan ng mag-asawa. Hindi ko tuloy mawari kung sadyang sinasadya ng mga ito na huwag pumunta. Hindi ba pwedeng ipagpaliban muna ang kung ano mang pinagkakaabalahan nila para lang sa araw na ito, sa kaarawan ng kanilang nag-iisang anak?
Lumabas kami ng silid at idinaos ang kaarawan ni Sylvia. Maraming bisita, maraming bumati, maraming regalo ngunit katulad ng inaasahan, wala ang mga magulang niya. Sa kabuuan, ang araw na iyon ay napabilang lang sa malulungot na mga sandali sa buhay niya.
Sa taong din iyon ay papasok na sa mataas na paaralan si Sylvia. Napagpasiyahan ng mga mgaulang niya na sa Maynila sa siya pag-aralin na hindi naman niya tinutulan. Kahit na ang kapalit nito ay mahabang panahong pamamalagi niya sa malayong lugar. Hindi ako pinasama ni Don Pablo kay Sylvia upang magbantay. Kumuha ito ng ibang tao na taga-Maynila upang gawin ang trabaho ko.
BINABASA MO ANG
ALAALA
Mystery / ThrillerIsang malaking misteryo ang buhay ni Ferel. Nawalan siya ng alaala at hindi niya alam kung paano niya maibabalik iyon sa kanya. Dahil bukod sa kanyang ina ay wala nang nakakakilala sa kanya sa islang kinaroroonan niya. Alam niyang maraming lihim ang...